Filipino Farmers Unti-Unting Pinapatay sa Gutom

filipino farmers

Di natutugunan ang pangako ng rice tariffication law sa Filipino farmers. Anyare?

Filipino farmers: Nililipol ba sila?

Sa simula pa lang ng usapan sa pagsasabatas ng rice tariffication ay sinabi na ng mga kritiko na papatayin nito ang ating mga magsasaka. May naisip ang gobyerno na pondo na ang layunin ay payabungin pa ang productivity nila, ngunit ang pondong ito ay posibleng di mapamahalaang mabuti at mapunta lamang sa mga korap.

RELATED: NFA Palay sa Suki at Di sa Farmers Binibili

Ngayon, bumubulusok ang bigas mula sa ibang bansa at ang problema naman ngayon ay “dumping” o ung pagbaha ng imported rice sa merkado. Iniisip ng gobyerno na itaas ang buwis na ipinapataw dito para makontrol ang pag-angkat ng bigas.

May 5B pisong pondo para suportahan ang mga magsasaka ngunit maging ang Senado ay di nila mahanap kung saan napunta ang pondo. Ang sinasabing pera ay dapat sanang nabenepisyuhan ang mga magsasaka noong isang taon bago pa man naipatupad ang rice tariff.

Samantala, lubos na nahihirapan na ang mga Filipino farmers sa pasimula pa lang ng pagpapatupad ng batas sapagkat bumagsaka sa 7 piso kada kilo ang palay. Di rin naman tumataas pa sa 12 piso kada kilo nito. Bago pa maipatupad ang batas ay naibebenta ang palay mula 17 hanggang 20 piso kada kilo.

Sabi ng mga kritiko, sinabi na naming sa inyo yan.

Habang natutuwa ang mga mamimili sa pagbaba ng halaga ng bigas, sabi naman ng tagapagtanggol ng rice tariffication, nakakabenepisyo rin naman ang mga magsasaka sa murang presyo ng bigas.

Ngunit, milyun-milyong magsasaka, kasama na ang kanilang mga pamilya, ang nakadepende sa pagtatanim ng palay. Sabi ng gobyerno, matutulungan ng rice tariff ang produksyon nila ng bigas. Sabi pa nga nila, makakapag-export pa sila ng bigas.

Mabuti sana ang intensyon ngunit nakadepende naman ang lahat sa maayos na pagpapatupad ng mga ayuda sa mga magsasaka. Nakadepende rin ang tagumpay ng batas sa maayos na pamamahala at paggamit ng nakolektang buwis mula sa mga inangkat na bigas.

Pero, lahat ng indikasyon ay kontra sa lahat ng ipinangakong mangyayari ng gobyerno kapag naipatupad ang rice tariffication law. Hindi kailan man dapat nakadepende ang ating ekonomiya sa pag-angkat ng bigas. Kailangang isalba ang rice production. Kailangang isalba ang ating Filipino farmers.

Mga problema sa pagpapatupad ng rice tariffication law

  • Di pa natatanggap ng mga magsasaka ang pangakong ayuda ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)
  • Bumagsak ang presyo ng palay ng 17%
  • Bumaba lamang ng 4% ang presyo ng bigas sa mga pamilihan
  • Tumigil na ang ilang millers sa kanilang negosyo
  • Kumonti ang darak na kailangan ng mga feed miller
  • Undervalued ang mga rice imports para konti lamang ang maibayad na buwis

Mga posibleng gawin ng gobyerno para solusyunan ang problemang dulot ng rice tariff

  • Bumili ang National Food Authority (NFA) ng mas maraming lokal na bigas sa mas mataas na halaga kahit pansamantala lamang
  • Bigyan ng insentibo ang mga Filipino farmers para patuloy silang magtanim at di iwan ang mga bukirin sa pamamagitan conditional cash transfers kahit pansamantala lamang
  • Maayos na ipatupad ang RCEF
  • Suportahan ang modernisasyon ng mga rice mill sa bansa

RELATED: Rice Tariff: Napakong Pagbaba ng Halaga ng Bigas

Ngayon, higit kailanman, nararapat ang maayos na pamamahala ng gobyerno sa problemang kinakaharap ng buong bansa dahil na rin sa kanilang kagagawan. Isalba ang agrikultura. Isalba ang Filipino farmers.

 

Sources:

Clarete, R. L. (2019, August 19). Rice tariffication problems and measures to deal with them. Retrieved from Business World: Rice tariffication problems and measures to deal with them

The Philippine Star Editorial. (2019, September 4). EDITORIAL – Headed for extinction. Retrieved from The Philippine Star: EDITORIAL – Headed for extinction