Bakit Unconstitutional ang Joint Oil Exploration?

joint oil exploration

Kahit wala naman ang arbitral ruling, unconstitutional pa rin ang joint oil exploration sa West Philippine Sea.

Neri Colmenares pinaalalahanan si Duterte hinggil sa joint oil exploration

Ayon kay Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares, ang anumang joint exploration kasama ang China sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ay labag sa Saligang Batas.

RELATED: Joint Exploration: Ano ang Mapapala ng China at Pilipinas?

Ayon sa Article XII Section 2 ng 1987 Philippine Constitution, kailangang may buong kontrol ang Pilipinas sa anumang exploration o paggamit ng ating natural resources. Sa joint exploration kasama ang China, walang full control ang Pilipinas.

Nilabag na ng China ang ating territorial sovereignty sa West Philippine Sea. Hindi na natin dapat pabayaan pang yurakan nito ang ating Saligang Batas.

Isang pagtataksil sa bayan ang pagpayag sa joint exploration kasama ang China. Ganito rin ang nangyari noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Matatandaang noong presidente pa ito, nagkaroon ng Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) ang Pilipinas kasama ang China at Vietnam. Ito’y  isang pag-aaral na punong puno ng isyu ng korapsyon.

Isang pagkakanulo ng soberanya ng Pilipinas kapalit ang isang kasunduang katulad ng nangyari sa JMSU noong 2005 kung saan pinayagan ni GMA ang China na maghanap ng langis kapalit ang mga proyekto at utang.

Nakakalungkot na ang gobyerno ang nagkakanulo sa Pilipinas. Sa rehimeng Arroyo, ang NBN-ZTE ang kapalit ng JMSU.

Matatandaang sa pagbabalik ni Duterte mula sa kanyang panlimang pagbisita sa China, sinabi nyang pinag-iisipan nyang isantabi ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) kapalit ang joint oil exploration.

Kwestyonable pa rin ang legalidad ng JMSU

Ayon naman kay Bayan Muna Representative Carlos Zarate, kailangang maging mapagbantay ang mga Pilipino at suriing mabuti ang mga panuntunan ng kasunduan ng Pilipinas at China sapagkat posibleng dehado tayo masyado.

Ayon sa kanya, ang gobyerno ang syang nagbebenta sa ating bansa. Hindi pa rin nareresolba ng Korte Suprema ang isyu tungkol sa legalidad ng JMSU noong panahon ng rehimeng Arroyo.

Hindi totoong idineklara na ng Korte Suprema na constitutional ang JMSU. May mosyon pang isinumite noong 2014 na di pa rin nareresolba. Umaasa pa rin tayo na magpapalabas ng desisyon ang Supreme Court na papabor sa Pilipinas lalo na’t nanalo tayo sa desisyon sa The Hague.

Matatandaang ipinangako ni Duterte na ipaglalaban ang territorial rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Sabi pa nga nya, sasakay sya sa jet ski papuntang Spratlys at ilalagay ang bandila ng bansa.

RELATED: Ano ang mga Hamon sa Seguridad Kapag Ipinagpatuloy ang Joint Exploration?

Nangako rin syang magkakaroon sya ng independent foreign policy na ipinalagay ng marami na paglayo sa impluwensya ng Amerika. Ngunit, napagtanto nating ito’y isang istratehiya para mapalapit lamang sa China.

Maraming katanungan sa joint oil exploration ang di nasasagot. Nagkakaroon tuloy ng takot na ibinenta ng rehimeng Duterte ang ating soberanya sa China. Anyare, Pilipinas?

 

Source:

Lalu, G. P. (2019, September 11). Duterte told: Joint exploration with China in West PH Sea unconstitutional. Retrieved from Inquirer: Duterte told: Joint exploration with China in West PH Sea unconstitutional