POGO Kidnapping Cases: Masamang Imahe sa Bansa

pogo kidnapping cases

Dumarami ang POGO kidnapping cases sa bansa at nagdudulot ito ng masamang imahe sa Pilipinas.

PNP: Pagdami ng kaso ng kidnapping dahil sa pagdagsa ng mga Chinese POGO workers at casino players

Ayon sa Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Philippine National Police (PNP), nasa 42 kaso ng kidnappings na may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at casino ang naitala ng kanilang grupo at 49 ang biktima rito. Sa nakaraang tatlong taon, lumobo sa 75 kaso ang bilang ng kidnapping cases dahil sa dumami rin naman ang mga casino at POGO sa bansa.

RELATED: POGO Operations: Tuloy-Tuloy Lang ang Ligaya

Ayon kay AKG Spokesperson Lt. Col. Jowel Saliba, 88 suspects na ang naaresto mula Enero hanggang Nobyembre ng kasalukuyang taon. 29 biktima ang nailigtas at 27 kaso ang naresolba. Karamihan sa mga kidnapping ay nagaganap sa katimugan ng Metro Manila kung saan maraming Chinese-run POGOs at casinos.

Simula 2017 kung kailan dumagsa ang mga Intsik na investors at workers sa Pilipinas, 17 ang naitalang kaso ng kidnapping na may 19 biktima. 59 suspects ang naaresto. Noong 2018, 16 kaso ang naitala at 17 ang biktima at 17 din ang suspects. Ayon din sa pulis, hindi lahat ng kidnappings na may kinalaman sa POGO at casino ay naire-report sa kanila.

Motibo sa kidnapping sa casino at POGO

Ayon sa datos ng AKG, magkaiba ang motibo sa kidnapping sa casino at POGO. Ang mga biktima sa casino kidnapping ay kadalasang turistang Intsik  na kasama ang paglalaro sa casino bilang itinerary. Kadalasang naiimbitahan sila ng mga myembro ng sindikatong mga loan sharks na may mga kakutsabang Pilipino.

Kapag nasa bansa na ang planong biktimahin, hihikayatin syang maglaro sa casino at aalukin sya ng mga loan shark ng malaking halaga kung sakaling maubusan na sya ng pera. Kapag natalo ang biktima at hindi ito nakabayad, dadalhin sya sa hideout ng sindikato at sya’y bubugbugin at tatratuhing parang hayop. Ipapadala ang video sa kaanak ng biktima para bayaran ang utang.

Sa POGO kidnappings, ang mga biktima ay kadalasang mga Intsik na nagtatrabaho sa mga POGO sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ang mga POGO operators ang nag-asikaso ng kanilang travel documents at kasama na rin ang gastos para rito.

Kapag dumating na ang mga empleyadong Intsik sa bansa, nagiging kalahati lamang ang kanilang sahod at niloko rin sila sa pagkain at tirahan. Hawak din ng mga operators ang kanilang mga passport at iba pang travel documents. Kapag may tumulong sa kanilang kababayan na tumakas sa POGO, ire-report silang na-kidnap kaya wala naman silang choice kundi ang manatili sa kanilang employers. Kadalasang modus operandi nila ang nangyaring kidnapping ng isang Intsik na babae sa Makati City noong December 9.

Kahit na may mga saksi at pulis, kadalasang nagiging matagumpay ang mga kidnappers. Katulad na lamang ng nangyari kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 kung saan tatlong Chinese ang naaresto matapos silang mahuling namimilit isakay sa isang van ang isa pang Chinese. Nanlaban lamang ang biktima sa pamamagitan ng pagkapit sa metal railing habang hinihila syang papasok sa van. Kahit na may airport security at mga pulis, nagpatuloy pa rin ang paghila ng mga kidnappers sa biktima papasok sa van.

AKG humihiling ng mas maraming tauhan dahil sa tumataas ang kidnapping cases

Humiling ng karagdagang tauhan ang PNP-AKG dahil sa tumataas na bilang ng mga kidnapping cases na may kaugnayan sa mga casino at POGO. Sa kasalukuyan, may 321 pulis na ang grupo, ngunit kulang pa sila ng 162 tauhan. Lumolobo ang bilang ng kidnapping cases dahil sa pagdami ng mga Intsik sa bansa. Kailangan ng mas maramig pwersa ang AKG para maresolba nang mas mabilis at mas maagap ang mga ganitong klase ng kidnapping.

Mas maraming negatibo kesa sa positibong epekto ng POGO sa bansa

Ayon kay Senator Joel Villanueva, mas matimbang ang negatibong epekto ng POGO dahil sa dumaraming bilang ng Chinese kidnappings sa bansa. Kadalasang kapwa Chinese rin naman nila ang mga suspect kaya mas marami ang negatibong epekto nito kesa sa positibo.

Maraming Chinese employers ang hindi rin alam ang mga batas sa Pilipinas, ngunit hindi naman ito excuse. Hindi naman legal ang kidnapping at responsibilidad ng mga Intsik na alamin at sumunod sa ating mga batas. Kailangang maging mapagmatyag ang ating mga pulis para hindi na lumala pa ang problema ng kidnapping sa bansa.

Ganun din, kailangang bisitahin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga POGO facilities para siguraduhing nasusunod ang ating labor laws and regulations.

House of Representatives iimbestigahan ang mga krimen sa POGO

Magkakaroon ng imbestigasyon ang House of Representatives tungkol sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga POGO worker, ayon kay ACT-CIS Party-List Representative Eric Go Yap na syang Chairperson ng Committee on Games and Amusements.

Napasimulan na ang congressional inquiry at nadiskubreng walang consolidated report ang gobyerno kung ilan ba talaga ang mga foreigners na nagtatatrabaho sa POGO. Walang koordinasyon ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), DOLE, at Bureau of Immigration (BI). Kulang din ang efforts ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para habulin ang mga delingkwenteng POGO.

Sa nasabing hearing, 92,897 foreign POGO workers ang nasa listahan ng PAGCOR samantalang 44,768 lamang ang nasa BI. 71,532 naman ang nasa listahan ng DOLE. Tinawag din ang pansin ng BIR dahil 10 sa 62 lehitimong kumpanya sa POGO lamang ang nagbabayad ng buwis.

RELATED: POGO Ban: Ano ang Mangyayari sa Pilipinas?

Magpapatuloy ang pagdinig hinggil sa isyu para maisaayos ang mga problema sa POGO industry. Hindi naman naiisip ng House of Representatives na ipatigil ang operasyon ng mga POGO, ngunit isusulong nila ang pagbabayad ng mga utang na buwis at iba pang penalty ng mga nagkasalang operators at employees.

Ang isyu ng POGO kidnapping cases sa bansa ang isa sa mga patunay na hindi talaga handa ang rehimeng Duterte sa wastong pamamahala. Basta na lamang naghikayat ng mga Intsik para magtayo ng POGO companies nang di man lang pinag-isipan ang mga posibleng epekto nito.

Sources:

Mercado, N. (2019, December 22). ‘Chinese kidnapping shows negatives of POGO outweighing positives’. Retrieved from Inquirer: ‘Chinese kidnapping shows negatives of POGO outweighing positives’

Punay, E. (2019, December 15). House to probe crimes involving POGO workers. Retrieved from The Philippine Star: House to probe crimes involving POGO workers

Recuenco, A. (2019, December 10). PNP: Rise of kidnappings due to influx of Chinese POGO workers, casino players. Retrieved from Manila Bulletin: PNP: Rise of kidnappings due to influx of Chinese POGO workers, casino players

Tupas, E. (2019, December 13). Police AKG seeks bigger force as POGO, casino-related kidnappings rise. Retrieved from Business World: Police AKG seeks bigger force as POGO, casino-related kidnappings rise