Mga Panganib sa Joint Oil Development

joint oil development

Isinusulong ng rehimeng Duterte ang joint oil development kahit na maraming panganib ito.

Kailangan ng Pilipinas ang bagong pagkukunan ng enerhiya

Para sa Pilipinas, ang joint oil development ay masisigurado na masusuportahan ang pangangailangan ng bansa sa enerhiya lalong lalo na’t malapit nang maubos ang supply ng Malampaya gas field na syang responsable sa pagbibigay ng 1/3 ng supply ng kuryente sa Luzon. Hanggang ngayon, wala pang napapasimulang paghahanap ng panibagong pagkukunan ng enerhiya sa West Philippine Sea dahil sa pagtutol ng China.

RELATED: Bakit Unconstitutional ang Joint Oil Exploration?

Ang pagsasabi ni Duterte na gigyerahin tayo ng China ay sumusunod lamang sa retorika ng dambuhalang bansa. Umaasa ang Pangulo na ang mabuting pagpapalagayan ng loob ng dalawang bansa ay makakaengganyo ng mas maraming investments mula sa China na syang magpapalago ng ekonomiya.

Para naman sa China, ang pagkiling ng Pilipinas dito at ang paglayo sa US ay nagsisigurado na may soberanya pa rin ito sa inaangkin nitong South China Sea kahit na may iba pang bansang umaangkin din. Ganun din, nakakuha ng kaalyado at merkado ang China sa paggamit ng resources sa pinag-aawayang karagatan.

Ang pakikiayon ng Pilipinas, sa mata ng China, ay nakakadagdag sa kredibilidad nitong maangkin at mapagbawalan ang ibang bansa sa paglinang ng pinagkukunang yaman sa South China Sea. Ngunit, ang problema sa sinasabing joint oil exploration ay masyadong maraming panganib ito at walang masyadong ginagawa ang rehimeng Duterte para patunayang magkakaroon nga ng benepisyo ang Pilipinas mula sa pakikipag-alyansa nito sa China.

Di naging matagumpay ang joint oil development noon

Matatandaang sinubukan na ang alyansang China at Pilipinas noong panahon ng rehimeng Arroyo at hindi naging maganda ang kinalabasan nito. Noong 2005, pinirmahan ng Philippine National Oil Corporation (PNOC) at ng China National Offshore Oil Cooperation (CNOOC) ang kontrobersyal na Joint Maritime Seismic Undertaking (JMSU) agreement pero mabilis ang pagtatapos nito noong 2008. Nawalan ng kabuluhan ang interes ng Pilipinas kapalit ang sinasabing mga proyektong popondohan ng China sa imprastraktura ng bansa. Alam na natin ang nangyari. Isa ito sa pinakamalaking eskandalo ng korapsyon sa kasaysayan ng Pilipinas.

Dahil sa di naging matagumpay ang kasunduan, naging mahirap sa Pilipinas ang makakuha ng ibang katuwang sa paglinang ng mga likas na yaman sa karagatan dahil na rin sa pananakot ng China. Nanalo ang Pilipinas sa kaso nito laban sa dambuhalang bansa. Napagtibay na nanghihimasok na ito sa soberanya ng Pilipinas at nakakagambala na rin ito sa paggamit ng mga likas na yaman sa Recto o Reed Bank.

Maliwanag ang sinasabi ng Saligang Batas hinggil sa joint exploration o paghahati ng kayamanan ng bansa. May problema sa pagresolba ng mga isyu hinggil sa soberanya ng lugar.

Mahina ang posisyon ng rehimeng Duterte

Sawi ang rehimeng Arroyo sa alyansa nito sa China. Hindi rin naman maganda para sa rehimeng Duterte ang pakikipagmabutihan nito sa ibang bansa dahil mas pinanghihina lamang nito ang posisyon natin para makakuha ng pinakamabuting kasunduan para sa Pilipinas. Mabilis ang pagsasabi ng mga opisyal ng gobyerno na nakakakuha ang ating bansa ng mga benepisyo mula sa relasyon nito sa China, ngunit ang lahat ng sinasabing benepisyo ay pansamantala lamang. Ang totoo, mas malaki ang ibinibigay ng bansa sa China kesa sa natatanggap nito, gaya ng pagsasawalang-bahala ng Permanent Court of Arbitration ruling na nagsasabing atin ang West Philippine Sea.

Kaya nga, inilalagay lamang ni Duterte sa kompromiso ang soberanya ng Pilipinas. Mas lalo lamang titindi ang kritismo tungkol dito at mas lalong mapapanghina at magagamit lamang ito ng China laban sa atin. Mataas pa rin ang popularidad ng Pangulo, ngunit ang patuloy na pagsusulong ng joint oil exploration ay posibleng makadagdag lamang sa retorika na makakasira sa kanyang kredibilidad.

Walang kasiguraduhan ang anumang kasunduan

Sabi nga, wala namang poreber. Posibleng magtagumpay si Duterte sa pagkakaroon ng kasunduan sa China sa ngayon, ngunit walang garantiya na magpapatuloy ito sa hinaharap. Pabago-bago ang ugali ng China sa South China Sea. Minsan nagiging assertive ito sa pag-aangkin at nagpapalit-palit sa paggamit ng charm at pamimilit, depende sa takbo ng politika sa bansa nila at kung marami ang tumutuligsa rito.

Pipilitin ng China na magkaroon ng code conduct at mas magiging bukas sa joint oil exploration. Pero, tandaan nating pwede rin silang gumamit ng lakas para ipilit ang kanilang gusto.

Masyadong nakadepende ang rehimeng Duterte sa China sa pag-asang tutulong ito sa pagpapalago ng ekonomiya. Di alintana ng Pangulo na posibleng gumamit din naman ng economic coercion ang China. Maliwanag ang track record ng bansang ito sa pamimilit para makuha lamang gusto nito. Noong 2010, nagkaroon ito ng rare earth export ban sa Japan. Noong 2012, nagkaroon ito ng ban sa mga saging ng Pilipinas. Naghiganti rin ito sa South Korea dahil sa paggamit ng Terminal High Altitude Area Defense (THAAD) system.

Ilegal ang pagsusulong ng joint oil development kung isinusuko ang soberanya

Ilang beses nang nagbabala si Supreme Court Associate Justice Antonio T. Carpio hinggil sa anumang kasunduan sa China para sa joint exploration. Ilegal ang kasunduan kung patuloy na ipipilit ng China na mayroon itong soberanya sa lugar gaya ng Reed o Recto Bank. Kailangang kilalanin ng dambuhalang bansang ito na ang Pilipinas ang may tanging soberanya sa West Philippine Sea. Pero, di naman yan gagawin nito.

Maliwanag ang sinasabi ng China: may soberanya ito sa inaangking South China Sea. Kapag walang makuhang malinaw na solusyon sa pag-aaway away sa teritoryo, handa itong isantabi ang usapin ng soberanya para maisulong ang joint exploration, ngunit di nangangahulugang isinu-surrender nila ang usapin ng soberanya. Handa ang China na makipagtulungan sa ibang bansang may inaangking teritoryo sa South China Sea. Ang layunin ng joint development ay para isulong at payabungin ang mutual understanding sa pamamagitan ng kooperasyon at makagawa ng mga kondisyon para maresolba ang pag-aari ng mga teritoryo.

RELATED: Joint Exploration: Ano ang Mapapala ng China at Pilipinas?

Maliwanag ang stand ng China. Maliwanag din ang sinasabi ng Section 2, Article XII ng 1987 Philippine Constitution: “The exploration, development, and utilization of natural resources shall be under the full control and supervision of the State. The State may directly undertake such activities, or it may enter into co-production, joint venture, or production-sharing agreements with Filipino citizens, or corporations or associations at least sixty per centum of whose capital is owned by such citizens.”

Sa pagpayag ng rehimeng Duterte sa joint oil development, sino ang sumuko kanino?

Source:

Parameswaran, P. (2017, July 27). The Danger of China-Philippines South China Sea Joint Development. Retrieved from The Diplomat: The Danger of China-Philippines South China Sea Joint Development

Tordesillas, E. T. (2018, March 7). OPINION: Again, the risks of joint exploration in Philippine EEZ. Retrieved from ABS-CBN News: OPINION: Again, the risks of joint exploration in Philippine EEZ