Rice Import Suspension Di Naman Totoo

rice import suspension

Pinaasa na naman ni Duterte ang mga magsasaka sa rice import suspension. Nilinlang na naman sila.

Duterte: Rice import suspension habang panahon ng tag-ani

Inutusan ni Duterte si Deparment of Agriculture (DA) Secretary William Dar na suspindihin ang pag-angkat ng bigas hanggang matapos ang pag-aani ng mga Pilipinong magsasaka. Ganun din, inutusan din nyang sa kanila bumili ng palay. Ngunit, di naman maliwanag kung kailan epektibo ang kanyang utos at hanggang kailan ito ipapatupad.

RELATED: Rice Imports Pwedeng Suspindihin ng DA

Inilabas ni Duterte ang direktiba dahil sa nagrereklamo na ang mga Pilipinong magsasaka sa masyadong pagbaba ng halaga ng palay na syang isinisisi sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law. Matagal na rin naman silang nagrereklamo dahil sa pagdami ng mga murang imported rice sa bansa.

Nagpatawag pa nga ng press conference si Duterte noong Martes nang gabi para sabihing uutusan nya si Dar na suspindihin ang pag-angkat ng bigas dahil sa tag-ani naman ngayon.

Pondo para sa palay

Sinabi rin ni Duterte na hihilingin nya sa Kongreso na magkaroon ng pondo para pambili ng palay sa mga magsasaka kahit na malugi pa ng bilyong piso ang gobyerno.

Ayon naman sa Kilusan Para sa Tunay na Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan (Katarungan), hindi naman mababawi ng mga magsasaka ang kanilang lugi kahit na suspindihin pa ang pag-angkat ng bigas. Ayon din sa kanila, nasa 140B piso na ang kabuuang lugi nila o 30,000 piso kada ektarya. Masyadong pinahirapan ng Rice Tariffication Law o RA 11203 ang mga mahihirap na magsasakang Pilipino.

May mga magsasakang pinatigil na sa pag-aaral ang kanilang mga anak dahil sa kokonti lamang ang kanilang kita. Ung iba naman ay nangutang sa mga mataas magpatubo para lamang may gastusin sa araw araw.

Sabi ni Duterte, 3B piso ang malulugi sa gobyerno kung sila ang bibili ng palay ng mga magsasaka. Ngunit, kailangang magpatuloy ang pag-angkat ng bigas matapos ang anihan dahil hindi sapat ang produksyon ng sektor ng agrikultura para matustusan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa bigas.

Proteksyon laban sa korapsyon

Ayon pa rin kay Duterte, di nya pwedeng pigilan ang implementasyon ng Rice Tariffication law na sinasabi nyang panlaban sa korapsyon. Posibleng tinutukoy nya ang nangyari sa pagpabor ng National Food Authority (NFA) sa ilang grupo sa pagbibigay ng import permits.

Noong Pebrero, pinirmahan ng Pangulo ang batas na pumapayag na mag-angkat ng bigas ang kahit sinong tao o kumpanya basta magbabayad lamang ng buwis na syang magiging pondo sa irigasyon, warehouse, at rice research na makakatulong sa mga magsasaka.

Ang batas ang syang nagparami ng supply ng bigas sa bansa na syang pumigil sa masyadong pagtaas ng presyo nito noong 2018. Ngunit, sobrang naapektuhan naman ang mga magsasaka dahil sa bumagsak masyado ang halaga ng palay.

Pumili ka: Gutom o Galit?

Inulit muli ni Duterte ang kanyang babala na magugutom ang mga Pilipino at magkakaroon ng kaguluhan kapag hindi sapat ang bigas sa bansa. Kaya nga, kung nasa posisyon ka raw nya, ano ang pipiliin: ang magutom ang lahat ng Pilipino o magalit ang mga magsasaka?

Optimistiko naman si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na kokonsultahin muna ni Duterte ang kanyang economic team sa planong pagsuspinde ng rice imports. Ayon sa kanya, nabenepisyuhan din naman ang mga mahihirap sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law dahil sa pagbaba ng presyo ng bigas.

May kumpyansa rin naman si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Ben Diokno na hindi tataas ang inflation kapag sinuspinde ang rice imports.

Limitahan ang pag-angkat ng bigas

Humihiling ang ibang grupo na ipatupad ang special safeguard (SSG) para malimitahan ang pag-angkat ng bigas. Ayon sa Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), Alyansa Agrikultura, at Federation of Free Farmers, mapipigilan ang pagdami ng imported rice kung taasan ang buwis at ito ang legal na paraan para masolusyunan ang problema ng mga magsasaka.

Ayon kay Senator Cynthia Villar, higit na sa 2.9M metric tons ang naangkat ng mga negosyante at ito ay mas marami pa kesa sa kailangan ng mga Pilipino. Inirekomenda ng mga grupo na ipatupad ang karagdagang 70% na buwis, bukod pa sa umiiral na 35% rice tariff para mas mahal ang imported rice.

Ayon sa mga mambabatas ng Bayan Muna, hihilingin nila na magkaroon ng inquiry sa pagbili at distribusyon ng DA ng 88M pisong depektibo at di naaangkop na farm equipment. Binili ito ng gobyerno para tulungan ang mga PIlipinong magsasaka na syang naapektuhan nang todo sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law.

Villar: Mabuti ang rice import suspension sa mga magsasaka

Sa isang panayam kay Senator Cynthia Villar noong Miyerkules, sinabi nitong mabuti sa mga magsasaka kung sususpindihin ng gobyerno ang pag-angkat ng bigas. Malilimitahan ang rice imports dahil di na magbibigay ng sanitary permit. Posibleng maantala ang pag-import hanggang matapos ang panahon ng tag-ani.

Nilinaw din ng senador na ang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law ay naaayon sa kasunduan sa General Agreements on Tariffs and Trade-World Trade Organization (GATT-WTO) na nilagdaan noong 1995 at nawalan ng bisa noong 2017.

Sa speech ni Villar sa Negros, sinabi nitong makakatanggap ng 5M pisong halaga ng equipment ang 947 bayan na bigas ang produkto sa susunod na anim na taon. Kung walang natanggap ang lokal na pamahalaan, kelangan nila itong ireport sa Senado dahil may oversight powers ito.

Tatanggap din ang mga bayang ito ng 20 kilo ng in-bred seeds kada ektarya na syang magpapataas ng produksyon ng bigas ng 50%. Mula 4 metric tons kada ektarya, magiging 6 MT na ito. Ganun din, tatanggap din ng isang bag ng pataba kada ektarya ang mga bayan.

Dar: Walang rice import suspension na magaganap

Sinabi ni DA Secetary William Dar na walang rice import suspension na magaganap bagkus ay hihigpitan na lamang ang pagpasok ng murang bigas sa bansa. Ito ang inanunsyo ng kalihim matapos makipagpulong kay Duterte na syang nag-utos na suspindihin ang rice imports.

Hindi rin naman kasi malinaw ang legalidad ng utos ng Pangulo. Hindi rin payag ang economic team nya na ibalik ang restrictions sa rice imports. Sa halip, nagpalabas ng direktiba si Duterte na nag-uutos sa Bureau of Plant Industry na mahigpit na ipatupad ang pag-issue ng import clearance.

Kailangang inspeksyunin ng ahensya ang imported rice sa port of origin pa lamang para siguraduhin ang kalidad at kaligtasan ng bigas para sa mga mamimiling Pilipino. Ganun din, kailangang matiyak na walang peste o sakit na dulot ang mga inangkat na bigas.

RELATED: Totoo Bang Mababawasan ang Kahirapan Kapag Naipatupad na ang Tax sa Rice Imports?

Nasa 2.9M metric tons na ang naangkat ng Pilipinas at ito ay higit pa sa doble ng annual average na inaangkat sa mga nakaraang taon. Tayo na nga ang number importer ng bigas at hindi na ang China.

Urong sulong ang rehimeng Duterte sa isyu ng bigas. Kung sino ang kaharap ang Pangulo, dun sya kampi. Sabi nya sa mga magsasaka, tuloy ang rice import suspension. Matapos ang ilang araw, hindi naman pala. Nganga na naman ang mga magsasaka.

Sources:

De Vera, B. O., Mallari Jr., D. T., & Aurelio, J. M. (2019, November 21). Duterte: No rice imports during harvest time. Retrieved from Philippine Daily Inquirer: Duterte: No rice imports during harvest time

Ellera, T. D. (2019, November 20). Villar: Suspension of rice importation good for local farmers. Retrieved from Sunstar Bacolod: Villar: Suspension of rice importation good for local farmers

Reuters. (2019, November 21). Philippines to continue rice imports with tighter rules. Retrieved from ABS-CBN News: Philippines to continue rice imports with tighter rules