Rice Tariff: Napakong Pagbaba ng Halaga ng Bigas

rice tariff

Naghihirap ang mga magsasaka sa rice tariff. Wala rin ang ipinangakong 7 piso na ibababa ng presyo ng bigas.

Mas naghihirap ang mahihirap sa rice tariff

Ang ating mga magsasaka ang pinakamahirap sa ating bansa at dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay, mas lalo pa silang maghihirap. Ito ay isang epekto ng pinagmamalaking rice tariffication law ng rehimeng Duterte. Game-changing pa nga raw ito.

RELATED: RICE TARIFF EPEKTIBO NGA BA?

Ang RA 11203 o Rice Tariffication Act ay pinirmahan ni Duterte noong February 2019. Dahil dito, wala nang  nakapigil pa sa pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Ibig sabihin, hindi na kontralado ng gobyerno sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) ang pag-angkat ng bigas.

Dahil sa pagbabagong ito ng polisiya sa bigas, masyadong naging mabilis at masakit ang epekto sa mga magsasaka.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang presyo ng palay ay dumadausdos pababa simula nang maisabatas ang rice tariff. Noong ikalawang linggo ng Agosto, bumagsak sa 17.62 piso kada kilo ang farm gate price ng palay. Ito ay 20.9% pagbagsak mula sa 22.28 kada kilo noong Agosto 2018.

Nangalahati ang tubo ng mga magsasaka. Kumikita na lamang sila ng 5 piso kada kilo. 10 piso ang kita nila noong isang taon. 12 piso ang halaga para makapag-ani ng isang kilong palay samantalang 6 piso kada kilo lamang sa Thailand at Vietnam.

Sa 5 pisong tubo kada kilo, kulang na kulang ito para mabuhay ang magsasaka. Ayon sa Presidente ng Federation of Free Farmers Cooperatives na si Raul Montemayor, 111 piso lamang ang kinikita ng isang magsasaka sa isang ektaryong sakahan. Ito ay base sa 4,000 kilos na produksyon kada ektarya kada anihan para sa mga sakahang may irigasyon.

Dahil sa nangyayari, nawalan na ng insentibo ang mga magsasaka na magtanim ng bigas kaya bumagsak din naman ang produksyon at ani nito noong second quarter ng 2019.

Ayon sa PSA, bumagsak ng 5.8% ang ani ng palay noong April hanggang June ng 2019 o 3.85 million MT mula sa 4.1M MT noong isang taon. Mas nakakabahala na lumiit ng 2% ang kabuuang lupang sinasaka.

Ganun din, bumagsak din ang ani ng 4% sa 4.21M MT kada ektarya mula sa 4.38M MT sa kaparehong period noong isang taon. Nabawasan ang abilidad ng Pilipinas na magproduce ng sapat na bigas para sa mga mamamayan nito.

Ayon sa mga economic manager at technocrat, sinisigurado ng rice tariffication law na magkakaroon ng de kalidad na bigas na mas mura at kayang kaya ng mga pamilyang Pilipino.

Pero, di naman ito ang nangyayari.

Habang bumabagsak ang presyo ng palay, hindi naman sumabay ang presyo ng bigas sa pamilihan. Noong ikalawang linggo ng Agosto, bumaba ng 7.3% ang halaga ng bigas sa 42.71 piso kada kilo mula sa 46.06 piso kada kilo noong isang taon. Actually, kumpara sa presyo kada linggo, tumaas pa nga ang presyo ng bigas mula sa 42.59 piso kada kilo.

Maliwanag na may kumikita sa nangyayaring ito sa bansa ngunit hindi ang mga magsasaka. Ayon kay Alyansa Agrikultura Chairperson Ernesto Ordoñez, ang rice trader ang kumikita sa pagpapatupad ng rice tariff.

Ipinatupad ng gobyerno ang rice tariffication law bilang tugon nito sa masyadong pagtaas ng presyo ng bigas noong isang taon. Meron din naman itong safety nets gaya ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na kukunin mula sa koleksyon ng Bureau of Customs sa ipinapataw na 35% tariff sa inangkat na bigas ng mga private traders.

Ngunit, aminado ang mga opisyal ng gobyerno na sa unang quarter ng 2020 pa maipapatupad ang mga programa na magbibigay proteksyon sa mga magsasaka at di agarang mararamdaman ang epekto.

Pero, agaran ang epekto ng rice tariffication sa mga magsasaka at desperado sila sa paghiling ng tulong.

Sa kabilang banda, hindi naman natitinag ang gobyerno sa kanilang bagong polisiya sa bigas. Kailangan daw bigyan ng panahon ito bago maramdaman ang mga benepisyo.

RELATED: RICE TARIFFICATION, NAGPASOK NG 5.9B SA KABAN NG BAYAN. DAPAT KA BANG MATUWA?

Ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Sonny Dominguez, ang RCEF ang syang tutulong para makakumpetensya ang ating mga magsasaka sapagkat mabibigyan sila ng mga makinaryang magagamit sa kanilang sakahan. Bibigyan din sila ng murang pautang, high-yield seeds, at skills training sa teknolohiya ng farm mechanization at modern farming.

Posibleng mangyari ang mga pangako ng gobyerno pero di naman ito ang kailangan ng ating mga magsasaka. Gutom at kawalan ng hanapbuhay. Anong silbi ng RCEF bukas kung patay na sila ngayon?

 

Source:

Inquirer Editorial. (2019, September 4). Fields of agony. Retrieved from Inquirer: Fields of agony