Social Mobility: Mga Pilipino Hirap Umangat Sa Buhay

social mobility

Nasa bottom half ang Pilipinas kung social mobility ang pag-uusapan. Paano sosolusyunan ito?

WEF: Social mobility ng Pilipinas mababa

Ayon sa isang pag-aaral ng World Economic Forum (WEF), ang Pilipinas ay pang-61 sa 82 bansa sa abilidad nitong maiangat ang estado ng buhay ng isang mamamayan. Sa Global Social Mobility report nito, binigyan ng 51.7 na grado ang bansa sa social mobility na syang naglagay dito sa bottom half ng lahat ng mga bansang kasama sa pag-aaral. Sa mga kasapi sa Southeast Asia, naungusan lamang ng Pilipinas ang Indonesia at Laos.

RELATED: Inclusive Growth: Di Pa Rin Ramdam Sa Pilipinas

Ranking ng mga bansang kasapi sa ASEAN:

  • Singapore – 20th
  • Malaysia – 43rd
  • Vietnam – 50th
  • Thailand – 55th
  • Philippines – 61st
  • Indonesia – 67th
  • Laos – 72nd

Sa mga bansa sa Asia, nakuha ng Japan ang pang-15 na pwesto samantalang pang-45 naman ang China.

Top 10 na bansa sa social mobility, base sa pag-aaral ng WEF:

  • Denmark
  • Norway
  • Finland
  • Sweden
  • Iceland
  • Netherlands
  • Switzerland
  • Austria
  • Belgium
  • Luxembourg

Ayon sa WEF, ang mga ekonomiya na mas higit ang social mobility ay nakakapagbigay ng pantay na oportunidad sa lahat ng mamamayan nang di tinitingnan ang socioeconomic background, kasarian, lugar na pinagmulan, o lugar na tinitirahan. May linear at direct relationship ang income inequality at social mobility score. Ibig sabihin, ang bansang may mababang score ay mayroong kasaysayan sa di pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan samantalang ang income inequality ang syang nagdudulot ng mas mababang score.

Mga haligi ng social mobility

Base sa pag-aaral ng WEF, lima ang kanilang basehan:

  • Kalusugan

Ang Pilipinas ay nakakuha ng pang-69 na pwesto sa kalusugan dahil sa hindi nito nasosolusyunan ang isyu ng malnutrisyon at teenage pregnancy. Mababa rin ang kalidad at access sa health care at life expectancy.

  • Edukasyon

Pang-56 na pwesto naman ang nakuha ng bansa sa edukasyon dahil sa bilang ng kabataan na di nag-aaral o nagtatrabaho. Ang bilang ng mga kabataang ito ay mas mataas pa kesa sa mga bansa sa buong mundo. Ganun din, mataas ang teacher-pupil ratio. Ibig sabihin, dumarami ang bilang ng estudyante sa classroom.

  • Teknolohiya

Ngunit, pang-25 ang bansa sa kalidad ng vocational training nito. Mataas ito kumpara sa ibang bansang kasama sa pag-aaral. Un nga lang, mababa ang access ng mga Pilipinong may gulang sa teknolohiya. Pang-62 ang Pilipinas sa kategoryang ito. Pinakamababa rin kasi ang bansa sa access sa kuryente at internet.

  • Trabaho

May mga balakid din sa mga oportunidad sa pagtatrabaho. Pang-52 ang bansa sa kategoryang ito dahil sa bilang ng walang trabaho, female-to-male ratio sa labor force, patas naa pasahod, at working conditions na syang sinasabing pinakamababa sa buong mundo. Nangunguna naman ang bansa sa kategorya ng low wage incidence.

  • Resilience at mga institusyon

Hindi rin maganda ang performance ng Pilipinas hinggil sa social protection at inclusiveness ng mga institusyon. Pinakamalaking problema ng bansa ang pagbibigay ng budget sa social protection at ganun din ang political stability.

Paano maiaangat ang estado ng pamumuhay ng indibidwal

Konti lamang ang mga ekonomiyang inaayos ang mga kondisyon para maiangat ang estado ng pamumuhay ng tao. Ayon sa WEF, mababang pasahod, kakulangan sa social protection, mahinang kalidad ng learning systems, at di sapat na working conditions ang mga balakid kung bakit malaki pa rin ang agwat ng mayayaman sa mga mahihirap.

Ang di pagkakapantay pantay ng mga indibidwal ay lalong lumalala kahit na sa panahon ng technological change. Hindi na makatarungan at nakakawala na ng pagkakakilanlan at dignidad. Nasisira na rin ang tiwala sa mga institusyon. Importante ang tugon ng mga negosyante at ng gobyerno para magkaroon ng mas maraming oportunidad para tumaas ang estado ng buhay ng isang tao.

Ayon sa WEF, kailangang magkaroon ng bagong financing model na syang babalanse sa pinagkukunan ng buwis. Kailangang mas maging progresibo ang pagpapataw ng buwis sa kita ng indibidwal. Ganun din, kailangang magkaroon ng mga polisiya na syang tutugon sa pagbabalanse ng mga taxation sources at wealth accumulation na syang susuporta sa pag-aangat ng estado sa buhay ng mamamayan.

RELATED: BAKIT MAY INCOME INEQUALITY KAHIT NA MAGANDA ANG TAKBO NG EKONOMIYA?

Kailangan ding pagbutihin ang access sa edukasyon at isulong ang skills development ng mga empleyado. Ganun din, kailangang may social protection ang mga mamamayan sa labas ng kanilang mga trabaho dahil kailangan ng mas flexible na work relationships ng mga ito. Makakatulong naman ang mga kumpanya sa pagpapabuti ng pagtanggap ng mga empleyado base sa kakayahan, pagbabayad ng sapat at tamang pasahod, at pagkakaroon ng mga programa para malinang lalo ang skills ng mga ito.

Ang sabi ng gobyerno, marami na silang naiahon sa kahirapan pero nananatiling nasa bottom half ang Pilipinas sa usapin ng social mobility. Hirap pa rin ang mga Pilipinong iangat ang estado ng kanilang pamumuhay.

 

Sources:

Ibañez, J. P. (2020, January 20). Filipino success still not totally based on hard work, says study. Retrieved from Business World: Filipino success still not totally based on hard work, says study

Rivas, R. (2020, January 20). Filipinos find it hard to move up the social ladder – WEF. Retrieved from Rappler: Filipinos find it hard to move up the social ladder – WEF