Philippine Army: Militar Kayo Hindi Photoshop Editor

philippine army

 Napakaraming alibi. Ang totoo, peke ang mga larawan na inilabas ng Philippine Army.

Lorenzana pinapaimbestigahan ang manipulated NPA photo

Inutusan ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana si Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay na magpasimula ng imbestigasyon tungkol sa distribusyon ng mga pekeng larawan ng 306 na mga diumano’y sumukong myembro ng New People’s Army (NPA) noong Huwebes, December 26, sa Masbate. Naging viral ang mga minanipulang litrato at kinuwestyon ang mga aktibidades ng gobyerno laban sa mga rebelde.

RELATED: BUKING SI MATTEO! MAY TV SERIES PALA KAYA NAG-TRAINING SA MILITARY!

Ayon kay PA Spokesperson Lt. Col. Ramon Zagala, nagbigay na ng kanilang paliwanag ang 9th Infantry Division Public Affairs Office na syang nagpalabas ng mga nasabing larawan. Ayon sa kanila, dahil sa kagustuhan nilang magbigay ng mga napapanahong impormasyon, hindi na nila sinuri ang mga litrato na kalakip ng press release.

Makikita sa mga minanipulang litrato ang isang grupo ng NPA fighters and sympathizers sa harap ng isang mahabang mesang mayroong iba’t ibang klase ng armas na sinasabing isinuko ng grupo sa Philippine Army. Ang larawan ay bilang suporta sa sinasabi ng militar na maraming sumusukong NPA at nawawalan na ng kontrol ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa kanilang mga fighters at supporters.

House of Representatives iimbestigahan ang Photoshopped picture

Isinusulong naman ng mga militanteng mambabatas sa House of Representatives ang pagkakaroon ng congressional inquiry sa mga pekeng larawan. Ayon kay Bayan Muna Representatives Eufemia Cullamat at Carlos Zarate, ang manipulated photo ay isang patunay na peke ang mga sumuko at isang raket lamang ito ng militar para makolekta ang pabuya.

Ayon kay Zarate, nakatanggap sila ng mga ulat na ipinapatawag ang mga magsasaka at ordinaryong Pilipino ng militar para sa isang pagpupulong, ngunit pagdating nila sa lugar ay pinapipirma sila ng mga blank documents at sinasabing sila’y mga NPA surrenderees. Dahil sa takot sa militar, napipilitan silang pumirma sa isang blangkong dokumento.

Naniniwala si Zarate na ang mga photoshopped pictures ay isang template ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para makamit ang quota para sa unit, magkaroon ng magandang ulat, ma-promote ang mga opisyal na may kaugnayan sa panloloko, at makuha ang pabuya mula sa Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Dagdag pa nya, ang mga salarin ay nakakakuha ng pera sa ganilang ginawa. Nasa 15,000 piso kada tao ang natatanggap sa bawat sumukong rebelde. Mayroon ding pabuya ang local government unit (LGU) na nagkakahalaga ng 30,000 kada surrenderee. Nasa 9.18M piso ang posibleng napunta sa sinasabing military unit na sangkot sa sinasabing Masbate event.

Inakusahan din ni Zarate ang awtoridad ng pagre-recycle ng mga larawan at pekeng sumukong rebelde at pinapalabas na mga bagong suko. Ayon sa ulat ng ilang media, ang nasabing Masbate picture ay nagamit na noong 2017 pa. Kailangang imbestigahan ang anomalya ng Kongreso dahil pera ng bayan ang kinukurakot ng mga korap na opisyal ng gobyerno.

Philippine Army umaming honest mistake ang pagmamanipula ng larawan

Humingi ng paumanhin ang 9th Division ng Philippine Army at inaming minanipula nga nila ang larawan ng sinasabi nilang mga sumukong rebeldeng NPA. Ayon kay Major Ricky Aguilar, spokesperson nila, may 306 NPA talaga ang sumuko simula nang magpasimula ang negosasyon noong October 2019. Hindi naman naipaliwanag ni Aguilar kung bakit pinagsama-sama ang iba’t ibang imahe sa iisang larawan. Mas madali kasi kung itago o i-blur na lamang ang mga mukha ng mga sumuko para protektahan ang kanilang mga katauhan.

Ayon kay National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Chairperson Nonoy Espina, hindi maipagkakaila ang intensyon sa pagpapalabas ng nasabing larawan. Markado ang isang armas ng “18 Jun 2019” samantalang December 2019 lamang ang sinasabing pagsuko. Wala ring mga anino ang mga tao sa larawan. Burado rin ang isang parte ng paa ng isang sinasabing sumuko.

Nagamit ba ang media?

Mahirap patunayan ang intensyong manloko, ngunit kapansin-pansin ang mga pangyayari kung paano naipakalat ang nasabing larawan. Unang una, ipinamudmod ang larawan sa pamamagitan ng Viber at higit sa dalawang news outfits ang nagpakalat nito.

Sa “Architects of Networked Disinformation,” sinasabi sa ulat na iyon kung paano naipapakalat ang isang maling impormasyon sa Pilipinas. Karaniwang tina-target ang news media dahil sa malawak ang naabot nilang Pilipino. Ayon sa report, ang layunin ay magamit ang mainstream news media para i-report ang false information sa social media.

Ayon din sa 2017 report ng Data & Society na may titulong, “Media Manipulation and Disinformation Online,” ang media ang target ng ganitong pagmanipula ng impormasyon dahil masyado na rin silang nakadepende sa social media, sensationalism, analytics and metrics, clickbait, at novelty over newsworthiness.

Fake News

Kadalasang ginagamit ang salitang “fake news” kahit na kulang ito para ilarawan ang kumplikadong kaganapan hinggil sa information pollution at paggamit ng mga politiko sa buong mundo ng salitang ito para mga news organizations na hindi nila gusto ang balitang inilalabas hinggil sa kanila.

Sa report na “Information Disorder: Toward an Interdisciplinary Framework for Research and Policy Making,” iminumungkahi ang paggamit ng mga salitang misinformation, disinformation, at malinformation para kilalanin ang iba’t ibang intensyon at kawastuhan ng balita.

Ang misinformation at disinformation ay para mga maling impormasyon. Ang misinformation ay hindi sinasadyang pamamahagi ng maling impormasyon samantalang ang disinformation naman ay ang sadyang pag-share ng false information para makapanakit.

Hindi naman maliwanag kung gaano katotoo ang iba’t ibang elemento sa minanipulang larawan na ipinalabas ng Philippine Army, ngunit ang kanilang ginawa ay posibleng mapabilang sa fabricated o manipulated content. Ang fabricated content ay isang bagong content na 100% na mali at ginawawa para manloko at makapanakit samantalang ang manipulated content naman ay tunay na impormasyon o imahe na minanipula para makapanloko.

Ayon nga kay Nonoy Espina, hindi naman aksidente ang pag-edit o pagmanipula ng larawan kaya deliberate din ang intensyon ng Philippine Army.

Bakit kailangang mag-Photoshop ng larawan ng Philippine Army?

Ayon sa Media Manipulation report, ang karaniwang motivation ng mga tao para gumawa at magpakalat ng disinformation, fake news, at propaganda ay ang mga sumusunod:

  • Ideyolohiya
  • Pera
  • Status at atensyon

Ayon sa online users, propaganda ng Philippine Army ang pagpapalabas ng Photoshopped picture laban sa New People’s Army dahil sa pagsusulong ng peace talks ng gobyerno sa armadong grupo. Ang propaganda ay tunay o pekeng impormasyon na pinapakalat para maengganyo ang tagabasa, ngunit kadalasang may politikal na konotasyon at kadalasang may kaugnayan sa impormasyon na galing sa gobyerno.

RELATED: Alejano: Di Lang Dapat Militar ang Mag-solve ng Insurgency sa Pilipinas

Nasa balag ng alanganin ang kredibilidad ng Philippine Army at maging ang katapatan ng gobyerno sa pagsusulong ng peace talks sa mga rebelde. Kung malinis at tunay ang hangarin, di naman kailangang magpakalat ng mapanlinlang na mga larawan. Kung di man sila makatiis sa pagpapakalat ng misinformation at disinformation, kumuha naman sana sila ng de-kalibreng Photoshop editor, ‘no?!

 

Sources:

Laude, J., & Punay, E. (2019, December 29). Probe ordered on Army’s manipulated NPA photo. Retrieved from The Philippine Star: Probe ordered on Army’s manipulated NPA photo

San Juan, R. (2019, December 28). ‘Honest mistake’: Army apologizes for manipulated photo of alleged rebels. Retrieved from The Philippine Star: ‘Honest mistake’: Army apologizes for manipulated photo of alleged rebels