UWIAN NA! IPINANALO NA NI DUTERTE ANG CHINA LABAN SA PILIPINAS

Tatlong taon matapos ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration, tatlong taon na ring ipinapanalo ni Duterte ang China laban sa kanyang sariling bansa.

Pilipinas talo na sa China

Tatlong taon matapos manalo ang Pilipinas laban sa China sa isang internasyonal na korte, kabaligtaran naman ang nangyayari ngayon. Legal ang pagkapanalo natin sa China sa usapin ng South China Sea. Anyare?

Matatandaang sinabi ni Duterte na pinayagan nya ang China na mangisda sa West Philippine Sea kahit na may ekslusibong karapatan ang Pilipinas dito.

Ayon din kay Duterte, gagamitin nya ang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) para idepensa ang karapatan ng China na mangisda sa karagatan ng Pilipinas. Sinabi nya ito matapos palubugin ng isang Chinese ship ang bangka ng mga Pilipino sa Recto Bank (Reed Bank) sa West Philippine Sea. Hindi na tuloy masaya ang mga Pilipino sa polisiya ng Pangulo hinggil sa China.

RELATED: PILIPINAS DI KAILANGAN ANG PERMIT NG CHINA PARA MANGISDA SA WEST PHILIPPINE SEA

Hindi naman natin ito naisip noong manalo tayo sa Hague tribunal noong July 12, 2016. Walang karapatan ang China na angkinin ang buong South China Sea. Pinanatili ang karapatan ng Pilipinas sa 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Pero, mas pinili ni Duterte na isantabi ang ruling kapalit ang mga utang at tulong mula sa China. Dahil sa ginawa nyang ito, natatalo ang ating bansa.

Di man lang ipinagdiwang ng rehimeng Duterte ang anibersaryo ng Hague ruling noong Byernes.

Sina SC Senior Associate Justice Antonio Carpio, dating DFA Secretary Albert del Rosario, dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, at Atty. Chel Diokno lamang ang nagdiwang sa okasyon sa pamamagitan ng isang forum na inorganisa ng Stratbase Albert del Rosario Institute sa UP sa Taguig.

Ayon kay Carpio, walang ginawa ang rehimeng Duterte para ipatupad ang Hague ruling. May mga ginawa itong intensyonal at di intensyonal na syang nakakapagpababa o nakakapagpaubaya ng nasabing arbitral award.

Pinapahina ni Duterte ang ating posisyon sa kanyang pagpayag na mangisda ang China sa ating EEZ.

Tinuligsa naman ni Del Rosario ang sinasabing verbal agreement ni Duterte kay Xi Jinping hinggil sa pangingisda ng mga Intsik sa ating karagatan.

Dahil sa pagsasawalang-bahala ni Duterte na ipatupad ang Hague ruling, mas lalong dumami ang pananakot at bullying sa South China Sea.

Di pagsunod ng China

Dalawa lamang sa 11 parte ng Hague ruling ang nasunod ng China, ayon sa Asia Maritime Transparency Initiative na nakabase sa Washington.

Una, pinayagan ng China na mangisda ang mga Pilipino sa labas ng Panatag o Scarborough Shoal.

Pangalawa, itinigil na ng China ang pagsira sa marine environment sa South China Sea dahil tapos na sila sa paggawa ng mga artificial islands.

Mga utos sa Hague ruling na di sinunod ng China:

  • Hindi dapat angkinin ng China ang karagatan, exclusive economic zones, at continental shelves sa sinasabi nitong 9-dash line
  • Parte ng EEZ ng Pilipinas ang Second Thomas Shoal at ang karagatan sa paligid nito
  • Ilegal ang pag-okupa ng China sa Mischief Reef na parte ng continental shelf ng Pilipinas
  • Nilabag ng China ang karapatan ng Pilipinas na mangisda sa EEZ nito
  • Hindi pinigilan ng China na magkaron ng ilegal na operasyon ang mga mangingisda nito sa EEZ ng Pilipinas
  • Pinayagan ng China na sirain ng mga mangingisda nito ang marine environment dahil sa pagkuha nila ng mga nanganganib na uri doon
  • Nilabag ng China ang COLREGS (International Regulations for Preventing Collisions at Sea)

Paano mapapasunod ang China

Mga problema sa di pagpapatupad ng Hague ruling:

  • Ayaw ipatupad ni Duterte
  • Walang international police na magpapatupad

Pero, may paraan, ayon kay Paul Reichler, ang pangunahing abugado ng Pilipinas laban sa China.

Kailangang makipag-alyansa ang Pilipinas sa ibang bansa na may kaparehong interes para mahimok o mapilit ang China na sumunod sa international law at rumespeto sa karapatan ng mga estado.

Halimbawa, pwedeng makipag-alyansa ang Pilipinas sa Indonesia, Vietnam, at iba pang bansa sa Southeast Asia na may kaparehong interest laban sa China.

Kung magkakaisa ang mga bansa, mas posible na sumunod ang China.

Ayon kay Carpio, ipinapatupad ng mga naval forces gaya ng Estados Unidos, United Kingdom, at Japan ang arbitral award sa South China Sea dahil sa freedom of navigation operations (FONOPS).

Pero, dumidistansya naman si Duterte sa FONOPS.

Di sayang ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Hague tribunal

Maging si Reichler ay di naniniwalang sayang lamang ang Hague ruling. Marami pa rin ang naniniwalang maipapatupad ito.

Maliwanag ang sinasabi ng Hague ruling, may karapatan ang Pilipinas sa West Philippine Sea. Hindi naman habambuhay nasa pwesto si Duterte. Ngunit, mananatili ang Hague ruling kahit sino pa man ang maupong Pangulo.

Hindi rin panghabambuhay si Xi Jinping sa pwesto. Posibleng mas rumespeto ang China sa international law kapag di na si Xi ang lider nito.

RELATED: LAWAY NI DUTERTE KAPALIT ANG EEZ NG PILIPINAS

Di rin naman pwedeng ipaubaya ng Pilipinas ang arbitral award sa China. Tapos na ang kaso at nanalo na ang Pilipinas. Panghabambuhay ang pagkapanalo ng bansa sa mata ng international legal system. Un nga lang, nasa atin na kung ano ang gagawin natin sa pagkapanalo natin.

Posibleng iba ang gawin ng susunod na lider ng bansa para ipilit ang ating karapatan sa West Philippine Sea. Ang karapatan ng Pilipinas ay karapatan nito kahit na sa mga susunod na henerasyon. Nasa atin na lamang kung paano natin ito gagamitin at kung paano natin ito palalakasin.

Ang ginagawa ni Duterte ay nagpapakita ng katalinuhan ng ginawa ng rehimeng Aquino na dalhin sa international court ang usapin laban sa China. Hindi kailanman mababago ang ating legal victory.

87% ng mga Pilipino ibig na igiit ng gobyerno ang karapatan sa West Philippine Sea

Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS), halos siyam sa sampung Pilipino ang gustong igiit ng gobyerno ang karapatan natin sa West Philippine Sea.

87% ng 1,200 adult respondents ang sumasaangyon sa pahayag na,  “The Philippine Government should assert its right to the islands in the West Philippine Sea as stipulated in the 2016 decision of the Permanent Court of Arbitration (PCA).”

Ang nationwide survey ay ginanap mula June 22 hanggang June 26. Itinaon ang pagpapalabas ng resulta ng survey sa ikatlong anibersaryo ng pagkapanalo ng Pilipinas laban sa China sa Permanent Court of Arbitration.

Sa kaparehong survey, 87% ng mga Pilipino ang naniniwalang sinisira ng mga mangingisdang Tsino ang marine resources at kailangang silang maaresto para malitis.

Tatlong taon na lamang si Duterte bilang Pangulo. Nasa mga Pilipino at wala sa gobyerno ang desisyon. Sabi nga ni Chel Diokno, panahon na para gumising tayo. Sabi rin ni Morales, sa atin ang West Philippine Sea. Hindi kay Duterte at lalong hindi sa China.

 

 

Sources:

Esmaquel II, P. (2019, July 13). Philippines loses to China 3 years after Hague ruling. Retrieved from Rappler: Philippines loses to China 3 years after Hague ruling

Flores, H. (2019, July 13). 87% of Pinoys want government to assert rights in WPS. Retrieved from The Philippine Star: 87% of Pinoys want government to assert rights in WPS