Sugar Imports: 250,000 MT Pinayagan ng Gobyerno

sugar imports liberalization

Tapos nang pakialaman ng gobyerno ang rice imports. May balak naman sila ngayon sa sugar imports liberalization.

Gobyerno pumayag sa 250,000 MT sugar imports

Panalo ang mga local processor sa desisyon ng gobyerno na mag-angkat ng panibagong 250,000 metric tons ng asukal. Ito na ang pangalawang pag-angkat para sa kasalukuyang taon ng pag-ani dahil na rin sa kulang ang supply.

Sa pinakahuling utos ng Sugar Regulatory Administration, iginiit nito ang pangangailangang maging napapanahon ang pakikialam ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-angkat ng asukal para masiguradong may sapat na supply at maiwasan ang masyadong pagtaas ng halaga nito sa mga pamilihan.

Ayon kay SRA Board Member Emilio Yulo, nasa 2.072 million metric tons lamang ang produksyon ng industriya ngayon. Mas mababa ito kumpara noong isang taon.

Hindi dapat magkaroon ng kakulangan sa supply dahil tataas ang halaga nito na syang magbubukas para sa liberalisasyon ng industriya.

Ilang buwan nang hinihiling ng mga manufacturers at processors ang pag-angkat ng asukal dahil sa mataas na presyo nito sa merkado.

Ayon kay SRA Board Member Roland Beltran, kailangang kumilos ang gobyerno para hindi tumaas nang masyado ang presyo ng asukal na syang makakapagpataas din naman ng inflation.

Maging ang mga dambuhalang kumpanya gaya ng Coca-Cola, Universal Robina, at Pepsi ay humihiling din ng alokasyon ng asukal.

100,000 MT ng sugar imports ay para sa mga bottler at 150,000 MT naman ay para sa mga mamimili at ibang grupo na gumagamit ng asukal.

Hindi pinirmahan ng SRA administrator ang utos dahil ipinagpipilitan nya na ang kanyang bersyon ang matupad. Kung kaya, ang kautusan ay pinirmahan lamang nina Yulo, Beltran, at Agriculture Undersecretary Roldan Gorgonio na syang alternate ex-officio chairperson.

Hindi pinayagan ng Sugar Board ang bersyon ng administrator sapagkat paglabag ito sa equal protection clause. Ibig kasi nya na ang 200,000 MT ay para lamang sa mga industrial users.

Liberalisasyon ng sugar imports posibleng isunod ni Duterte

Mukhang ang tanging solusyon ng rehimeng Duterte ay ang pagpaparami ng supply ng produkto sa merkado para labanan ang tumataas na halaga ng mga bilihin.

Unang biktima nito ang industriya ng bigas. Matatandaang mabilisang ipinatupad ang Rice Tariffication Law o RA 11203. Kahit isang probisyon ay walang na-veto si Duterte.

RELATED: Papataying ng Liberalisasyon sa Pag-Angkat ang Industriya ng Asukal

Ayon kay dating Philippine Rice Research Institute Board of Trustees Member Teodoro Mendoza, dinaya ng gobyerno ang mga Pilipino sa pagsusulong ng kaisipan na mas mura ang inangkat na bigas.

Ngayon, may panganib naman ang mga magtutubo dahil napagdesisyunan ng mga economic managers ng Pangulo na isulong ang deregulasyon ng sugar imports para diumano gawing mas competitive ang industrya.

Matatandaang iminungkahi ni dating Budget Secretary Ben Diokno ang liberalisasyon ng pag-angkat ng asukal bago pa man mapirmahan ang Rice Tariffication Law.

Ayon naman kay Confederation of Sugar Producers Spokesperson Raymond Montinola, hindi pa kayang makipagkumpetensya ng ating industriya ng asukal sa ibang bansa.

Hindi naman tinutulungan ng gobyerno ang sugar industry natin. Kinokontrol lamang ng Sugar Regulatory Administrasyon ang pag-angkat ng asukal.

Ayon kay Montinola, kailangang tulungan muna ang lokal na industriya bago ito makipagkumpetensya sa iba. Ang anumang maling hakbang ay makakasama sa industriya ng asukal.

Salungatan sa iba’t ibang sangay ng gobyerno

Tinututulan ng industriya ang panukala ni Diokno hinggil sa deregulasyon sa pag-angkat ng asukal. Maging ang mga mambabatas ay hindi pabor dito.

Ayaw din ng mga lokal na opisyal sa Negros Occidental ang panukalang ito ng dating Kalihim ng Department of Budget and Management.

Ipinagtanggol naman ni Socioeconomic Planning Assistant Secretary Mercedita Sombilla ang planong liberalisasyon sa sugar imports.

Ayon sa kanya, nakakasakal ang masyadong kontrol ng gobyerno sa pag-angkat ng asukal. Ibig ng economic managers na pabayaan ang merkado ang magdikta ng presyo ng askal. Hindi maganda sa pag-unlad ang maraming pagbabawal ng gobyerno.

Ngunit, aminado rin si Sombilla na masyado pang maaga para malaman kung ano ang mga susunod na hakbang.

Pakikipagbuno sa mga teknikalidad sa sugar imports liberalization

Kahit na sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na pinag-aaralan na ng ahensya kung paano ipapatupad ang sugar import liberalization, aminado naman syang hindi ito madali.

Sa ngayon, nagbabayad ang mga sugar traders ng 400 piso para sa import fee. Ngunit, ibinebenta ng ilan ang pribilehiyong ito sa iba pang traders. Hindi nabebenepisyuhan ang gobyerno sa ganitong kalakaran.

Ganun din, 5% import tax lamang ang binabayaran ng sugar importers dahil karamihan sa asukal ay galing sa Thailand na myembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Sa ilalim ng ASEAN Trade in Goods Agreement, hanggang 5% lamang ang kailangang ipataw na buwis sa imports.

Sa ngayon, gumagawa ng panukala ang DTI para taasan o dagdagan ang fee para matulungan ang industrya ng asukal. Sa panukala ni Lopez, ang karagdagang bayad ay mapupunta sa pagtulong sa mga magtutubo.

Ayon kay Philippine Competition Commission Chairman Arsenio Balicasan, mahirap masukat ang supply and demand para sa asukal kaya mahirap planuhin ang pag-angkat nito.

Ganun din, hindi lang naman sugar imports ang paraan para masiguradong may sapat na supply ng asukal at makapagkompetensya ang industriya sa ibang bansa.

Kailangan ding buuin ang kapasidad ng industriya sa pagsasaliksik ng mga bagong crop varieties ng asukal. Ganun din, kailangan munang magkaroon ng support system bago makipagkompetensya ang sugar industry sa iba.

Mula sa mga magtutubo

Nasa 84,000 lamang ang bilang ng magtutubo sa Pilipinas at 720,000 ang industrial workers sa mga mill, refinery, bioethanol distillery, at bio-power generating plant.

Ayon sa Philippine Sugar Millers Association, ang bawat sugar mill ay may higit kumulang 380 skilled personnel. Samantala, nasa 70 skilled workers naman kada sugar refinery.

Ayon sa National Federation of Sugarcane Planters, nasa 5M Pilipino ang nakadepende sa industriya ng asukal.

RELATED: MAISASALBA PA BA ANG SEKTOR NG AGRIKULTURA SA PILIPINAS?

Hindi madali para sa magtutubo ng Negros Occidental ang makahanap ng ibang ikabubuhay kapag ipinatupad ang import liberalization.

Walang bumibili ng ibang produktong naisipang itanim ng mga magtutubo kaya bumabalik din sila sa pagtatanim ng tubo.

Ano ang mawawala sa gobyerno?

Kung mababawasan ang may trabaho, mababawasan din ang kita at investment ng gobyerno. Ayon sa Board of Investments (BOI), nasa 8.1B piso ang investments sa industriya mula 2008 – 2018.

Ganun din, magkukulang ang enerhiya dahil ang ilang sugar mills ay nagsisilbing power generation plants din.

Ang anunang leftover pulp o bagasse mula sa tubo ay ginagamit para makagawa ng enerhiya. Halimbawa, hindi na kailangan ng kuryente ng First Farmers Holding Corp dahil sa gumagawa na sila ng sarili nilang pagkukuhanan ng enerhiya. Nakakapagbenta pa sila ng sobrang enerhiya sa iba.

Higit na kinakatakutan ng mga magsasaka at politiko

Ang mas kinakatakutan ng mga magtutubo at politiko kapag ipinatupad ang sugar imports liberalization ay ang pagtaas ng bilang ng mga rebelde.

Ayon kay 3rd District Board Member Frederick Ko, nangyari na ito noong 1980s kung saan nakopo ng isang crony ni Marcos ang industriya ng asukal sa Negros Occidental.

Ayaw ng mga taga-Negros ang nangyari noon. Inabandona nila ang kanilang mga lupang sinasaka dahil nalulugi lamang sila kung patuloy silang magtatanim.

Noong naipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Law noong 1998, bumalik sa pagtutubo ang ilang rebelde at naging agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Ngunit, mataas pa rin ang bilang ng rebelde sa Negros Occidental. Pero, hindi lang naman sa Negros posibleng tumaas ang bilang ng rebelde, ayon kay Sugar Regulatory Board member Emilio Bernardino Yulo.

Magkakaroon din ng problema sa ibang probinsya na ang produkto ay asukal. Problema din ang peace and order. Babalik lamang tayo sa ating problema noon dahil sa pagdami ng mga rebelde.

Sabi ng rehimeng Duterte, nasolusyunan na ang problema sa pagtaas ng presyo ng bigas. Rice tariffication law daw ang sagot. Ngunit, sa mga lehitimong balita, nahayag ang masamang epekto nito sa mga magsasaka. Ganun din, nandadaya ang ilang rice importers sa pagbabayad ng buwis.

May plano ang economic managers ni Duterte na ipatupad ang sugar imports liberalization. Sana lang, pag-aralan nila itong mabuti para wag magaya sa rice tarifficiation.

 

Sources:

Mogato, A. A. (2019, April 2). Next in line: Sugar import liberalization. Retrieved from Rappler: Next in line: Sugar import liberalization

Simeon, L. (2019, August 3). Government allows 250,000 MT sugar imports. Retrieved from The Philippine Star: Government allows 250,000 MT sugar imports