MGA OPISYAL NG GOBYERNO NAKAKAHIYA ANG INASAL SA UN HUMAN RIGHTS MEET

Mga nag-tantrums na ang mga opisyal ng gobyerno. Nakakahiya na ang kanilang mga inasal sa UN Human Rights Council meeting sa Geneva.

MGA OPISYAL NG GOBYERNO NAG-WALKOUT SA 41ST SESSION NG UN HUMAN RIGHTS COUNCIL

Nadismaya ang mga human rights defenders sa inasal ng mga opisyal ng gobyerno, kasama na ang ilan nilang tagasuporta, sa ginaganap na UN Human Rights Council meeting sa Geneva, Switzerland.

Ayon kay Human Rights Watch Philippine researcher Carlos Conde, nag-walkout ang delegasyon ng Pilipinas na pinangunahan ni Undersecretary Severo Catura habang nagkakaroon ng informal session noong June 27 para pag-usapan ang resolusyon na isinulog ng Iceland tungkol sa Pilipinas.

RELATED: HRW: Di Dapat Isali ang Pilipinas sa UN Human Rights Council

Inatake ni Catura ang resolusyon at inakusahan ang Iceland at iba pang bansa ng pambu-bully sa Pilipinas.

Ang asal na ito ng mga opisyal ng gobyerno ay di lamang iresponsable at nakakagulat, kundi nagpapakita rin ng desperasyon ng rehimeng Duterte na ilihis ang isyu na tinalakay sa resolusyon.

Ayon kay Conde, nagpapakalat ng maling impormasyon ang mga opisyal na ito para harangin ang pagpasa ng resolusyon na pagbobotohan ng Human Rights Council bago matapos ang session sa July 12.

Sinasabing suportado ng ilang bansa sa Europa ang resolusyon na humihiling sa UN Human Rights Council para punahin na ang patayan na may relasyon sa war on drugs ni Duterte. Ganun din, ipinapanawagan ng resolusyon ang pagpayag ng gobyerno ng Pilipinas na makabisita ang mga UN special rapporteurs sa bansa.

Ganun din, isang dating mataas na diplomat ng Pilipinas sa ASEAN na si Rosario Manalo ang nag-akusa sa Iceland at sa ibang bansa na sumusuporta sa resoluyon bilang mga ipokrito at nakikialam sa bansa.

Pinagwikaan din nya ang mga human rights groups sa Pilipinas ng pagiging traydor at bayaran.

RELATED: Pilipinas, Pasok sa Listahan ng UN ng Nananakot sa mga Human Rights Defenders

Ayon sa gobyerno, iniimbestigahan na ng Philippine National Police ang libo-libong napatay sa drug war at nagbigay pa ito ng iba’t ibang istatistika.

Ngunit, simula ng maupo si Duterte bilang Pangulo, isa lamang sa higit sa 6.600 kaso ang nagkaroon ng criminal conviction ng mga opisyal ng PNP. Nasa 100 kaso lamang ang iniimbestigahan ng Department of Justice.

Hindi rin sinasabi ng gobyerno na ang maraming kaso laban sa mga opisyal ng PNP ay iniimbestigahan lamang para sa mga administratibong kaso at hindi sa mga kriminal na kaso.

Sa mga kasong administratibo, ang kaparusahan lamang ay ang paglilipat ng destino o pagtatanggal sa serbisyo. Ung ilang opisyal ng PNP ay mga na-promote pa nga.

Ipinagyayabang pa nga ng gobyerno ang mga batas hinggil sa karapatang pantao. Ngunit, ang lahat ng ito ay sa papel lamang. Ang problema ay ang kawalan ng political will na ipatupad ang mga ito.

Sa katunayan, bago pa man maging Pangulo si Duterte ay marami ng isyu sa paglabag ng karapatang pantao ang Pilipinas dahil hindi naging responsable ang mga institusyon ng gobyerno sa pagprotekta at pagpapalaganap ng karapatang pantao.

Kapansin-pansin din naman ang mga ginagawa ng Pangulo sa pambubuyo sa mga pulis na pumatay. Inuudyukan din nya ang publiko na pumayag sa war on drugs at sinisigurado rin nya na ang sinumang pulis na aabuso ay may proteksyon nya. Ipinangako pa nga ni Duterte na bibigyan nya ng Presidential Pardon ang sinumang pulis na mapaparusahan ng korte.

Ipinipilit din ng rehimeng Duterte na pinoprotektahan nito ang mga karapatan ng kababaihan at kabataan. Ayon dito, nabawasan na ang kriminalidad at paghihirap. Ngunit, hindi naman nito nabibigyang-katwiran ang mga abusong nangyayari.

Ganun naman talaga. Binibigyan-katwiran ng mga bansang responsable sa malalang pag-abuso ang kanilang ginagawa sa pamamagitan ng paglalatag ng kanilang mga sariling datos sa harap ng iba’t ibang bansa.

Ngunit, napakaraming ebidensya na ang nakalap ng iba’t ibang human rights groups, ng media, at maging ang ibang institusyon ng gobyerno gaya ng Commission on Human Rights kaya imposibleng mapasinungalingan pa ito ng rehimeng Duterte.

Dahil sa hindi na mapangatwiran ng gobyerno ang mga ebidensya laban sa war on drugs, mas pinipili na lamang ng mga opisyal ang mawala sa hulog sa pamamagitan ng paninirang-puri at panliligalig sa iba.

Source:

Villanueva, R. (2019, July 7). Philippines officials hit for conduct in Geneva rights meet. Retrieved from The Philippine Star: Philippines officials hit for conduct in Geneva rights meet