SA PAGBABA NG INFLATION RATE, SI DUTERTE BA ANG DAPAT BIGYAN NG KREDITO?

Dahil sa bumababa ang inflation rate, inaangkin ng rehimeng Duterte ang kredito. Sila ang magaling. Tama kaya ito? Dapat bang kay Duterte ang kredito?

Inflation rate mas inaasahang babagal sa 1.5% sa second half ng 2019

Dahil sa pagbaba ng halaga ng langis sa pandaigdigang merkado, inaasahan ng London-based Capital Economics na papalo lamang sa 1.5% ang inflation rate sa huling anim na buwan ng taon.

Ayon kay Capital Economics Asia economist Alex Holmes, ang Brent crude ay inaasahang papalo sa $60 kada bariles bago matapos ang taon. Ngunit, kahit na may kaunting pagtaas ng presyo, hindi naman ito katulad noong isang taon.

Nasa 1.6% lamang ang year-on-year inflation sa transportation mula sa 3.5% noong Mayo. Ito ang dahilan kung bakit nasa 2.7% lamang ang naitalang inflation noong Hunyo.

RELATED: JUNE INFLATION PINAKAMABABA SA LOOB NG 2 TAON

Inaasahan din ang pagbagal ng inflation sa pagkain lalo na ipinapatupad na ang liberalisasyon sa pag-angkat ng bigas na syang nagpababa sa halaga nito sa merkado.

Noong Hunyo, nasa 2.7% lamang ang inflation sa pagkain. Mas mababa ito sa 3.4% na naitala noong Mayo dahil na rin sa bumagal ang inflation sa bigas sa 1.7% year-on-year.

Kaya nga inaasahan ng Capital Economics na papalo lamang sa 1.5% ang inflation sa huling anim na buwan ng 2019. Ito ay mas mababa pa sa 2%-4% target ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa unang anim na buwan ng taon, nasa 3.4% ang naitalang inflation rate.

Dahil na rin sa pagbagal ng inflation rate, inaasahan ng Capital Economics ang pagbabago ng interest rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas ngayong Agosto.

Hindi si Duterte ang dapat purihin sa pagbagal ng inflation

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang rehimeng Duterte ang dapat papurihan sa pagbagal ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Pinatutsadahan pa nya ang mga kritiko dahil sa kanilang pananahimik. Ibig nyang bigyan nila ng papuri ang mga economic managers, mga mambabatas, at maging si Duterte mismo.

Pero, hindi naman karapatdapat silang papurihan dahil may lohikal na dahilan kung bakit bumagal ang pagtaas ng inflation sa bansa.

Unang una, di dapat silang bigyan ng papuri dahil sila rin naman ang may kasalanan kung bakit sobrang tumaas ang inflation rate noong isang taon. Partly to blame sila dun.

Ano ang base effect?

Halimbawa, kumikita ka ng 40,000 piso kada buwan. Kung nadoble ang kita mo sa susunod na buwan, magiging 80,000 piso ito. Ibig sabihin, 100% ang itinaas ng kita mo. Ngayon, kung tumaas pa ang kita mo sa ikatlong buwan at naging 120,000 piso, 50% increase ito mula sa ikalawang buwan.

30,000 piso ang nadagdag sa sahod mo kada buwan. Pero, nagbabago ang porsyento depende kung ano ang ginamit na base number. Yan ang sinasabing “base effect.”

Ganyan din ang paliwanag sa inflation. Nagbabago ang porsyento ng consumer price index o CPI o ung pangkalahatang antas ng presyo ng mga produkto at serbisyo na karaniwang ginagamit ng mga Pilipino.

Makikita natin sa graph na unti-unti ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin bago ang rehimeng Duterte. Ngunit, sobrang tumaas ang presyo ng mga bilihin nang maupo si Duterte bilang Pangulo. Noong Hunyo 2019, ang presyo ng bilihin ay tumaas na nang 10.5% kumpara noong bago pa manungkulan si Duterte.

Noong isang taon, ang mataas na inflation rate ay dulot ng mga sumusunod:

  • Mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado
  • Di magandang pamamahala ng stock ng NFA rice
  • TRAIN law

Masyadong mataas ang presyo ng mga bilihin noong isang taon. Sa ngayon, nag-stabilize na ang mga ito sa mataas na lebel. Inaasahan natin na bababa talaga ang inflation rate ngayong taon dahil sa base effect.

Kung di na tayo nababalisa dahil sa mataas na inflation, ibig sabihin natanggap na natin ang ganitong sitwasyon. Di na tayo apektado kahit mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin. Kumbaga, nasanay na tayo. Naka-adapt na tayo.

Kung pakikinggan lang natin ang mga economic managers ni Duterte, wala silang sinasabing base effect. Binibigyan nila ng kredito ang mga polisiya nila gaya ng Rice Tariffication Act.

Pero, kung susuriin natin ang graph sa itaas, makikita natin na patuloy pa rin naman ang pagtaas ng presyo kahit na ipinasa ang Rice Tariffication Act.

Ngunit, gaya ng makikita sa graph sa itaas, nagsimulang bumaba ang presyo ng commercial rice bago pa man ipasa ang Rice Tariffication Act. Ito ay dahil sa dumating ang mga rice imports at nagsimula na ang harvest season ng local rice farmers.

Di naman din dapat isawalang-bahala ang epekto ng Rice Tariffication Act sa mga susunod na panahon. Ngunit, habang tinatamasa ng mga mamimili ang mababang halaga ng bigas, kailangan din namang bigyang pansin ng gobyerno ang mga mahihirap nating magsasaka na sobrang bumagsak na ang kanilang kinikita dahil sa pagbagsak ng farm gate price ng palay.

RELATED: RICE TARIFFICATION, NAGPASOK NG 5.9B SA KABAN NG BAYAN. DAPAT KA BANG MATUWA?

Totoong may 10B piso kada taon para sa mga rice farmers na pinopondohan ng Rice Tariffication Act. Ngunit, masyado pang maaga para masabi kung ito nga ang solusyon sa mga problema ng ating mga magsasaka.

Bakit di dapat papurihan ang rehimeng Duterte sa bumubuting inflation rate?

Hindi rin naman kapuri-puri ang mga ginawa ng rehimeng Duterte sa mataas na inflation noong isang taon.

Unang una, ang rehimeng Duterte rin naman ang isa sa mga dahilan kung bakit tumaas ang inflation rate.

Maliban sa TRAIN law, hindi rin naman maayos ang pamamahala sa National Food Authority at nag-aaway away din naman ang mga myembro ng NFA Council na syang dahilan ng pagkaantala sa pag-angkat ng bigas na syang nagpataas nang sobra sa presyo nito.

Pangalawa, hindi rin naman umaksyon nang maagap ang mga economic managers.

Matatandaang wala rin namang malinaw na policy direction si Duterte kung paano aayusin ang problema. Mukhang di nya alam at wala syang pakialam sa nangyayari noon.

Matatandaang si dating House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang nagtipon ng mga economic managers para pag-usapan ang problema at para magkaroon ng konkretong aksyon para labanan ang inflation.

Pangatlo, kahit na naghihirap ang mga tao, hindi rin naman sineryoso ng mga economic managers ang sitwasyon.

Matatandaang sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na maghigpit na lamang tayo ng sinturon. Ayon kay dating DBM Secretary at ngayon ay BSP Governor Ben Diokno, sinok lamang ito at kung masipag ka lang, hindi ka magugutom sa Pilipinas.

Naging masaya pa nga si DOF Secretary Carlos Dominguez III sa mataas na inflation. Ayon sa kanya, senyales ito ng lumalago at tumatatag na ekonomiya. Isa sa kanyang mga assistant secretaries ang nagsabing isang abstract concept ang inflation at hindi ito ang paraan para maramdaman ng mga tao ang presyo ng mga bilihin.

Pang-apat, tinangkang baguhin ng Gabinete ni Duterte ang depinisyon ng inflation.

Halimbawa, sinabi ni DOF Secretary Dominguez na naisipan nilang tanggalin ang mga produktong tabako mula sa consumer price index o CPI samantalang gusto namang tanggalin ni dating Department of Agriculture Secretary Manny Piñol ang kategorya ng pagkain dahil ito ang nakakapagdikta ng inflation.

Panglima, hobby na ng mga economic managers na sisihin ang pribadong sektor gaya ng mga economic forecasters, analysts, at maging ang media.

Hindi naging maayos ang pamamahala ng mga economic managers tungkol sa mataas na inflation noong isang taon.

Gusto naman talaga ng lahat na mababa lamang ang inflation rate pero di rin naman dapat bigyan ng papuri ang rehimeng Duterte dahil dito.

Hindi ito ang unang pagkakataon na pinapurihan ng Malacañang si Duterte dahil sa kanyang economic management skills. Mga TBGs lamang ang maniniwala sa sinasabi nila lalong lalo na kung ibabandera ito ng Pangulo sa kanyang darating na SONA.

 

Sources:

De Vera, B. O. (2019, July 8). Inflation expected to slow to just 1.5% in second half. Retrieved from Inquirer: Inflation expected to slow to just 1.5% in second half

Punongbayan, J. (2019, July 8). [ANALYSIS] Praise Duterte for lowering inflation? He didn’t do it. Retrieved from Rappler: [ANALYSIS] Praise Duterte for lowering inflation? He didn’t do it