Sagip Saka Act Kailangan nang Ipatupad

sagip saka act

May Sagip Saka Act pero hanggang ngayon di pa ipinapatupad. Bakit kaya?

Kiko Pangilinan: Ipatupad na ang Sagip Saka Act

Hinimok ni Senator Kiko Pangilinan ang gobyerno na ipatupad ang RA 1132 o Sakip Saka Act sa gitna ng bumabagsak na presyo ng palay.

Ayon sa principal author ng nasabing batas, “Lahat ng accredited farmers organizations o kaya fisher-folk organizations ay pupuwedeng maging bahagi ng ganitong negotiated purchases sa mga pamahalaang lokal at pamahalaang pambansa.”

RELATED: Rice Tariff: Napakong Pagbaba ng Halaga ng Bigas

Dagdag pa nya, “So for example ang gumagawa ngayon niyan, NFA (National Food Authority), bumibili direkta sa mga magsasaka. So ngayon hindi na lang NFA ang pwedeng bumili ng produktong bigas.”

Sa hearing sa Senado kung paano matutulungan ang mga magsasakang mapagtagumpayan ang epekto ng Rice Tariffication Law, sinabi ng mga magsasaka na nasa 7 piso hanggang 8 piso na lamang ang kilo ng palay. Mas mababa pa ito sa halaga ng pag-produce ng palay sa 12 piso kada kilo.

Ang nasabing batas ang syang magbibigay karapatan sa mga local government at national agencies na wag sundin ang procurement law para makabili sila nang direkta sa mga magsasaka at mangingisda para sa kanilang feeding program, rice allowance, food-for-work programs, at marami pang iba.

Ayon kay Pangilinan, may rice allowance ang ilang local governments na kadalasan ay cash ang ibinibigay. Mas mabuti kung 20% ng rice allowance ay bigas mismo ang ibigay at 80% lamang ang cash.

Ung 20% na bigas na ibibigay sa bawat kawani ng gobyerno ay malaking tulong sa mga magsasaka. Mayroong insentibo sila na magtanim muli dahil alam nilang bibilhin ang kanilang ani ng mga pamahalaang lokal at di sila babaratin o pipiliting magbenta nang palugi.

Ano ang Sagip Saka Act?

Isinabatas ang Republic Act No. 11321 at pinirmahan ni Duterte noong April 17, 2019. Inilabas ito sa publiko noong May 27.

Si Senator Francis Pangilinan ang syang principal author at principal sponsor ng batas sa Senado. Nilalayon ng batas na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda para magkaroon sila ng disenteng pamumuhay mula sa kanilang pagsasaka at pangingisda. Bibigyan sila ng iba’t ibang tulong para maging maayos ang kanilang mga ani.

Ganun din, tutulungan sila ng batas na magkaroon ng pagkakataon na makautang, magkaroon ng crop insurance, at mga bagong teknolohiya. Tutulungan din silang payabungin ang kanilang kita sa pagpapabuti ng kanilang pag-access sa mga pamilihan.

Mga nakapaloob sa programa para sa Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program

  • Produksyong pang-agrikultura at pangingisda kasama na ang mga produktong nakabase sa agrikultura at isda at mga kailangan sa pagsasaka
  • Pagkuha ng mga hayop na gagamitin sa sakahan, mga kagamitan at makinaryang gagamitin sa sakahat at pangingisda
  • Pagkuha ng mga binhi, pataba, poultry, pakain, at iba pang kahalintulad na bagay
  • Pagkuha ng mga produktong agricultural at fisheries para iimbak, ibenta, iproseso, at ipamahagi
  • Paggawa, pagkuha, at pagkukumpuni ng mga pasilidad na ginagamit sa produksyon, pagproseso, pag-imbak, pag-transport, pang-komunikasyon, pang-marketing, at iba pang pasilidad na pangsuporta sa agrikultura at pangingisda
  • Pagbibigay ng kapital sa nagtapos ng agrikultura at pangingisda para makasali na sila agad sa pagsasaka at pangingisda
  • Pagbibigay ng suporta sa agribusinesses para mapahusay ang mga aktibidad para sa ekolohiya at pag-iingat ng lupa at tubig
  • Pagbibigay ng kapital para sa mahabang proyekto hinggil sa pagsasaka at pangingisda
  • Pagbibigay ng garantiya sa pautang sa mga magsasaka at mangingisdang walang pangkolateral
  • Pagbili ng gobyerno ng mga ani direkta sa mga magsasaka at mangingisda

Inaatasan ng batas ang lahat ng sangay ng gobyerno na direktang bumili ng mga produkto mula sa mga magsasaka at mangingisda.

Mga tax incentive at exemption para tulungan ang mga magsasaka at mangingisda

  • Di pagbabayad ng donor’s tax sa mga gifts at donations ng real estate at personal properties
  • Hindi pagbabayad ng amilyar (kung ang ari-arian ay nagkakahalaga ng di hihigit sa 3M piso) para sa mga istruktura, building, at warehouse na imbakan ng mga farm input at output
  • Pagbibigay ng Land Bank of the Philippines ng preferential rates at special window para sa mga negosyo ng accredited farmers and fishermen
  • Di pagbabayad ng income tax kung ang kita ay galing sa operasyon ng isang negosyo ng mga kooperatiba ng mga mangingisda at magsasaka at mga negosyong naka-register sa ilalim ng barangay microbusiness enterprises, ayon sa Barangay Micro-Business Enterprises (BMBE) Act of 2002

RELATED: RICE TARIFF EPEKTIBO NGA BA?

Ang Department of Agriculture (DA) ang naatasang ahensya na manguna sa pagpapatupad ng nasabing batas.

DA Secretary William Dar, tapusin nyo na ung IRR ng Sagip Saka Act para matulungan na ang mga magsasaka ngayong nalalapit na anihan ng palay. Isalba ang agrikultura! Isalba ang mga magsasaka!

 

Sources:

Hallare, K. (2019, September 3). Gov’t urged to implement ‘Sagip Saka Act’ to help farmers as palay prices dip. Retrieved from Inquirer: Gov’t urged to implement ‘Sagip Saka Act’ to help farmers as palay prices dip

Ranada, P. (2019, May 27). Sagip Saka Act for farmers, fisherfolk signed into law. Retrieved from Rappler: Sagip Saka Act for farmers, fisherfolk signed into law