RICE TARIFF EPEKTIBO NGA BA?

Di pa lubos na naipapatupad ang batas tungkol sa rice tariff ngunit iminumungkahing pag-aralan itong muli. May problema. May malaking problema.

Pagsusuri ng batas ukol sa rice tariff isinusulong

Umaapela ang mga stakeholder kay Duterte na iutos ang pag-aaral muli ng liberalisasyon sa pag-angkat ng bigas matapos bumagsak nang todo ang halaga ng palay na syang ikinalulugi ng mga magsasaka.

Ganun din, hindi naman bumababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan kahit na sinigurado ng mga economic managers ng gobyerno na bababa ang presyo ng hanggang 7 piso kada kilo.

Sa isang pahayag ni Department of Agriculture Secretary Manny Piñol sa kanyang Facebook page, sinabi nyang nakipag-usap sya sa mga magsasaka at sinigurado nyang isusumite nya ang kanilang mga hinaing sa Pangulo.

Apat na buwan pa lamang simula nang maipasa ang rice tariffication law, ngunit masyado nang bumagsak ang halaga ng palay. Sa ilang mga probinsya, sinasabing nasa 12 piso kada kilo na lamang ang farm gate price ng palay kung kaya wala nang kinikita ang mga magsasaka.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang average farm gate price noong Hunyo ay nasa 17.85 piso kada kilo. Ito na ang pinakamababang bilihan ng palay sa loob ng tatlong taon.

Inirereklamo rin ng mga stakeholder ang masyadong pagsasamantala ng mga rice importer at trader. Mababa lamang ang pagkabili nila sa imported rice ngunit masyadong mataas naman ang pagbebenta nila sa mga retailers.

Sinasabing 114B piso na ang nalulugi sa mga Pilipinong magsasaka. Bago pa maipatupad ang rice tariff law, nasa 20 piso kada kilo ng palay ang farm gate price.

Matatandaang sinabi ng mga economic manager ni Duterte na bababa nang halos 7 piso kada kilo ang bigas kapag naipatupad na ang rice tariff law. Ngunit, hindi naman ito ang nangyayari sapagkat nasa piso hanggang dalawang piso lamang ang ibinaba ng presyo kahit na sandamakmak ang imported rice.

RELATED: RICE TARIFFICATION, NAGPASOK NG 5.9B SA KABAN NG BAYAN. DAPAT KA BANG MATUWA?

Ayon sa Bureau of Customs, ang landed cost ng bigas mula sa mga sumusunod na bansa ay:

Bansa

Landed Cost ng Bigas kada Kilo
Myanmar

18.22

Vietnam

25.33

Thailand

23.06

Ngunit, ayon naman sa regional offices ng Department of Agriculture, ang halaga ng bigas sa merkado ay naglalaro mula 32 hanggang 70 piso kada kilo sa buong Pilipinas.

Ayon kay CARAGA farm leader Pedro Lim, ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan ay hindi man lang naging katumbas ng sakripisyo ng mga magsasakang Pilipino.

Hindi rin naman sapat ang sinasabing 10B piso na subsidy sa mga magsasaka kada taon para matulungan silang makayanan ang mga masamang epekto ng rice tariffication sa kanila.

Ayon kay dating UP Los Baños professor Teodoro Mendoza, ang 10B piso ay 2.5% lamang ng 400B pisong  kontribusyon ng rice industry sa ekonomiya ng bansa.

Hindi pa rin naman natatamasa ng mga magsasaka ang ipinangakong 10B pisong tulong para sa modernization program ng rice industry.

Gobyerno kokontrolin na ang presyo ng bigas

Nakatakdang pirmahan ng Department of Agriculture (DA) at ng Department of Trade and Industry (DTI), National Economic and Development Authority (NEDA), at Department of Finance (DOF) ang isang joint memorandum para sa pagpapatupad ng Suggested Retail Price (SRP) sa bigas.

RELATED: NEDA: Wala Nang Self-Rice Self-Sufficiency Policy Ang Pilipinas

Magbabago ang SRP kada dalawang linggo matapos suriin ng gobyerno ang landed price ng imported rice. Ang SRP ng local rice naman ay nakasalalay sa average farm gate price ng palay.

Ayon kay Piñol, pinaghihinalaan nila na nagsasamantala ang ilang rice traders. Nagdedeklara ang ilang rice importers na 25% broken rice, imbes na 5%, para maibaba ang buwis na kanilang dapat bayaran.

Matatandaang inimungkahi ni DTI Secretary Ramon Lopez ang pagtatanggal ng SRP para sa bigas kapag naipatupad na ang rice tariffication dahil inaasahan ng gobyerno na babagsak ang presyo ng bigas.

Ngunit, ibig na nya ngayong ibalik ang SRP dahil di naman nangyari ang inaasahan nilang 7 piso na pagbaba sa halaga ng bigas sa mga pamilihan.

Wala bang kamuwangan ang rehimeng Duterte sa posibilidad ng pagsasamantala ng mga negosyante? Bakit hindi nila naisip ang pagkontrol sa presyo ng bigas para iwasan ang pagsasamantala ng rice importers at traders?

 

Sources:

Mogato, A. (2019, July 17). Government to set SRPs for imported, local rice. Retrieved from Rappler: Government to set SRPs for imported, local rice

Ocampo, K. R. (2019, July 18). Review of rice tariff law pushed. Retrieved from Inquirer: Review of rice tariff law pushed