Public Transport: Karapatan ng Bawat Pilipino

public transport

May plano ba talaga ang rehimeng Duterte hinggil sa public transport? Mukhang wala naman.

DRILON: BIGO ANG PLANO NG DOTR SA PUBLIC TRANSPORT

Ayon kay Senator Frank Drilon, “For such a major project, it’s such a hodge-podge planning. It’s so disappointing, Mr. Secretary. I’m sorry to say.”

Ito ang kabuuan ng kritisismo ng senador sa pagkabigo ng Department of Transportation (DOTr) sa pagkakaroon ng makabuluhan at makatotohanang target para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

RELATED: Chel Diokno: Unahin ang Kapakanan ng mga Gumagamit ng Public Transport

Magtatapos ang transition period kung saan papalitan ang mga lumang jeepney ng mga makabagong sasakyan sa July 2020. Ayon sa DOTr, 85,000 jeeps ang kailangang palitan ngunit 2,595 pa lamang ang nagagamit.

Sa Senate hearing para sa proposed 2020 budget ng DOTr, hindi rin naman naging malinaw ang mga sagot ni DOTr Secretary Arthur Tugade sa mga katanungan kung bakit bigo silang maabot ang mga target ng ahensya. Sinabi lamang nya na may mga target ang ahensya at handa naman silang palawigin pa ang transition period kung kailangan.

Tinanong din naman ng ilang senador ang mga opisyal ng DOTr tungkol sa PUV modernization program na lumalabas ay kulang sa tamang pagpaplano.

Euro 4 requirement sa public transport

Ayon kay Senator Imee Marcos, masyadong mataas ang Euro 4 requirement para gawing standard dahil wala naman ganitong sasakyan sa bansa. Hiniling nyang pag-aralan muli ito. Ang Euro 4 engine ay gumamit ng makinang pinapatakbo ng kuryente at may solar panel sa bubong ng sasakyan.

Dinepensahan naman ni Tugade ang paggamit ng Euro 4 dahil tanggap na ito bilang standard sa buong mundo para mabawasan ang carbon emission. Ibig ni Imee na maging reasonable naman ang DOTr dahil wala pa namang sasakyang gumagamit nito maging sa mga developed countries.

Nasa 3% lamang ang nagagamit na modern jeeps matapos ang tatlong taon. 85,000 ang target ng gobyerno dahil sa 170,000 jeepneys ang i-phase out nila. Simula noong 2017, 2,595 units pa lang ang nasa mga kalsada.

Subsidy at loans di epektibo

Nang tinanong naman ni Senator Nancy Binay kung paano babayaran ng mga drayber ang mga modernong jeepneys. Sinabi ni DOTr Undersecretary Mark de Leon na ang pinakamurang modernong jeep ay nagkakahalaga ng 900,000 piso. 500 piso ang kailangang amortization kada araw para mabayaran ito. Kapag mas malaking jeep naman ang kukunin, nasa 1,000 piso ang amortization kada araw.

Mayroong sistema ng pautang na pwedeng kuhanin ng isang drayber. Ngunit, ayon sa mga senador, konti lamang ang bilang ng drayber at operator ang kumukuha nito dahil di naman makatotohanan ang standard ng gobyerno.

Hindi posible ang kooperatiba

Ayon din kay Imee Marcos, di rin makatotohanan ang pagtatayo ng mga kooperatiba para sa mga drayber at operator dahil hindi naman sila sanay sa pagkakaroon nito. Nire-require kasi sila na umanib sa kooperatiba para makapag-apply ng loan na pambili ng mga modernong jeeps.

Wala pang motor vehicle inspection system (MVIS)

Ayon sa DOTr, mayroon ng 138 accredited MVIS pero di pa ito operational. Sa Disyembre pa ito magpapasimula kaya wala pang mga sasakyan ang nasusuri para sa roadworthiness nito gamit ang bagong sistema.

Dapat naipatupad na ang MVIS noong January 2018. Kailangan ang roadworthiness inspection para malaman kung ang mga kasalukuyang ginagamit na mga jeep ay pwede pang umarangkada sa kalsada. Sa ngayon, manual inspection pa rin ang ginagawa ng Land Transportation Office (LTO) para rito.

Suportado naman nina Marcos at Drilon ang PUV modernization program, pero kailangang maging makatotohanan at maayos ang pagkaplano para sa pagpapatupad nito. Ayon naman kay Tugade, handa sila sa dayalogo, ngunit hindi nila isasaisangtabi ang programa.

Marami sa mga drayber ang di kayang magbayad ng modernong jeep

Ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) Executive Vice Chairperson Lito Ustarez, hindi kumikita nang sapat ang mga drayber ng jeep para mabayaran ang iniaalok na modernong jeep ng gobyerno. Ayon sa datos ng Pinag-isang Lakas ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), nasa 500 hanggang 600 piso lamang ang kita ng isang jeepney drayber at operator.

Hindi sila isinasama ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa kanilang regular Occupational Wages Survey  (OWS) dahil walang datos tungkol sa kanilang average monthly income. Ganun din, kasama lamang sa OWS ang mga establisimentong may higit sa 20 ang tauhan.

Kung pipilitin ng gobyerno ang mga drayber, ipapasa lamang sa mga pasahero ang karagdagang gastos sa pagbabayad para sa jeep. Ang tunay na apektado sa jeepney phaseout ay ang mga pasahero.

Sa isang progresibong bansa, maging mayayaman ay gumagamit ng public transport

Marami ang sumusuporta sa PUV modernization program lalong lalo na ang publikong pagod na sa klase ng transportasyon sa Pilipinas. Ngunit, marami rin namang mga drayber at operator ang nababahala sa sobrang mahal ng mga modernong jeep na kailangan nilang kunin. Ganun din, may karagkadagang gastos din sa pagkakaroon ng depot.

Kamakailan, nagkaroon ng problema sa Metro Rail Transit Line (MRT) 3 na syang nagtulak para maglakad sa riles ang 508 pasahero na stranded sa pagitan ng Ayala at Magallanes stations. Kailangan talaga ang matinong public transport system. Nagiging mandirigma ang sinumang susuong sa araw araw na byahe sa Pilipinas. Nakakapagod naman talaga. Isang cultural icon na ang jeepney kaya dapat maging kaaya-aya naman ang pagsakay dito.

Ang isang mahusay na public transportation ay nangangailangan ng mga sumusunod:

  • Accessible sa publiko
  • Regular ang operasyon sa mga ruta
  • Abot kaya ang pamasahe
  • Mayroong fixed schedule

Mahalaga ang public transportation sa kinabukasan ng bansa dahil sa dumadami rin naman ang populasyon at nagkakaroon na ng problema sa climate change. Sa ilang bansa sa buong mundo, may mga plano nang gumamit ng electric buses at hybrid nito. May mga nagsusulong din ng pagbabayad ng pamasahe gamit lamang ang smartphone.

RELATED: Metro Manila Traffic: Di Maintindihan ni Duterte

Malaking problema ang public transport lalong lalo na sa Pilipinas. Kaya nga, kailangang magkaroon ng seryosong pag-uusap at kolektibong pagdedesisyon bilang isang pamayanan. Un nga lang, di ito ang nangyayari.

Sa ibang bansa, posible kang makasakay sa tren kasama ang mga executives. Sama sama sa iisang public transportation system.

Karapatan ng bawat Pilipino ang isang mahusay na public transport. Ito ay laban ng bawat taong nagbabayad ng buwis. Hindi kailangang makadagdag pa ang PUV modernization sa problema. Solusyon ang hinahanap natin. Hindi dagdag sakit ng ulo.

Sources:

Baylosis, M. (2019, October 4). The Filipino commute. Retrieved from Philippine Daily Inquirer: The Filipino commute

Medenilla, S. P. (2019, October 1). Most PUV drivers can’t afford modern vehicles–labor group. Retrieved from Business Mirror: Most PUV drivers can’t afford modern vehicles–labor group

Tuquero, L. (2019, October 3). ‘Hodge-podge planning’: How DOTr mismanages PUV modernization program, according to senators. Retrieved from Rappler: ‘Hodge-podge planning’: How DOTr mismanages PUV modernization program, according to senators