Magnitsky Act: Bakit Importante sa Pilipinas?

magnitsky act

Dahil sa Magnitsky Act, ilang mga Pilipino naging tahimik na sa social media. Bakit kaya?

US Senate seryoso sa pagsusulong ng Global Magnitsky Act sa Pilipinas

Nagkaroon ng resolusyon ang US Senate committee hinggil sa pagsusulong ng nasabing batas para papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno sa Pilipinas sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng US visa at pagsamsam ng kanilang mga ari-arian sa Amerika. Ang mga opisyal na ito ay may kaugnayan sa pagpapakulong kay Senator Leila de Lima at mga alegasyon ng extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng rehimeng Duterte.

RELATED: Senator De Lima, Pinarangalan sa 2nd Human Rights Defenders World Summit

Kinondena rin ng US Senate Foreign Relations committee ang pagkakakulong ng senadora at tinawag din nila ang pansin ng gobyerno ng Pilipinas sa papel nito sa EJKs na kagagawan ng mga pulis at ng ilang armadong indibidwal dahil sa isinusulong na war on drugs.

Sa nasabi ring resolusyon, idineklara rin ng US Senate ang kanilang pagtutol sa pag-aresto at pagkakakulong ng mga human rights defenders at mga political leaders na ginagamit lamang ang kanilang freedom of expression. Tinuligsa rin ang harassment, pag-aresto, at di makatarungang judicial proceedings laban sa media, partikular na sa Rappler at kay Maria Ressa.

Sa US Senate Resolution 142, isinama rin ang ilang probisyon ng Global Magnitsky Human Rights Accountability Act na kung ipapatupad ay magbibigay ng kapangyarihan kay US President Donald Trump na magparusa sa mga responsableng opisyal sa EJKs at sa pag-aresto at pagkadetine ni De Lima.

Mga posibleng parusa sa mga human rights violators sa Pilipinas:

  • Hindi pagpapapasok sa US
  • Pagkamkam ng mga ari-arian at bank accounts ng mga nasabing opisyal sa Amerika

Mga susunod na hakbang ng Amerika

Para maipatupad ang Magnitsky Act, kailangang magpasa ng resolusyon ang kabuuan ng US Senate para bigyan ng kapangyarihan si Trump na pag-aralan kung talagang lumabag sa karapatang pantao ang mga opisyal ng Pilipinas hinggil sa kanilang ginawa kay De Lima at sa mga EJK victims. Hindi naman kailangang magkaroon ng hiwalay na resolusyon ang US House of Representatives.

Kung hindi maaaksyunan ng US Senate ngayong taon ang nasabing resolusyon, pwede pa naman itong isulong sa 2020 ngunit magiging abala rin sila sa impeachment trial ni Trump. Kapag ipinatupad na ang mga parusa, hindi na makakapasok ng US ang mga nasabing opisyal ng gobyerno at kukumpiskahin din ang kanilang mga bank accounts at ari-arian sa Amerika.

Ano ang Global Magnitsky Act?

Ang Global Magnitsky Act ay pagpapalawig ng Magnitsky Act na naging batas noong 2012. Ipinangalan ang batas kay Sergei Magnitsky na isang abugado at auditor na Ruso na nakadiskubre ng $230M na anomalya sa tax na sangkot ang mga opisyal ng Russia. Ikinulong si Magnitsky noong 2008 at namatay noong 2009 sa kulungan. Sya ay binugbog at hindi ginamot habang nasa kulungan.

Ang orihinal na Magnitsky Act ay nagparusa ng travel restrictions at pagsamsam ng mga ari-arian ng mga opisyal sa Russia na may kinalaman sa seryosong paglabag sa karapatang pantao. Noong 2016 naman naisabatas ang Global Magnitsky Act.

Mga bansang may sariling bersyon ng nasabing batas:

  • United Kingdom
  • Estonia
  • Canada
  • Lithuania
  • Latvia

Ilang bansang nagsusulong ng kanilang sariling bersyon:

  • Australia
  • France
  • The Netherlands
  • Denmark
  • South Africa
  • Ukraine
  • Sweden

Kamakailan, napaulat na nagsusulong na rin ang European Union (EU) ng kanilang bersyon. Naghahanda na ito para pasimulan ang usapin hinggil sa nasabing batas. Importante ito sa kanila sapagkat ito na rin ang unang hakbang para magkaroon sila ng sariling sistemang pangkarapatang pantao.

Ano ang epekto ng batas sa mga maysala?

Sa kaso ni Senator De Lima, kasama ang mga kaparusahan sa ilalim ng Global Magnitsky Act sa Senate Resolution 142. Kailangan munang maaprubahan ng US Senate ang resolusyon at sumulat kay Trump. Kapag natanggap na ng US President ang sulat, mayroon syang 120 days para alamin kung talagang lumabag ang mga nasabing indibidwal sa karapatang pantao. Ipapaalam ni Trump sa US Senate kung may intensyon syang parusahan ang mga human rights violators.

Ayon sa US Senate resolution, ang mga paparusahan ay ang mga sumusunod:

  • Mga pulis at opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na may kinalaman sa EJKs
  • Mga opisyal ng gobyerno na nagsulong ng pag-aresto at pagkadetine ni Senator De Lima

May naparusahan na ba ang batas?

Higit sa 30 katao na ang napaparusahan sa ilalim ng Global Magnitsky Act simula noong 2017. Kasama rito ang 17 katao na iniuugnay sa pagpatay kay Jamal Khashoggi, mga lider ng iba’t ibang criminal organizations, at mga myembro ng Burmese security forces na sangkot sa ethnic cleansing sa Rakhine State. Kasama rin ang isang heneral ng Myanmar na nag-utos ng pag-atake sa mga sibilyang Rohingya, tatlong opisyal na sangkot sa mga seryosong pag-abuso sa karapatang pantao at korapsyon sa Nicaragua, at ilang opisyal sa Iraq na sangkot sa pagpatay sa mga peaceful protesters doon.

Ano ang epekto ng Global Magnitsky Act sa US-Philippines relations?

Malinaw din naman ang sinasabi ng rehimeng Duterte, nakikialam ang Amerika sa mga kaganapan sa Pilipinas. Matatandaang matagal nang tinalikuran ng Pangulo ang US at nakikipagmabutihan sa China. Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddyboy Locsin, “idiotic” ang pamamaraan ng US Senate resolusyon para solusyunan ang pagkadetine kay Senator De Lima.

RELATED: Pilipinas, Pasok sa Listahan ng UN ng Nananakot sa mga Human Rights Defenders

Pinasalamatan naman ni De Lima ang US Senate at sinabing darating ang day of reckoning para sa ilang opisyal ng rehimeng Duterte.

Hindi man tayo sinasamahan ng ibang Pilipino sa pakikipaglaban para sa karapatang pantao, nagpapasalamat pa rin tayo sa ibang bansang handang tumulong para isulong ang dignidad ng mga Pilipino. Padayon!

 

Source:

Tomacruz, S. (2019, December 21). Why the Global Magnitsky Act matters to the Philippines. Retrieved from Rappler: Why the Global Magnitsky Act matters to the Philippines