Rice Tariff Increase: Bakit Di Ipinatupad?

rice tariff increase

Bigo ang mga magsasaka sa paghiling ng rice tariff increase para matulungan sila.

DTI di sang-ayon sa rice tariff increase

Tinutulan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hiling ng mga magsasaka na itaas ang buwis sa imported rice dahil magpapabilis ito sa pagtaas ng inflation rate.

RELATED: Magtitiis na Naman ang Philippine Rice Farmers

Matatandaang hiniling ng mga grupo ng magsasaka at maging ng mga agriculture advocate ang pagpapatupad ng safeguard duties para protektahan ang mga rice farmers dahil sa pagdagsa ng murang imported rice.

Ngunit, ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, tataas ang presyo ng bigas kapag ipinatupad ang rice tariff increase at tataas rin ang inflation rate. Kailangang pag-aralan munang mabuti dahil siguradong may epekto ang hakbanging ito sa inflation at rice price.

Sa ilalim ng Safeguard Measures Act, posibleng magpatupad ng general safeguard duties sa imported rice ang gobyerno na karagdagan sa umiiral na regular tariff kung masyadong napipinsala na ang mga lokal na magsasaka.

Noong isang linggo, sinabi na ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na iisangtabi ng gobyerno ang pagsusulong ng safeguard duties. Bibigyan  na lamang ng 5,000 pisong cash gift ang mga apektadong magsasaka.

Nababahala ang mga economic manager sa epekto ng pagtataas ng buwis sa imported rice sa inflation. Nasa 2.8% lamang ang inflation rate ng bansa sa unang siyam na buwan ng 2019. Noong Setyembre ay pumalo lamang ito sa 0.9%.

Ngunit, ayon kay Alyansa Agrikultura Chairman Ernesto Ordoñez, base sa kanilang pag-aaral, posibleng magpatupad ng safeguard duties ang gobyerno sa rice imports nang di hihigit sa 86% para protektahan ang mga lokal na magsasaka nang hindi naman tumataas ang presyo ng bigas. Di naman din tataas ang inflation rate nang higit sa 1%. Hinimok nya ang gobyerno na patunayan ang sinasabi nitong tataas ang inflation rate kapag itinaas ang rice tariff.

Hindi kasi tinapos ng gobyerno ang kanilang imbestigasyon kaya hindi natin alam kung ano ang kanilang mga natuklasan. Sana man lang tinapos nila ito at isinapubliko ang resulta. Payag naman ang mga magsasaka sa 70% rice tariff. Posibleng maisalba ng rice tariff increase ang ating mga magsasaka.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 15.56 piso kada kilo ang farm gate price ng palay o ung wet unmilled rice noong unang linggo ng Oktubre. Ito ay mas mababa sa 21.86 piso kada kilo noong October 2018.

Matatandaang nagreklamo na rin ang ilang magsasaka dahil sa 7 piso kada kilo na lamang binibili ng mga rice traders ang kanilang ani samantalang nasa 12 piso kada kilo ang kanilang production cost. Sinisisi ng mga magsasaka ang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law noong February 2019 sa kanilang kinasasadlakan ngayon.

Pilipinas: Isang anomalya sa Asia

Noong 1992, nangyari ang sinasabing East Asian miracle kung saan ang mga bansang Thailand at Malaysia ay sinabing newly industrializing countries (NICs) at kabilang sa mga tinaguriang “Asian Tigers” kasama ng Taiwan, Hong Kong, South Korea, at Singapore dahil sa nakaranas ng mabilis na pag-unlad ng ekonomiya. Mabilis ang pagbaba ng bilang ng mahihirap dahil sa lumalago ang kanilang ekonomiya ng 8%-10% sa loob ng halos isang dekada.

Pero, di kabilang ang ekonomiya ng Pilipinas doon sapagkat dumadanas tayo ng double-digit inflation at mataas na unemployment rate noon. Halos di nga umuusad ang ating ekonomiya at higit sa 1/3 ng populasyon noon ay mahihirap. Hindi naging mabilis ang pagbabago sa bansa, di gaya ng ating mga karatig-bansa.

Kamakailan, sa mga dokumento ng Asian Development Bank (ADB) sa loob ng higit sa 50 taon ay makikita na hindi sumusunod ang Pilipinas sa karanasan ng rehiyon.  Naging matatag ang ekonomiya ng mga ekonomiya ng Asya dahil sa matatag ang paglago ng agrikultura sa kanilang mga bansa. Sumobra ang produksyon ng pagkain kaya hindi rin naman tumaas ang inflation. Mababa ang presyo ng mga pagkain kaya napagtuunan ng mga urban households ang edukasyon at kalusugan na syang kalaunan ay nagkaroon ng malaking ambag sa pagkakaroon ng productive labor.

Dahil sa naging malago ang agrikultura, tumaas din naman ang pangangailangan sa ilang agricultural outputs gaya ng pataba, pesticide, at mga traktora at tumaas din ang supply ng mga agricultural raw materials na ginagamit sa paggawa ng tela at instant noodles. Nagkaroon ng magandang pagbabago sa pamumuhay ng mga nasa kanayunan dahil sa tumaas din ang demand para sa mga produkto at serbisyo na walang kinalaman sa agrikultura.

Tipikal na istorya ng pag-unlad na sumusunod sa textbook economic development o ung sinasabi ng mga economic textbooks. Sumunod ang mga bansa sa Asia sa development process stages. Naging dynamic ang sektor ng agrikultura at ang ekonomiya sa mga probinsya. Hindi ito nangyari sa Pilipinas dahil hindi binigyan ng pansin ang ating agrikultura. Nakakalungkot lamang na respetado ang College of Agriculture ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1960s at 1970s bilang sentro ng kaalaman at edukasyon pagdating sa agrikultura.

Maraming mga kadahilanan kung bakit ganito ang kinasadlakan ng sektor ng agrikultura ng Pilipinas at hindi lamang dahil sa politika at pamamahala ang dahilan. Ayon sa ADB,  nagbago ang dietary demands sa Asia dahil sa tumaas ang mga kita ng tao at naging bukas ito sa pagkakaroon ng foreign trade na syang nagtulak para sa paglilinang ng mga high-value crops at livestock na syang nagkaroon ng ambag sa land at labor productivity.

Huli na nang naging polisiya ng gobyerno ang trade openness na nagtulak sa ating mga karatig-bansa na palakasin ang kanilang sektor ng agrikultura. Ilang dekada rin ang sinayang ng Pilipinas para mapalakas ang sektor na ito sa bansa.

Posible ang Rice Price Manipulation

Ayon sa Philippine Competition Commission (PCC), magbubuo ito ng technical working group (TWG) kasama ang ilang ahensya ng pamahalaan para alamin ang dahilan kung bakit hindi pa rin bumababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan kahit na marami na ang naangkat ng mga negosyante at bumabagsak din ang presyo ng farm gate ng palay na syang ani ng ating mga magsasaka.

Hindi pa alam ang komposisyon ng nasabing TWG ngunit siguradong kasama dito ang DA. Inaalam ng gobyerno kung bakit hindi pa rin gaanong bumababa ang presyo ng bigas kahit na ipinatupad na ang liberalisasyon sa pag-angkat ng bigas.

Ayon kay PCC Chairman Arsenio Balisacan, marami na ang nakakapansin ng pagbaba ng halaga ng palay sa mga sakahan ngunit di naman bumababa masyado ang presyo ng bigas sa mga pamilihan. Aalamin ng TWG kung ano talaga ang dahilan ng mabagal na pagbaba ng halaga ng bigas. Ibig nitong maintindihan ang sitwasyon para magkaroon ng mas maayos na imbestigasyon.

Ngunit, hindi naman tahasang masabi ni PCC Commissioner Johannes Benjamin Bernabe ang mga grupong dapat sisihin sa sitwasyon dahil malawak ang sektor ng agrikultura mula sa mga sakahan hanggang sa mga pamilihan.

RELATED: Intercropping at Di Drop Rice Farming

Hindi naman maaabuso ng mga magsasaka ang kanilang posisyon dahil di naman sila organisado. Wala silang kakayahang makapagdikta ng presyo kaya posibleng nasa retailers ang dahilan kung bakit di pa rin bumababa ang halaga ng bigas. May middlemen sa value chain na posibleng ginagamit ang posisyon  para kontrolin ang presyo. Ngunit, hindi pa matukoy ng PCC kung sino ba talaga ang mga salarin.

Masalimuot ang isyu ng rice tariff increase. Kailangang balansehin para mabiyayaan ang mga magsasaka at di naman maapektuhan ang mga mamimili. Un nga lang, lubhang napakabagal yata ng pagkilos para makahanap ng tamang solusyon na katanggap-tanggap sa lahat ng sektor.

Sources:

Canivel, R. C. (2019, October 24). PCC looking into possible rice price manipulation. Retrieved from Inquirer: PCC looking into possible rice price manipulation

Habito, C. F. (2019, October 22). An Asian anomaly. Retrieved from Inquirer: An Asian anomaly

Rodriguez, B. (2019, October 23). DTI rejects safeguard tariffs on imported rice, warns of faster inflation. Retrieved from ABS-CBN News: DTI rejects safeguard tariffs on imported rice, warns of faster inflation