Metro Manila Traffic: Di Maintindihan ni Duterte

Dapat holistic ang solusyon sa Metro Manila Traffic. Mahirap pero dapat gawin.

Mark Villar: Maaayos din ang problema sa Metro Manila traffic

Sinigurado ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar sa mga Pilipino na ginagawa nila ang lahat nang makakaya para masolusyunan ang problema sa daloy ng trapiko sa syudad. Ayon sa kanya, malapit na itong masolusyunan.

RELATED: EDSA Traffic Di Solusyon ang Emergency Powers

Bubuksan na sa lalong madaling panahon ang Skyway na magdudugtong ng Southern Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX). Ang Skyway Stage 3 ay may habang 18.68 kilometro mula Buendia sa Makati hanggang Balintawak sa Quezon City. Sinasabing 15-20 minuto na lamang ang travel time kapag nagawa na ito.

Noong 2018, nagpalabas ng estimates ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagsasabing higit sa 380,000 sasakyan ang dumadaan sa EDSA araw araw. Mas marami ito ng 4.38% kumpara noong 2017. 65.56% ng lahat ng sasakyan sa EDSA ay mga pribadong sasakyan.

Mapapasinayaan ang Skyway Stage 3 sa unang quarter ng 2020. Ganun din, nakaplano na rin ang NLEX-SLEX Connector Road, Cavite-Laguna Expressway, at Sta Monica-Lawton Bridge. May kumpyansa si Villar na maaayos din ang daloy ng trapiko sa lalong madaling panahon.

Hindi masosolusyunan ang problema sa trapiko sa isang iglap

Nagkakaturuan na kung sino ba talaga ang dahilan ng masikip na daloy ng trapiko: ang mga drayber ng pampublikong sasakyan o ang mga drayber ng mga pribadong sasakyan? Marami na ang naisip na rekomendasyon para masolusyunan ang problema. Ung iba ay di praktikal. Ung iba naman ay nakakatawa. May mga rekomendasyon naman na ipinapatupad na kahit noon pa at nakakadagdag lamang sa ingay.

Maraming mga rekomendasyon si dating Senador JV Ejercito, gaya ng mga sumusunod:

  • Pabilisin ang paggawa ng NLEX-SLEX connector, MRT-7, MRT-3 rehabilitation, MRT-2 extension sa Rizal, terminal building sa Clark International Airport, at ang Malolos-Calamba commuter train line
  • Pagbibigay prayoridad sa LRT-1 extension sa Cavite, Manila Subway, Philippine National Railways (PNR) North and South, at pagpaparami ng tren sa PNR
  • Car-pooling kapag rush hour, jeepney modernization, pagsasaayos ng franchise ng pampublikong mga sasakyan, at relokasyon ng mga opisina ng gobyerno sa Clark

Ngunit, kailangan din naman isaalang-alang ang pondong panustos sa mga proyekto. Madaling mangutang pero mahirap ang magbayad ng utang. Syempre, ayaw naman nating mamublema ang bansa sa pagbabayad ng napakaraming utang.

May mga rekomendasyon din namang mahirap ipatupad gaya ng pagpapaunlad ng mga probinsya. Kailangan ng political will para maipatupad ito. Ganun din, taon ang bibilangin bago maging ganap itong benepisyo sa bansa.

Isa sa mga magandang mungkahi ay ang Bus Rapid Transit (BRT) na ginagamit na sa 39 bansa, kasama ang US, Canada, Indonesia, UK, at China. Mas maikli ang panahong kailangan para maipatupad ito at hindi rin masyadong magastos. Magiging matagumpay lamang ito kung may sariling lanes ang BRTs na nasa gitna ng daan.

Sa huli, ang anumang problema sa Metro Manila traffic at transportasyon ay hindi masosolusyunan nang agaran. Higit sa isang taon ang kailangan para maramdaman natin ang anumang pagbuti sa daloy ng trapiko kung ipagpapatuloy ang lahat ng proyektong ipinapatupad na ngayon.

Hindi lamang ito problema ng maraming sasakyan sa daan. Kailangang maging malinaw sa lahat na walang iisang solusyon para sa napakaraming problema sa trapiko. Kung hinanapan sana ito ng solusyon noon pa, sana ay napamahalaang mabuti ang mga ito.

Hindi lang din naman ito problema sa disiplina ng mga drayber. Siguro, mas malaking problema ang kaalaman nila sa mga batas trapiko. Paano sila susunod sa batas kung di naman nila alam ito?

Sa Pilipinas, maging ung mga taong nakakuha ng driver’s license dahil sa pandaraya ay pwede pang makapag-renew ng kanilang lisensya. Di kaya mabuting magkaroon muli ng pagsusulit tuwing mag-renew nito?

Ano ang di maintindihan ni Duterte hinggil sa problema sa trapiko?

Tumitindi ang problema sa trapiko at di natin nakikita na malapit na itong masolusyunan ng awtoridad. Noong 2015, kung kailan kandidato pa lang si Duterte sa pagka-Pangulo, buong buo ang kumpyansa nyang kaya nyang solusyunan ang problema sa trapiko. Ayon sa kanya, kailangan ang mas maraming sasakyan para sa MRT at LRT. Ganun din, kailangan ang mga bagong railway.

Ngunit, noong February 2019, sinabi nyang natupad na nya ang lahat ng kanyang ipinangako noong kampanya, maliban sa EDSA traffic. Dagdag pa nya, “let EDSA rot.”

Ayon sa huling datos ng Asian Development Bank (ADB), ang Metro Manila ang pinakamasikip na syudad sa Asia.

metro manila traffic

Source: Rappler

Di naman na bago ang pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko, ngunit kulang na kulang talaga ang mga polisiya ng rehimeng Duterte pagdating sa trapiko. Ang pinakamalala pa nito, hindi naman nila naintindihan talaga kung ano ang problema.

Di nag-iisip ng sistema sa Metro Manila traffic

Magkakaugnay ang mga syudad sa Metro Manila. Kung pakikialaman ang isang parte ng sistema, maaapektuhan tiyak ang ibang parte. Napakasimpleng ideya na di naisip ng mga tauhan ng gobyerno.

Halimbawa, sinabi ng MMDA na pinag-iisipan nitong gawing one-way ang EDSA at C-5. Ang EDSA lanes ay para lamang sa mga sasakyang papuntang timog samantalang ang C-5 lanes naman ay papuntang hilaga lamang. Hindi naman ito praktikal dahil wala namang maraming daang nag-uugnay sa EDSA at C-5 kung kaya lalo lamang magsisikip ang daloy ng trapiko lalo na sa Pasig City.

Noong Agosto, ipinatupad ng MMDA ang yellow lane policy nito sa EDSA. Plano pa nito na lagyan ng bakod ang yellow lanes. Pero, alam na natin ang nangyari, binarahan ng mga bus ang mga daang pwedeng pasukan at labasan ng ibang mga sasakyan kaya nga naging isang mahabang parking lot ang EDSA. Imbes na maging mabilis ang takbo ng mga bus, mas lalo pa itong naging mabagal.

May malaking problema rin kasi sa koordinasyon ang MMDA dahil sa 17 mayor ng Metro Manila ang kanilang dapat hilingan ng kooperasyon. Kaya nga, bago magpatupad ng plano ang awtoridad, kailangang isipin nitong ang Metro Manila ay binubuo ng maraming syudad na may kani-kanilang traffic rules.

Tao ang pinakikilos, hindi sasakyan

Pinagdidiskitahan ng awtoridad ang mga bus kahit na maging ang mga pribadong sasakyan din naman ay nakakapagdagdag sa problema sa trapiko. Masyadong pinapaboran ang mga taong may kotse.

Kunsabagay, maiintindihan din naman natin dahil mas maginhawang sumakay sa sariling sasakyan kesa makipagsisiksikan sa jeep, o sa MRT at LRT. Marami na ngayon ang pwedeng makabili ng sasakyan. Pero, di naman epektibo ang paggamit ng mga kotse dahil sa malaki ang inookupa nitong espasyo pero konting pasahero lamang ang pwedeng isakay. Maraming drayber ng kotse ang nagrereklamong na-traffic sila. Di nila maintindihang sila ang dahilan ng trapiko.

Ayon sa datos ng MMDA noong 2017, mas marami ang kotse kesa sa mga bus sa EDSA.

metro manila traffic

Source: Rappler

Di rin naman praktikal na ipagbawal ang lahat ng kotse lalung lalo na kung wala namang alternatibong mungkahi ang awtoridad. Pero, dapat nang pasimulan ng gobyerno na wag sanayin ang mga tao sa paggamit ng kotse.

Posible namang mabawasan ang mga kotse sa lansangan kung magdedesisyon ang mga may-ari nito na magbus na lamang. Marami na rin namang point-to-point (P2P) buses sa ilang malls sa Metro Manila. Ang pagkakaroon ng mas mabilis at mas maaasahang railway ay pwede ring maging insentibo para iwan na lamang ang mga sariling sasakyan sa kani-kanilang mga tahanan.

Parte rin naman ng Build, Build, Build infrastructure program ng gobyerno ang railways at BRTs. Ngunit, higit sa tatlong taon na si Duterte sa pwesto, marami sa mga proyekto ang di pa napapasimulan.

Ganun din, naging opisyal na polisiya na ni Duterte ang di pagtanggap ng tulong mula sa mga bansang kritiko ng kanyang drug war. Di na nga matutuloy ang BRT project na popondohan sana ng France na nagkakahalaga ng 21M euros.

Hindi solusyon ang pagpapagawa ng mas maraming daan

Dahil sa ang mga pribadong sasakyan ang isa sa problema, kailangang ayusin din naman ang mga syudad para sa posibilidad na matanggal na ang pribilehiyo ng mga kotse. Kailangang magbigay daan ang mga kotse, lansangan, at parking lots para mas dumami ang bus, train, bike lanes, pedestrian lanes, at parke. Pero syempre, para sa mas maraming tao, ang solusyon sa pagdami ng kotse ay ang pagpapagawa ng mas maraming daan.

Kamakailan, nagmungkahi ang San Miguel kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na magtayo ng 10-lane elevated EDSA, kasama na ang BRT system. Hindi rin naman nito masosolusyunan ang masikip na daloy ng trapiko.

Kapag lumawak ang mga daan, mas magiging mura ang cost of driving. Mas maraming tao ang maeengganyong dalhin ang kanilang mga sasakyan. Kapag nangyari ito, magsisikip pa rin naman ang daloy ng trapiko. Kabi-kabila rin naman ang itinatayong parking lots at buildings para lamang sa mga kotse.

Isinusulong pa nga ni Senator Sherwin Gatchalian ang Parking Fees Regulation Act na syang magpapamura ng singil sa parking sa mga malls at iba pang establisimento. Magiging insentibo lamang ito sa mga tao para gamitin ang kanilang mga kotse.

Sumuko na ang gobyerno sa Metro Manila traffic

Talo ang merkado. Hindi naman kasi ang mga may-ari ng sariling sasakyan ang umaako ng halaga ng perwisyo nila sa ibang tao. Mas marami ang espasyong ginagamit nila. Mas maraming polusyon. Mas maraming posibleng aksidente.

RELATED: EDSA Traffic: Paano nga ba Sosolusyunan?

Kapag bigo ang merkado, kailangang pumasok na ang gobyerno. Pero, mukhang sumuko na ang rehimeng Duterte sa pagsasaayos ng problema sa trapiko. Hindi na isinusulong ng Pangulo ang kanyang paghiling ng emergency powers sa Kongreso. Wala rin naman kasing maisumiteng master plan ang gobyerno. Ganun din, bumaba ng 69% ang budget ng traffic management ng MMDA para sa 2020.

Ano pa nga ba ang aasahan natin? Sa darating na 2022, mas makakabuting maghalal ng isang bagong lider ng bansa na may talino at tapang para solusyunan ang problema sa Metro Manila traffic. Wag ung puro yabang lang.

Sources:

Bagayas, S. (2019, September 25). ‘Traffic will improve sooner than later’ – DPWH chief. Retrieved from Rappler: ‘Traffic will improve sooner than later’ – DPWH chief

Punongbayan, J. (2019, September 26). [ANALYSIS] What Duterte doesn’t get about Metro Manila traffic. Retrieved from Rappler: [ANALYSIS] What Duterte doesn’t get about Metro Manila traffic

Santiago, E. (2019, September 28). Commentary: Finding solutions for Philippines’ traffic crisis. Retrieved from Philippine Star: Commentary: Finding solutions for Philippines’ traffic crisis