TAMA BANG SABIHIN NA NASA “GOLDILOCKS” PHASE ANG EKONOMIYA NG PILIPINAS?

Goldilocks phase na raw ang ekonomiya ng Pilipinas, sabi ni BSP Governor Ben Diokno. Ano kaya ang ibig sabihin nya nito?

Diokno: Pumasok na ang ekonomiya ng Pilipinas sa “Goldilocks” phase

Ayon kay Bangko Sentral Governor Benjamin Diokno, pumasok na ang bansa sa tinatawag na “Goldilocks” economy dahil sa tamang timpla ng mataas na paglago at mababang inflation.

Sinabi nya ito sa speech nya sa nakaraang Wallace Business Forum. Ibig sabihin, magpapatuloy at mapapanatili ang paglago nang walang badya ng overheating.

Hindi nila papayagan ang merkado na bumuo ng mga bagong panganib at kahinaan. Ibgi sabihin, hindi lamang nakatuon ang gobyerno sa pagpapalago ng ekonomiya at pagpapanatili ng presyo, kundi nakatuon din sila sa pagpapatatag ng mga macroeconomic accounts. Magpapatuloy ang gobyerno sa pagpapatupad ng mga panukala para patuloy na pagandahin ang mga umiiral na sistema at makabuo ng mga bagong financial markets.

Inaasahan ni Diokno na magiging masigla ang ekonomiya sa huling anim na buwan ng taon dahil sa naaprubahan na ang budget at maipapatupad na ang spending plan.

RELATED: BEN DIOKNO, ANO ANG GAGAWIN NG FOOD CRITIC MO SA BANGKO SENTRAL?

Pero, may mga hamon pa rin dahil na delikadong posisyon ang global economy. Sa kabuuan, walang kompyansa at tiwala ang business community dahil di nila matiyak kung ano ang kahihinatnan ng ekonomiya ng buong mundo.

Ibinaba ng International Monetary Fund (IMF) ang global growth forecast sa 3.3% mula sa 3.7%.

Ano ang Goldilocks economy? Tama ba si Diokno sa sinabi nyang Goldilocks economy na ang Pilipinas?

Kung matatandaan nyo ang istorya ni Goldilocks, pumasok sya sa isang tahanan ng mga oso o bears. Nakakita sya ng tatlong mangkok ng lugaw. Ang isa ay sobrang init at ung isa naman ay sobrang lamig. Pero, ung panghuli ay tamang tama lamang.

Ganito ang pakahulugan ni Diokno sa Goldilocks economy. Tamang tama lamang ang timpla ng mataas na paglago at mababang inflation.

Ito naman talaga ang goal ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Kontrolin ang interest rate at ang money supply.

RELATED: Ano Ang Panganib Sa Pagkatalaga Ni Ben Diokno Bilang BSP Governor?

Parang katulad ng pagpapatakbo ng isang internal combustion engine. Kailangang balanse ang hangin at gasolina.

Ang hangad ng anumang monetary policy ay maging katamtaman ang inflation para makabuo ng investments at pagkakagastusan.

Sa Japan, ilang dekada na silang nakakaranas ng flat o straight na paglago ng ekonomiya. Hindi masigasig ang mga Japanese sa pagbili ng mga bagay bagay.

Alam kasi nilang di naman magbabago ang presyo sa susunod na taon. Pero, kung di sila nakakasiguro sa presyo, tiyak na bibili sila ngayon dahil sa takot na mas tumaas pa ang presyo sa hinaharap.

Ano ang Goldilocks effect?

Pero, kung may Goldilocks economy, meron din namang Goldilocks effect. Ibig sabihin, posibleng katamtaman lamang ang lugaw kay Goldilocks dahil di nya kaya ang mataas o mababang temperatura.

Paano binabalanse ang ekonomiya ng Pilipinas?

Ang monetary policy ng mga ekonomiya na katulad sa ating bansa ay nagbababa na ng interest rate at maging ang cost of money. Ang mga central banks sa Chile, India, Russia, at Sri Lanka ay mga nagbaba na ng interest rates. Katulad ng BSP, may mga signos na magbababa ng interest rate ang Reserve Bank of India sa hinaharap.

Pero, ayon sa mga kasalukuyang datos, katamtaman lamang ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

Ang ekonomiya ng Egypt, Malaysia, Turkey, South Korea, at China ay may iba’t ibang inflation rates at paglago ng ekonomiya. Ibig sabihin, iba iba rin ang layunin ng kani-kanilang monetary policies.

Pero, ang mga polisiya ay nakadepende sa kasalukuyang pangyayari. Halimbawa, ang nominal interest rate sa Argentina ay 66% samantalang 1% lamang sa Hungary. Ang Pilipinas ay nasa kalagitnaan nito.

Ang real interest rate, sa punto ng inflation ay nasa 13% sa Argentina at -3% sa Hungary. Ang Pilipinas ay nakakataas nang bahagya sa kalagitnaan sa 2%. Nagkaroon ng kaunting pagtaas ng halaga ng piso kontra dolyar sa mga nakaraang buwan. Tumaas din ang trading sa Philippine stock market. Ganun din, nasa kalagitnaan lamang ang market interest rate ng utang ng gobyerno ng Pilipinas at sumusunod lamang sa government debt ng US at Indonesia.

Tama si Diokno kung ikukumpara ang Pilipinas sa ibang bansa. Katamtaman lamang ang lagay ng ekonomiya ng Pilipinas kung ang pagbabasehan ay ang mga nabanggit na kadahilanan na naiimpluwensyahan ng monetary policy ng BSP.

Ano ang mga panganib sa Goldilocks economy?

Geopolitical troubles

  • US-Iran-Middle East tensions
  • South China Sea
  • Korean peninsula

Economic tensions

  • US-China trade war
  • Protectionism that narrows world trade

Hindi naman basta basta nangyayari ang Goldilocks economy. Kailangang umayon ang mga economic policies.

Economic policies na nakatulong para maging Goldilocks economy ang Pilipinas

Suportado ni Duterte ang kanyang economic team

Ang pagiging di maalam ng Pangulo sa economics ay naging daan para maging buo ang tiwala at kumpyansa nya sa kanyang economic team. May koordinasyon din naman kasi sila sa isa’t isa.

Ano anong ahensya ang myembro ng economic team?

  • Department of Finance
  • NEDA
  • Department of Budget and Management
  • Bangko Sentral ng Pilipinas

Iisa lang ang boses nilang lahat at pinapakinggan ito ni Duterte.

Pagsusulong ng TRAIN 1 sa tulong ng Kongreso

Ang reporma sa pagbubuwis ay nagdulot ng pagtaas ng kita ng gobyerno kaya mas napondohan ang mga programa nito nang hindi masyadong nagtataas ang inflation.

Kung wala ang TRAIN 1, hindi masyadong aarangkada ang Build, Build, Build ni Duterte.

Ganun din, napondohan ang mga programa para sa mga mahihirap. Napanatili ang paglago ng ekonomiya dahil naitaas din ang paggastos ng gobyerno sa imprastraktura.

Pero, di pa kumpleto ang tax reform program. Inaasahang sa pagbubukas ng bagong Kongreso ay mapasimulan ang pagsasabatas ng iba pang parte ng reporma sa pagbubuwis.

Kung maipapasa ng Kongreso ang mga reporma sa pagbubuwis, mas magiging mahaba ang pamamayagpag ng Goldilocks economy sa bansa.

Pagpapatupad ng reporma sa pag-angkat ng bigas

Isa pang importante sa Goldilocks economy ay ang pagpapatupad ng rice tariff. Isinaayos ang National Food Authority (NFA). Tinanggal na ang monopolyo nito sa pag-angkat ng bigas.

Dahil sa wala nang limitasyon ang pag-angkat ng pribadong sektor ng bigas, masisigurado na ang napapanahon at sapat na suplay ng bigas. Dahil dito, makokontrol na ang inflation sa pagkain.

Sino sino ang nasa economic team ni Duterte?

  • Department of Finance Carlos Dominguez III
  • NEDA Secretary Ernesto Pernia
  • Bangko Sentral Governor Benjamin Diokno

Ang pagkuha ni DOF Secretary Dominguez kay Kendrick Chua bilang Undersecretary ay isang magandang hakbang dahil malaki ang naitulong nya sa tax reform program ng bansa.

Ngayon, kailangan na lamang ng Pangulo na magtalaga ng panibagong DBM Secretary para ipagpatuloy  ang pagkontrol sa budget bilang napakahalagang haligi ng rehimeng Duterte.

Gaya ng istorya sa Goldilocks, nakahanap ang Pilipinas ng katamtamang timpla ng ekonomiya. Ngunit, parte ang Pilipinas ng isang malawak na global economy. Kung magbago ang lagay ng ekonomiya ng buong mundo, malamang si Little Red Riding Hood tayo. Kinain ng lobo. Har har har

 

Sources:

Agcaoili, L. (2019, June 21). Philippines enters ‘Goldilocks’ economy phase — Diokno. Retrieved from The Philippine Star: Philippines enters ‘Goldilocks’ economy phase — Diokno

Business Mirror Editorial. (2019, June 24). Goldilocks economy. Retrieved from Business Mirror: Goldilocks economy

Sicat, G. P. (2019, June 26). Philippines economy: The Goldilocks scenario. Retrieved from The Philippine Star: Philippines economy: The Goldilocks scenario