Digital Economy Tax: Umaarangkada na sa Kongreso

digital economy tax

Nagsulong si Albay Representative Joey Salceda ng digital economy tax para makalikom ng karagdagang pondo.

Joey Salceda: Kailangan ang Digital Economy Tax para sa Patuloy na Paglaban sa COVID-19

Nagsulong na si Albay Representative Joey Salceda sa Kongreso ng batas para sa pagpapataw ng buwis sa mga naglalakihang tech companies gaya ng Facebook, YouTube, Google, Spotify, at Netflix para makalikom ng pondo sa paglaban sa coronavirus.

RELATED: Global Economy: Paano Naapektuhan ng Coronavirus?

Inaasahang makakakuha ng 29B piso ang gobyerno kapag naipasa na batas hinggil sa value added tax (VAT) sa digital services. Ayon kay Salceda, kailangan ang pondo para mas makalaban sa COVID-19 at makarekober ang bansa. Isa rin itong senyales sa buong mundo na handa na ang bansa sa digital transformation kaya isinasaayos na ang pagbubuwis dito.

Simula sa isang taon, ang pondong malilikom mula sa mga bagong buwis ay gagamitin din para sa digital programs gaya ng national broadband project at digital learning. Ngunit, matatagalan pa para umusad ito sa debate sa Kongreso dahil abala pa sila sa pag-uusap tungkol sa economic stimulus package para sa pagbubukas muli ng ekonomiya na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Noong isang linggo, nag-anunsyo rin ang Indonesia ng planong pagpapataw ng 10% VAT sa mga digital product simula Hulyo para makalikom ng pondo. Matatandaang nagkaroon na ng pagpupulong ang mga regulator sa Southeast Asia tungkol sa pagpapataw ng buwis sa mga tech giant.

Bong Revilla: Kailangang Yakapin na ang Digital Revolution

Nagsumite rin ng kaparehong batas si Senator Bong Revilla kamakailan para magpataw ng buwis sa digital content and services para makalikom ng pondo para sa national economic recovery plan.  Nagsumite ng Resolution 410 si Revilla na syang humihimok sa Senate Committee on Ways and Means at iba pang komited sa Senado para sa pagkakaroon ng senate inquiry sa posibilidad ng pagkolekta ng digital economy tax.

Ayon kay Revilla, kailangang yakapin na ang digital revolution sa panahon ngayon at pag-aralan at baguhin na ang mga umiiral na  batas hinggil sa digital economy. Naniniwala ang senator na ang anumang pondong malilikom ay magagamit sa national economic recovery plan, kasama na ang rehabilitasyon ng mga industriyang lubhang naapektuhan ng pandemya at para maitayo na ang “Schools for the Future” na gumagamit ng digital technologies at laboratories.

Ayon kay Revilla, mayroon na rin namang mga digital service tax law ang mga bansang Norway, Japan, South Korea, Singapore, Australia, France, United Kingdom, at Malaysia.

Sonny Dominguez: Importante ang Digital Economy Tax

Ayon kay Finance Secretary Sonny Dominguez, kritikal ang buwis sa digital services dahil ang paggamit nito ang “new normal” matapos ang pananalasa ng pandemya ng coronavirus. Maging ang ilang bansa sa Asia ay nag-iisip na rin na patawan ng buwis ang Netflix at iba pang digital services para palaguin ang pondong panlaban sa COVID-19.

Halimbawa, nagsusulong na ang Indonesia sa pagkakaroon ng digital economy tax samantalang ang Singapore at Malaysia ay mayroon ng buwis sa ilang serbisyong digital.

Locsin to Salceda: Isa Kang Sumpa sa Bansa

Ayon kay Department of Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin, isang sumpa sa bansa si Salceda. Mas ibig nya na buwisan na lamang ang business processing outsourcing (BPO) at Philippine gaming offshore operators (POGOs) sa paggamit nila ng digital services.

Ayon naman kay Salceda, hindi naman bagong buwis ito. Sinisigurado lamang na nagbabayad ng kanilang karampatang ambag ang mga digital company. Hindi nagbabayad ng buwis ang Spotify at Netflix ng buwis sa Pilipinas dahil wala silang kumpanya dito sa bansa.

Patolang Pilipina Pabor sa Digital Economy Tax

Pabor naman ako sa pagbubuwis sa digital economy dahil hindi naman mahihirap ang gumagamit nito. Totoo rin naman na unti-unti nang nag-shift ang kultura ng mga Pilipino sa paggamit ng digital services. Kumbaga, ung mga dating binubuwisan na services ay hindi na ginagamit ng mga Pilipino dahil lumipat na nga sa digital services ang may kakayahang magbayad para makagamit nito.

RELATED: IBON: 76% ng Pamilyang Pilipino ang Higit na Apektado ng Oil Tax ng TRAIN

Ganun din, kung isusulong nila ang pagbubuwis sa digital services, dapat din namang siguraduhing nagagastos nang maayos ang anumang malilikom para naman bumalik sa taxpayers sa pamamagitan ng mas pinabuting pagbibigay ng basic services.

 

 

Sources:

ABS-CBN News. (2020, May 22). Digital economy tax ‘critical’ as consumers shift to virtual channels: Dominguez. Retrieved from ABS-CBN News: Digital economy tax ‘critical’ as consumers shift to virtual channels: Dominguez

De Guzman, R. (2020, May 20). Revilla proposes tax on video streaming, digital services amid health crisis. Retrieved from UNTV: Revilla proposes tax on video streaming, digital services amid health crisis

Ramos, C. (2020, May 20). ‘Kill Bill’ says Locsin on Salceda proposal to tax Netflix, digital services. Retrieved from Inquirer: ‘Kill Bill’ says Locsin on Salceda proposal to tax Netflix, digital services

Reuters. (2020, May 22). Salceda proposes tax targeting tech giants to fund COVID-19 fight. Retrieved from Interaksyon: Salceda proposes tax targeting tech giants to fund COVID-19 fight