TRAIN LAW NAGING MAS PABIGAT SA MGA MAHIHIRAP

Lohikal naman na pabigat ang TRAIN law sa mga mahihirap. Kaya, expected nang ganito ang magiging resulta ng pag-aaral. Kung pasusubalian ng gobyerno, siguro dapat magkaroon din sila ng pag-aaral muna.

PIDS: Mas lumago ang ekonomiya sa TRAIN law pero mas dumami ang mahirap

Sumigla ang ekonomiya dahil sa TRAIN law. Lumaki ang produksyon at dumami ang may trabaho. Pero, mas lumala ang kahirapan, lalong lalo na sa mga magsasaka at mangingisda.

Ayon sa PIDS, “slightly positive” ang resulta ng TRAIN law sa pagpapalago ng ekonomiya pero mas dumami naman ang naghirap dahil sa mataas na presyo ng bilihin.

Bumagsak ang produksyon ng mga sumusunod:

 

Produkto

Porsyento ng Pagbaba

Coal at mineral

5.2%

Chemical, rubber, plastic

14.2%

Petroleum

1.2%

Beverage and tobacco

25.9%

Engine and turbine manufacturing sector except aircraft, cycle, and vehicle engines

43.5%

Tumaas naman ang produksyon ng mga sumusunod:

Produkto

Porsyento ng Pagtaas

Agriculture

5.4%

Food manufacturing

3.2%

Umangat naman ang presyo ng mga sumusunod:

Produkto

Porsyento ng Pagtaas

Palay and unmilled rice

3.2%

Corn

3.4%

Sugar

3.7%

Livestock

3.8%

Fish

3.8%

Beverages

68.9%

Petroleum

10.5%

Transportation

16.8%

Ayon sa PIDS, dumami ng 396,702 ang mga indibidwal na may trabaho. Nagkaroon ng mas mataas na produksyon na syang nagbukas ng mas maraming trabaho. Ang unskilled labor ang mas nakinabang sa pagpapatupad ng TRAIN.

Pero, ayon sa parehong pag-aaral, tumaas naman ng 0.26% ang bilang ng mga mahihirap na pamilya. Samantala, 0.65% ang itinaas ng mahihirap na Pilipino. Sa mga mangingisda, 1.35% ang itinaas ng mahihirap samantalang 0.06% naman ang itinaas ng mahihirap na magsasaka.

Bumaba naman ng 8.16% ang bilang ng mga mahihirap na transport workers.

Malaking tulong ang cash transfers para maibsan ang lubhang kahirapan sa bansa dahil sa TRAIN, lalong lalo na ang mga nasa transport sector.

PIDS: Ang lowest 30% lamang ng populasyon ang di nakaramdam ng kabawasan sa kanilang kita

Source: Rappler

Ayon sa Philippine Institute for Development Studies, tumaas ng 0.26% ang kahirapan sa Pilipinas kahit na merong tulong pinansyal na ibinigay ang gobyerno.

Ang Pantawid Pasada na ibinigay ng gobyerno sa transport sector ay nakatulong sa mga drayber at operator. Ngunit, hindi naman sila ang mga pinakamahirap na sektor kaya kahit na maliit na cash transfers ay nakatulong sa kanila.

Pero, di naman lahat ng sektor ay kagaya ng mga nasa transport sector ang kalagayan.

Source: Rappler

Bumaba ng 6.6% ang kahirapan sa Pilipinas mula 2015 hanggang 2018. Ngunit dahil anti-poor ang TRAIN, posibleng mas malaki pa ang naahon sa kahirapan kung wala ito.

Lumala ang income inequality dahil sa TRAIN law

Ipinagyabang ng nagsulong ng TRAIN na progressive ang pagbabago sa sistema ng pagbubuwis sa bansa. Ibig sabihin, mas magbabayad ng buwis ang mga mayayaman kesa sa mga mahihirap.

Posible naman talagang maging instrumento ang pagbabago sa buwis para mabawasan ang gap ng mga mahihirap at mayayaman. Pero, di naman ganito ang ipinakita ng mga datos.

Ayon sa isa pang pag-aaral, hindi naman naging progresibo ang sistema ng pagbubuwis dahil sa TRAIN. Kabaligtaran pa ang nangyari.

Mas pinagbayad ng tax ang mga sobrang yamang Pilipino o ung mga kumikita ng higit sa 12M piso kada taon. Pero, ang malaking bulto ng TRAIN ay dinala ng mga mahihirap na Pilipino.

Unang una, hindi naman kasi naapektuhan ng pagbaba ng income tax rate ang mga mahihirap o ung mga kumikita ng minimum wage lamang, kasama na ang mga informal sector gaya ng mga pedicab drivers at magtataho. Dati na kasi silang hindi nagbabayad ng buwis.

Pangalawa, ang ibang excise tax ay pumabor sa mga mayayaman. Halimbawa, ang excise tax sa sasakyan ay bumaba. Nabibiyayaan nito ang mga mayayamang kayang bumili ng SUV at luxury cars.

Ang pagbaba ng donor tax at estate tax ay pumabor din sa mga mayayamang may mga titulo ng lupa.

Pero, posible pa rin namang maayos ang istwasyon kung aayusin ng gobyerno ang paggastos ng pera ng sambayanan. Ibig sabihin, kailangang siguraduhin ng gobyerno na maraming mga programa na makakatulong sa mga mahihirap.

DOF di sang-ayon sa resulta ng pag-aaral ng PIDS

Hindi naman sang-ayon ang Department of Finance sa ginawang pag-aaral ng PIDS dahil para sa kanila hindi naman binigyang halaga ng huli ang positibong epekto ng TRAIN.

Ayon kay DOF Undersecretary Karl Kendrik Chua, partial at incomplete ang pagsusuri ng PIDS. Misleading pa raw ito dahil pinili lamang ang mga probisyon ng batas.

Unang una, di raw isinama ng PIDS ang unconditional cash transfer program bilang isang mahalagang probisyon ng TRAIN na nagbibigay suporta sa mga mahihirap.

Kahit naman daw naantala ang pamimigay ng tulong, gumawa naman daw ng mga hakbang ang gobyerno para maibsan ang epekto ng TRAIN.

Hindi rin isinama sa pag-aaral ang mas mataas na paggastos ng gobyerno sa imprastraktura na lumobo sa higit na 40% at higit sa 5% ng GDP noong 2018.

Importante raw ito dahil merong multiplier effect ang government spending. Times 2 daw kasi ang epekto ng government spending. Ibig sabihin, sa bawat piso na ginagastos ng gobyerno sa imprastraktura, may karagdagang piso na benepisyo dahil sa may mga nalilikhang bagong trabaho.

Ganun din, matagal pa bago maramdaman ang tunay na epekto ng TRAIN.

In denial ang gobyerno hinggil sa epekto ng TRAIN sa mga mahihirap. Siguro, dapat maglatag din sila ng pag-aaral nila. Ang problema, parehong ahensya ng pamahalaan ang magkaiba ang sinasabi. Sino ngayon ang paniniwalaan mo?

 

Sources:

Padin, M. (2019, May 19). DOF, PIDS at odds over TRAIN impact. Retrieved from Philippine Star: DOF, PIDS at odds over TRAIN impact

Punongbayan, J. (2019, April 25). [ANALYSIS] How the TRAIN law worsened poverty, inequality. Retrieved from Rappler: [ANALYSIS] How the TRAIN law worsened poverty, inequality

Tubayan, E. C. (2019, January 1). TRAIN spurred economic activity, increased poverty — PIDS. Retrieved from Business World: TRAIN spurred economic activity, increased poverty — PIDS