CITIRA Bill: May Matitira Kayang Investors Pagkatapos?

TRAIN 2 na naging TRABAHO na naging CITIRA bill. Ano naman kaya sa susunod?

DOF: Tumaas ang FDI pledges kaya mali ang ayaw sa CITIRA bill

Higit 100% ang itinaas ng foreign direct investment (FDI) pledges sa unang anim na buwan ng 2019. Ayon kay Department of Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua, ito ang katunayan na mali ang ikinababahala ng mga kritiko na ayaw ng mga foreign investors sa tax reform ng rehimeng Duterte.

Matatandaang tatanggalin na ang 5% Gross Income Earned (GIE) na syang batayan ng buwis na binabayad ng mga foreign companies na nasa Philippine Economic Zone Administration locators.

Ayon kay Chua, ang pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan pinapakita na walang basehan ang sinasabi ng mga kritiko na mawawala ang mga investors kapag ipinasa na ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA).

Ayon sa kanya, mali ang sinasabi ng mga maiingay na kritiko. Binanggit nya na tumaas ang FDI pledges ng 112% sa unang anim na buwan ng taon.

May kumpyansa pa rin ang international investment community sa mga polisiya ng rehimeng Duterte at sa tatag ng ating ekonomiya at mga manggagawa.

Iniulat ng PSA noong isang linggo na tumaas ng 60.2% ang FDI pledges noong second quarter ng 2019. Ito ay naitala sa 49.5M piso kumpara sa 30.9B piso noong kaparehong period noong isang taon.

Kung idadagdag ang 46B pisong FDI pledges noong unang quarter, makikitang higit sa doble ang inilago nito.

Inulit ni Duterte noong kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong July na ipasa na ng Kongreso ang ikalawang yugto ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) na inaasahang magpapalakas ng micro, small, at medium enterprises dahil unti-unting ibababa ang corporate income tax rate sa 20% mula 30%.

Ganun din, babaguhin ng CITIRA bill ang sistema ng pagbibigay ng insentibo sapagkat gagawin na itong performance-based, targeted, time-bound, at transparent.

Ayon kay DOF Secretary Carlos Dominguez II, ang panukalang batas ay inaasahang magpapalago ng mga maliliit na negosyo dahil 3,150 kumpanya lamang na nakarehistro sa mga ahensya ng pamahalaan na nangangalaga sa investment promotion ang nakakabenepisyo sa 6%-13% na tax rate samantalang ang mga small at medium sized na kumpanya ay 30% ang ginagamit na tax rate.

Mawawala nga ba ang foreign investments kapag ipinatupad ang CITIRA bill?

Nakapasa na ang panukalang Corporate Income Tax and Incentive Rationalization Act sa second reading sa House of Representatives noong September 9.

Ayon sa DOF, may kabutihang idudulot ang nasabing panukalang batas, ngunit di naman ito ang posisyon ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA). Ayon sa huli, mawawalan tayo ng investors na syang lubhang makakaapekto sa ating ekonomiya.

Bumabagsak ang foreign investments

Unang una, bumubulusok pababa ang foreign investments.

citira bill

Source: Rappler

Patuloy ang pag-akyat ng FDIs bago umupo si Duterte bilang Pangulo, ngunit sadyang napakabilis ng pagbulusok nito pababa na syang makikita sa net equity capital sa graph.

Net equity capital = incoming investments – outgoing investments

Mas mabilis ang withdrawals ng investments sa Pilipinas kesa sa pumapasok dito. Masyadong bumaba ang foreign investments na galing sa European Union at sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

citira bill

Source: Rappler

Ganun din, mabilis din ang pagbagsak ng bilang ng mga approved foreign investment. Pinakamalaki ang pagbagsak sa PEZA na bahagyang nakontra ng mga approved investment ng Board of Investments (BOI).

Bakit isinusulong ng rehimeng Duterte ang panukalang batas na CITIRA?

  1. Babawasan ang buwis na ibinibayad ng mga kumpanya base sa kanilang kinita sa pamamagitan ng pagbabawas ng income tax rate.

Ang Pilipinas ang may pinakamataas na corporate income tax (CIT) rate sa ASEAN sa 30%. Kapag naibaba ang tax rate sa 20% sa susunod na 10 taon, makakakumpetensya na tayo sa ibang myembro ng ASEAN at makaka-engganyo ng mas maraming investor.

  1. Mas mahirap para sa ilang investors ang makakuha ng unlimited benefits na tinatamasa at inaabuso rin naman nila.

Noong 2017, nabiyayaan ng 441B pisong halaga ng mga insentibo ang 3,150 kumpanya. Ito ay katumbas ng 2.8% na kinita ng bansa at naibigay sa 0.3% lamang na rehistradong kumpanya para lamang magpatuloy sila sa pagnenegosyo sa bansa.

Higit sa 10 taon nang tinatamasa ng ilang kumpanya sa mga economic zone sa bansa ang insentibong ito. Sa ibang bansang kabilang sa ASEAN, ang mga insentibo ay para lamang sa piling piling negosyo at base sa performance. Ganun din, nagtatapos ang pagbibigay ng insentibo. Walang poreber.

Nakikita ng DOF na ang CITIRA ay isang oportunidad para tanggalin ang insentibong nabibiyaan lamang ang iilan.

Papatayin ba ang gansang nangingitlog ng ginto?

Natural lamang na iba ang posisyon ng PEZA sa nasabing panukalang batas. Para sa kanila, papatayin nito ang gansang nangingitlog ng ginto.

400 economic zones ang pinapamahalaan ng PEZA at may 3,558 kumpanya rito na nagsisilbi sa iba’t ibang sektor gaya ng manufacturing, IT, at agro-industry.

Ayon sa PEZA, mas maliit ang insentibong ibinibigay ng gobyerno sa mga kumpanya kumpara sa halagang naibibigay ng mga ito sa ekonomiya.

Mula 2015 – 2017, 879.1B pisong halaga ng investment incentives ang natanggap ng mga kumpanya, ngunit 7T piso naman ang balik nito sa pamamagitan ng export receipts.

Ayon sa PEZA, ang bawat pisong ginagastos o ibinibigay ng gobyerno sa PEZA companies ay may katumbas na 11.4 pisong halaga ng benepisyo sa ekonomiya.

Ngunit, posibleng pinalaki lamang ang halaga dahil di lamang ibinase ito sa final goods value, ngunit isinama na rin ang halaga ng corporate tax at pasahod sa mga manggagawa.

Hindi ito tugma sa sariling estimates ng DOF. Ayon sa ahensya, nasa 0.60 sentimo hanggang 1.23 piso lamang ang insentibo.

Maliwanag naman ang oposisyon ni PEZA Director General Charito Plaza sa CITIRA bill. Ayon sa kanya, ‘PEZA IS NOT BROKEN. PLEASE DON’T FIX IT.”

Dahil dito, iniisip ng marami na sya ang sinasabi ni Duterte na tatanggalin sa pwesto dahil sa underperformance.

Naiipit ang mga investors sa bangayan ng DOF at PEZA

Ipinagmalaki ng DOF ang 112% na pagtaas ng approved foreign investments sa unang anim na buwan ng 2019 pero di naman din sinabi nito na bumabagsak ang foreign investments.

Marami sa mga investors ang sinasabing di muna nagpalawak ng kanilang negosyo sa Pilipinas o di kaya ay nag-iisip na mag-invest na lamang sa ibang bansa gaya ng Vietnam.

Totoo rin naman ito. Hindi naman maglalabas ng pera ang mga investors kung di nila alam kung magkano ang tax na babayaran nila at kung anong mga insentibo ang matatanggap nila.

Mahigpit ang kumpentensya ng mga bansa sa ASEAN pagdating sa pagbubuwis ng mga foreign investments. Sa ngayon, ang Vietnam ang itinuturing na investment hub sa rehiyon.

Halimbawa, maraming smartphone ng Samsung ay gawang Vietnam na. Binabalak din ng kumpanya na palawakin ang negosyo nila dun. Interesado rin ang Microsoft at Intel sa bansa.

Maraming mga kumpanya sa China ang sinasabing lumilipat sa Vietnam sa kasagsagan ng US-China trade war.

Ayon sa pinakahuling pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB), posibleng makabenepisyo rin ang Pilipinas sa nangyayaring trade war ng dalawang higanteng bansa kung maeengganyo natin ang mga investors na maglagak ng pera sa atin.

Di natin aasahang dadagsa ang foreign investors sa Pilipinas hangga’t di alam ang kahihinatnan ng CITIRA bill.

Mas maraming mabibigat na problema kesa sa CITIRA bill

Posibleng panlilinlang lang din ang ginagawa ng mga investors. Pwedeng manatili sila sa bansa kahit na ipinasa ang nasabing panukalang batas.

Marami rin namang bentahe ang pag-invest sa Pilipinas gaya ng mas bata at mas edukado ang ating mga manggagawa. Mataas din ang ating investment grade ratings.

Pero, kailangang masigurado ng gobyerno na maganda ang investment climate sa bansa para dumagsa ang mga foreign investor.

Maraming beses nang naipakita na hindi maganda ang itinatakbo ng ekonomiya. Patuloy ang pagbagal nito na ipinapakita sa pinakahuling gross domestic product (GDP) rate.

Lumiliit ang private investment. Malamya ang agrikultura. Di natatapos ang konstruksyon ng mga proyektong pang-imprastraktura.

Higit sa problemang sinasabing kakaharapin kapag ipinasa ang CITIRA bill, mas kailangang siguraduhin ng rehimeng Duterte ang pagsasaayos sa bumabagal na paglago ng ekonomiya.

 

Sources:

Lucas, D. L. (2019, September 11). DOF says 112% hike in FDI pledges dispels fears over tax perk reform. Retrieved from Inquirer: DOF says 112% hike in FDI pledges dispels fears over tax perk reform

Punongbayan, J. (2019, September 12). [ANALYSIS] Will Duterte’s new tax measure kill foreign investments? Retrieved from Rappler: Will Duterte’s new tax measure kill foreign investments?