Southeast Asia Mas Babagal ang Paglago

southeast asia

Inaasahang mas babagal ang paglago ng ekonomiya sa Southeast Asia matapos ang malamyang paglago sa second quarter.

Southeast Asia mas marami pang problemang susuungin

Posibleng magpatuloy ang problema ng rehiyon ngayong 2019 dahil sa trade war ng US at China at mapipilitan ang mga gobyerno na gumawa ng mga hakbang gaya ng pagpapababa ng interest rates para umunlad ang kanilang mga ekonomiya.

Noong isang taon pa nagsimula ang kalbaryo ng mga bansa sa rehiyon dahil sa pagsisimula ng trade war.

RELATED: JAPAN, HINDI CHINA ANG NAGPOPONDO NG IMPRASTRAKTURA SA SOUTHEAST ASIA

Lima sa anim na ekonomiya ang nagtala ng mababang paglago noong Enero hanggang Marso. Ang Singapore at Thailand ang masyadong nagdusa dahil sa bumagsak ang demand sa kanilang importanteng export gaya ng electronics.

Noong Lunes, ibinaba na ng Thailand ng kanilang growth forecast para ngayong taon mula 3.3%-3.8% sa 2.7%-3.2%. Mula April hanggang Hunyo, lumago ang bansa ng 2.3% at ito ang kanilang pinakamababang paglago sa loob ng limang taon.

Ayon sa gobyerno nila, 1.2% ang ibabagsak ng exports ng kanilang mga produkto kumpara sa 7.5% na itinaas nito noong 2018. Noong nakaraang taon, 66% ng GDP nito ay galing sa exports.

Noong isang linggo, ibinaba rin ng Singapore ang kanilang 2019 growth forecast mula sa 1.5%-2.5% sa 0% -1%. Lumago lamang ng ekonomiya nito noong second quarter ngayong taon ng 0.1%. Ito na ang pinakamababang paglago ng city sate sa loob ng 10 taon. Bumagsak kasi ang exports ng electronics doon.

Hindi naman masyadong apektado ang ibang bansa sa rehiyon, ngunit nagtala din sila ng malamyang paglago noong second quarter.

Nagtala ang Indonesia ng 5.05% GDP noong second quarter. Ito na ang pinakamababa nitong paglago sa loob ng dalawang taon dahil sa bumabagsak na presyo ng kanilang mga exports gaya ng palm oil.

Ang Vietnam naman ay lumago ng 6.8% noong unang quarter at 6.7% noong second quarter. Ang Pilipinas ay ganun din. Simula sa 5.6% noong first quarter, 5.5% lamang ang naitala nitong paglago mula April hanggang unyo.

Ang Vietnam at Pilipinas ay inaasahang magbebenepisyo sa trade war dahil ililipat ng mga kumpanya ang kanilang factory mula China. Pero, may internal factors din kasing nakaapekto sa ekonomiya nila.

Sa Pilipinas, nagkaproblema sa water shortage at public investment samantalang mabagal naman ang paglago ng agricultural sector ng Vietnam.

Source: Nikkei Asia Review

Hindi naman nakisama ang Malaysia sa pagbagal ng ekonomiya. Mas umunlad pa ang ekonomiya nito noong second quarter sa 4.9% mula sa 4.5% noong first quarter dahil sa 7.8% pagtaas ng domestic consumption doon. Ngunit, maingat din naman ang kanilang central bank dahil maapektuhan din sila ng mabagal na paglago ng ekonomiya sa buong mundo at pati na rin ng trade war ng China at US.

Walang katiyakan ang galaw ng global economy kaya marami sa mga bansa ay nagpatupad ng monetary at fiscal measures.

Noong Biyernes, inanunsyo na ng Thailand ang $10.2B stimulus package para suportahan ang mga magsasaka at low-income earners para mapasigla ang domestic consumption at malabanan ang mga external factors.

RELATED: PAANONG SINISIRA NG POPULISM AT IDENTITY POLITICS ANG DEMOKRASYA SA SOUTHEAST ASIA?

Hindi naman nag-anunsyo ng stimulus package ang Singapore, ngunit kung lalala ang sitwasyon, asahang gagawa rin sila ng mga karapat-dapat na intervention para masuportahan ang mga manggagawa roon.

Ang mga central banks ng Pilipinas at Thailand ay nagbaba na ng interest rates kamakailan. Posibleng magbaba rin ng interest rates ang iba pang mga bansa.

Totoong bumagal ang global economy ngunit nasa economic managers ng Pilipinas kung paano nila magagawang hindi tayo masyadong maapektuhan. Pero, may mga problema rin naman sa mga polisiyang ipinapatupad nila.

 

Source:

Iwamoto, K. (2019, August 19). Southeast Asia set for more headwinds after lackluster 2Q growth. Retrieved from Nikkei Asian Review: Southeast Asia set for more headwinds after lackluster 2Q growth