Safe Philippines Project: Safe Ba Talaga?

safe philippines project

Itinuloy rin ng rehimeng Duterte ang Safe Philippines project kahit na sandamakmak ang isyu tungkol dito.

DILG: Inilunsad ang Safe Philippines project

Ibig ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bawasan ang crime rate at paigtingin ang emergency response sa limang syudad sa Metro Manila kaya inilunsad nila ang proyekto para tulungan ang mga kawani ng gobyerno na magplano para sa pagpapaunlad ng syudad.

RELATED: Fake News of the Century ang Claim ng China

Ayon kay Año, matutulungan ng proyekto ang pamahalaan na maipagpatuloy ang road clearing program nito. Ganun din, ito ay para mabawasan ang krimen dahil magagandang uri ng closed-circuit television (CCTV) cameras ang gagamitin.

Inaasahan ng gobyerno na mababawasan ng 15% ang bilang ng kriminalidad kapag naipatupad na ito. Ganun din, 20% ang inaasahang pagbuti ng emergency response time dahil sa gamit na modernong kagamitan.

Ipapatupad ang Safe Philippines project sa mga sumusunod na syudad:

  • Parañaque
  • Pasig
  • San Juan
  • Valenzuela
  • Marikina

Sa Marikina, 234 cameras ang ilalagay sa 80 lugar gaya ng mga lugar na mataas ang kriminalidad, malubha ang daloy ng trapiko, at mga lugar na mabilis bahain at madalas ang sunog. Ilalagay ang mga camera sa mga malalaking kalsada pero mayroon din sa mga komunidad.

Mga senador naalarma sa surveillance project na pinondohan ng China

Disyembre 2018 pa lamang ay may mga agam-agam na ang ilang senador sa nasabing proyekto dahil posibleng security threat ito sa ating bansa lalong lalo na kung ito’y popondohan ng China at gagamitin ang kanilang teknolohiya.

Nakipagkasundo ang DILG sa China Telecom at sa Huawei para sa Safe Philippines project na magkakabit ng 12,000 CCTV para maging mas maayos ang pamamahala ng kaligtasan, seguridad, at kaayusang pampubliko.

Ang Huawei ang magbibigay ng mga equipment samantalang ang China International Telecommunication and Construction Corporation (CITCC) naman ang mamamahala ng 20B pisong proyekto. Ang CITCC ay isang affiliate ng China Telecom na pag-aari rin ng gobyerno ng Tsina at isa sa mga kumpanyang kabilang sa Mislatel Consortium na syang pangatlong telecommunication company sa bansa.

Ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, ang mga nasabing equipment ay manggagaling sa Huawei na banned sa ilang mga bansa dahil sa hacking. Posibleng maging security threat ito kung papayagan natin na maging parte ang China Telecom sa proyekto ng DILG at Philippine National Police (PNP).

Mga detalye ng Phase I ng Safe Philippine Project

Ayon kay dating Senate Finance Committee Chairperson Loren Legarda, ang proyekto ay:

  • Naglalayong paunlarin ang kapasidad ng DILG para magkaroon ng mas maayos na kaayusang pampubliko, seguridad, at kaligtasan sa pamamagitan ng paggamit ng mga modernong kagamitan
  • Naglalayong mabawasan ang krimen ng 15% at mapabilis ang response time ng 25%
  • Nangangailangan ng pagtatayo ng isang command center para sa National 911 Public Safety answering point sa mga pulis, bumbero, at kulungan
  • Pagtatayo ng 18 command centers sa mga syudad sa Metro Manila at Davao
  • Pagkakaroon ng magkakaugnay na video surveillance system na nakakonekta sa iisang communications infrastructure

Bago pa ang nasabing Senate budget deliberations noong Disyembre 2018, matatandaang nagpahayag ang isang Huawei official sa isang business forum sa Manila na gusto nilang maglagay ng modernong kamera sa lahat ng lugar sa Pilipinas para masigurado ang kaligtasan ng mga Pilipino.

Ayon sa kanya, “Huawei wants to know what you like to eat, where you want to go, to secure your safety.”

Año: All-Filipino ang proyektong pinondohan ng China

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang gobyerno ang mangangalaga sa mga datos na makakalap sa surveillance system project. Ang China lamang ang magbibigay ng mga kagamitan pero mga Pilipino ang magpapatakbo nito.

Ang proyekto ay nagkakahalaga ng 20.31B piso at ang 1.2B piso ay mula sa kaban ng bayan at ang natitira ay utang ng mga Pilipino sa China Eximbank.

Noong January 2018, nag-file ng resolusyon si Recto sa Senado para imbestigahan ang nasabing proyekto dahil sa mga alegasyon ng hacking at espionage ng Huawei. Ngunit, sinigurado naman ng kalihim na nasa pangangalaga ng gobyerno ang mga datos. Wala raw dapat ikabahala ang mga Pilipino.

Ayon din sa kanya, wala namang batas na nagbabawal na makipagnegosasyon sa Huawei. Ginagamit daw naman ito ng Smart at Globe. Aaksyon daw ang gobyerno kapag nagkaroon ng security issue. Inaasahang matatapos ang proyekto at magiging fully operational sa 2022.

Recto sinubukang pigilan ang pagbabayad sa surveillance system project

Noong Enero 2019, sinubukan ni Recto na kwestyunin ang paraan ng vetting at approval ng nasabing proyekto dahil ito ay may mga senyales na behest transaction dahil walang pag-aaral, konsultasyon, at validation.

Humiling sya ng mga dokumento sa National Economic and Development Authority (NEDA) ngunit wala namang naibigay ang ahensya.

Ayon sa bersyon ng Senado hinggil sa 2019 budget para sa paglalabas ng pondo para sa mga proyektong pinondohan ng ibang bansa:

  • Walang kukuning pondo mula sa Unprogrammed Fund ng national budget para sa pagbabayad sa public video surveillance at communication system dahil seryoso ang panganib sa national security o national interest.

Hindi kasama ang Safe Philippines Project sa mga proyektong may pondo sa 2019 budget.

Nakakabahala ang paglobo ng utang ng gobyerno

Nababahala rin si Recto sa paglobo ng utang ng gobyerno. Ayon sa kanya, maraming salesmen at ahente ang mga foreign projects. Imbes na dumaan sa national budget, uutangin na lamang ito at tsaka na lamang ipapasa sa Kongreso ang pagpopondo ng pagbabayad at ang mga taxpayers naman ang magbabayad ng utang.

Kinuwestyon ni Recto kung bakit kasama na ang 7.42B pisong pondo para sa Safe Philippines Project noon pang July 2018 samantalang Nobyembre lamang naaprubahan ang supply contract.

RELATED: Matapos ang Dalawang Taon, Nganga pa rin kaya si Duterte sa Pangako ng China?

Nagpasa ng resolusyon si Recto para sa isang Senate investigation hinggil sa proyektong ito, ngunit simula nang mailuklok sa pwesto si Duterte, wala pa naman talagang masusing imbestigasyon sa mga pinasok na kasunduan ng gobyerno sa China at maging ang panggigipit nito sa West Philippine Sea.

Maraming katanungan ang di masagot nang maayos. Hindi umuusad ang anumang imbestigasyon sa Kongreso hinggil sa Safe Philippines Project. Nananatiling tahimik ang maraming tao. Di ba lubos na naiintindihan ng mga Pilipino ang isyu o talagang wala silang pakialam?

Sources:

Bajo, A. (2019, November 22). DILG launches ‘Safe Philippines’ project in Metro Manila cities. Retrieved from GMA News: DILG launches ‘Safe Philippines’ project in Metro Manila cities

Elemia, C. (2018, December 13). Senators sound alarm over China-funded DILG surveillance project. Retrieved from Rappler: Senators sound alarm over China-funded DILG surveillance project

Elemia, C. (2019, January 23). Recto blocks payment for DILG’s China-funded CCTV project. Retrieved from Rappler: Recto blocks payment for DILG’s China-funded CCTV project

Tuquero, L. (2019, November 22). Año says China-funded Safe Philippines project will be ‘all-Filipino’. Retrieved from Rappler: Año says China-funded Safe Philippines project will be ‘all-Filipino’