Well Milled Rice Tumaas ang Presyo

Tumaas nang 0.02% ang bentahan ng well milled rice sa mga pamilihan.

PSA: Nasa 42.27 piso na ang bentahan ng well milled rice

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumagsak nang 0.6% ang palay farm gate price noong ikalawang linggo ng Setyembre. Pumalo na lamang sa 16.18 piso kada kilo ang bentahan.

Samantala, sa lingguhang report ng PSA, sinabi nitong bumagsak nang 0.4% ang average wholesale price ng well-milled rice sa 38.43 piso kada kilo. Tumaas naman nang 0.02% ang retail price nito sa 42.27 piso.

RELATED:Epektibo ba ang Rice Liberalization Law?

Mapapansing patuloy ang pagbasak ng presyo ng bentahan ng palay na syang produkto ng mga lokal na magsasaka dahil sa pagdagsa ng imported rice sa mga pamilihan. Ibig lamang bilhin ng mga rice traders ang palay sa mas mababa pa sa 19 piso kada kilo na syang itinakda ng gobyerno. Dahil dito, napilitan nang bilhin ng mga lokal na pamahalaan ang mga ani ng mga magsasaka.

Farm gate price ng palay bumagsak nang 30% noong Setyembre

Kumpara noong isang taon, bumagsak nang 30.1% ang farm gate ng palay noong ikalawang linggo ng Setyembre. Nasa 16.18 piso kada kilo na ang bentahan kumpara sa 23.14 piso kada kilo noong kaparehong period noong isang taon. Sinisisi ang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law sa patuloy na pagdausdos pababa ng presyo ng palay dahil sa pagdagsa ng murang imported rice.

Simula noong Pebrero, nasa 2.4M metric tons (MT) na ang pumapasok na rice imports sa bansa. Ayon sa Federation of Free Farmers (FFF), ito ay katumbas ng 17% ng kabuuang kailangan ng bansa ngayong taon. Sa mga nakaraang taon, nasa 10% lamang ang inaangkat na bigas ng Pilipinas dahil sa rice self-sufficient na ang bansa.

Ayon din sa PSA, bumagsak ang wholesale at retail prices ng well milled at regular-milled rice. Ang wholesale price ng well-milled rice ay bumagsak na nang 16.8% sa 38.43 piso kada kilo kumpara sa 46.18 piso kada kilo noong isang taon. Ang retail price naman nito ay bumagsak na nang 14.2% sa 42.27 piso kada kilo mula sa 49.27 piso kada kilo noong 2018.

Ang wholesale price ng regular-milled rice ay bumagsak na nang 21.2% sa 34.29 piso kada kilo mula sa 43.49 piso kada kilo. Samantala, ang retail price naman ay bumagsak nang 17.8% sa 37.79 piso kada kilo mula sa 45.96 piso kada kilo.

Ang trahedya ng mga Pilipinong magsasaka

May 10M magsasaka ng bigas ang nasa Pilipinas. Kung isasama ang kanilang mga pamilya, higit sa 100M Pilipino ang nasa panganib ngayon. Marami sa mga palayan ang di naaabot ng irigasyon ng gobyerno. Hindi rin naman masyadong nag-uulan. Maganda naman ang intensyon ng Rice Tariffication Law ngunit di nito naisaalang-alang ang 10M magsasakang nagtatanim ng palay.

Ilang dekada na rin namang naprotektahan ang mga magsasaka dahil sa nilimitahan ang pag-angkat ng bigas. Nagkapera na rin naman ang mga opisyal ng gobyerno na may hurisdiksyon sa pag-angkat ng bigas. Nagkapera na rin ang mga rice traders na nakakopo ng importation permits. Ganun din, kumita na rin ang mga rice smugglers.

Noong isang taon, nagkaproblema ang Pilipinas dahil sa kakulangan ng supply ng bigas na syang nagpataas ng presyo nito sa mga pamilihan. Tumaas ang inflation rate at nahila nito pababa ang gross domestic product (GDP). Kaya, mabilisang naisabatas ang Rice Tariffication Law.

Sa ngayon, di pa ganap na nararamdaman ng mga Pilipino ang epekto ng batas dahil hindi naman inilalabas ng mga rice trader ang kanilang mga inangkat na bigas para patuloy na maging mataas ang presyo nito. Nagbabala na si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na gagamitin ang batas para kasuhan ang mga nagsasamantala.

Nasa 12 piso kada kilo ang average production cost ng palay. Ayon sa mga tao sa kabundukan kung saan pagtatanim ng bigas ang kabuhayan, maraming mga sakim na wholesaler ang bumibili lamang ng kanilang ani sa 8 piso kada kilo. Ito ang kalakaran sa ilang mga lugar sa Luzon.

Ayon kay Senator Cynthia Villar na syang Agriculture Committee Chairperson sa Senado, ang binibili ng 8 piso kada kilo sa Luzon ay ang mga nasira ng bagyo dahil sa sobra na itong basa. Papatayin ng presyong ito ang mga mahihirap na magsasaka na napipilitang magbenta ng kanilang ani para lamang may maipangtustos sa kanilang pamilya at makabili ng mga punla sa susunod na pagtatanim.

Masyadong malupit at nakakasakit na ang ganitong mga pangyayari. May mga taong nagpapanggap na tutulong sa mga magsasaka ngunit ang kanilang mga pamamaraan ay nagpapahirap pa lalo sa kanila. May ilang yumaman sa ganitong pamamaraan dahil sa napipilitan ang mga magsasaka na ibigay na lamang ang kanilang lupa para mabayaran ang kanilang mga obligasyon.

Kung gusto talagang tulungan ng gobyerno ang mga magsasaka, kailangang bilhin na ng mga lokal na pamahalaan ang mga palay sa halagang 20 piso kada kilo para lamang mapigilan ang mga sakim na rice traders. Ayon kay Dar, kailangan lamang magpasa ng resolusyon ng mga LGU para makapangutang ang mga ito sa LandBank na syang ipambibili ng palay sa mga magsasaka sa halagang 15 hanggang 17 piso kada kilo.

Hindi rin naman kasi pwedeng gamitin ng gobyerno ang 2019 budget dahil wala namang nakalaan para rito. Magiging technical malversation pa nga ito kung ipipilit ng gobyerno. Pwede ring bilhin ng National Food Authority (NFA) ang mga palay ngunit di rin naman interesado ang mga magsasakang magbenta sa ahensya ng pamahalaan dahil napakahirap ng proseso ng pagbabayad nito.

Importanteng maging mabilis ang pagkilos ng gobyerno dahil sa 2020 pa magagamit ang 10B pisong Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Wala itong interest sa mga magsasaka sa loob ng anim na taon ngunit limitado lamang ang paggagamitan ng pondo. Wala rito ang kapital para makapagtanim ang mga magsasaka.

RELATED: Rice Cartel Kaya Bang Buwagin ni Duterte?

Matutulungan ba ng Rice Tariffication Law ang mga Pilipino? Oo pero hindi pa sa ngayon. Ayon sa PSA, bumaba na ang halaga ng regular-milled at well milled rice sa mga pamilihan ngunit hindi pa rin nito naabot ang ipinangakong 27 piso kada kilo ng regular milled rice.

Malaking tulong ang gobyerno para maibsan ang problema ng mga magsasaka. Ang punto ay dapat magkaroon ng tamang tindig ito sa paghahanap ng solusyon. Kailangang isapuso ang pagtulong sa mga pinakamahirap  na sektor ng pamayananan kasama na ang milyong milyong Pilipino umaaasa sa industriya ng bigas.

 

 

Sources:

Dejaresco III, Z. (2019, Septemer 12). The tragedy of the Filipino rice farmers. Retrieved from Business Mirror: The tragedy of the Filipino rice farmers

Galang, V. P. (2019, October 3). Palay farmgate price falls 0.6% in mid-Sept. Retrieved from Business World: Palay farmgate price falls 0.6% in mid-Sept

Gomez, E. (2019, October 4). Farmgate palay price down 30% in mid-Sept. Retrieved from Manila Times: Farmgate palay price down 30% in mid-Sept