Rice Cartel Kaya Bang Buwagin ni Duterte?

rice cartel

Matagal nang namamayagpag ang rice cartel sa Pilipinas. Totoo naman yan.

Presyo ng bigas nananatiling mataas pa rin

Sa isang interbyu ng ABS-CBN sa isang rice retailer, sinabi nitong mataas pa ang halaga ng bigas sa mga pamilihan dahil mga lumang stock pa ito. May abiso na raw ang mga rice traders o wholesalers na magbababa na ng presyo sa lalong madaling panahon. Posible raw bumaba ang bentahan ng commercial rice sa 32 pesos kada kilo.

RELATED: NFA Rice Mas Makakasama sa Magsasaka

Buwagin ang rice cartel

Marami ang sumisisi sa Rice Tariffication Law bilang ugat ng problemang dinaranas ng mga magsasaka ng bigas, ngunit nakakaligtaang may kartel na nagtatago ng imported rice para magkaroon ng kakaunting supply sa mga pamilihan para mapigilan ang masyadong pagbaba ng presyo.

Ang liberalisasyon ng pag-angkat ng bigas ay solusyon ng gobyerno para mapanatiling sapat ang supply ng bigas dahil sa kulang naman talaga ang ani ng ating mga magsasaka. Noong isang taon, masyadong tumaas ang inflation at mas higit pa ito sa target ng gobyerno. Ayon sa mga economic managers, bababa ng pitong piso kada kilo ang bigas kapag ipinatupad na ang 35% tariff sa imported rice.

Pero, alam na natin ang nangyari. Nasa piso hanggang dalawang piso lamang ang ibinaba ng presyo ng bigas dahil may kartel na nagkokontrol ng supply. Pinipigilan nito ang pagbaha ng bigas sa merkado para pababain pa ang halaga.

Maliban sa pagbibigay pansin sa mga magsasaka, kailangang pagtuunan din ang mga kumokontrol sa rice supply sa mga pamilihan. Gamitin ng gobyerno ang buo nitong kapangyarihan para mabuwag ang kartel. Kailangang bumaba ang presyo ng bigas para mabenepisyuhan ang mga mahihirap.

Hiniling na rin ni Albay Representative Joey Salceda sa rehimeng Duterte na solusyunan ang problema sa kartel. Suyurin ang mga imbakan ng bigas ng mga naglalakihang rice traders. Suriin ang mga record ng delivery at importation. Imbestigahan ng Philippine Competition Commission at Department of Justice ang posibleng pagsabotahe sa ekonomiya. Paigtingin ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry ang pagbabantay sa posibleng pagmamanipula ng presyo.

Nagbanta na si Duterte sa kanyang pangatlong State of the Nation Address  (SONA) sa mga rice cartel. Sabi nya, di nya papayagang sabotahihin nila ang ekonomiya ng Pilipinas. Inutusan na nya ang mga ahensya ng pamahalaan para hanapin ang mga sindikato at papanagutin sila sa batas. Panahon na para magsanib pwersa ang Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, Bureau of Customs, at ang Philippine National Police.

Kailangan ng tulong ng mga magsasaka. Karapatan ng mga ordinaryong mamimili ang magkaroon ng mas mababang halaga ng bigas dahil ito ang ipinangako ng Rice Tariffication Law. Kailangang buwagin na ang rice cartel. Hindi naman mahirap hanapin ang mga sindikato kung talagang hahanapin sila ng awtoridad.

Kamara iimbestigahan ang rice smugglers at rice cartel

Nagsumite ng House Resolution No. 332 ang party-list group na Magsasaka para imbestigahan ang malawakang rice smuggling at ang pagkakaroon ng rice cartel sa bansa na syang kumokontrol sa transaksyon sa bigas.

Ayon kay Associate Minority Leader Magsasaka Representative Argel Joseph Cabatbat, kahit na may deregulasyon sa pag-angkat ng bigas dahil sa Rice Tariffication Law, nagpapatuloy pa rin ang mga rice cartel sa pag-smuggle ng bigas. Sa smuggling, walang kita ang gobyerno at di nakakatulong ito sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

Wala namang benepisyong natanggap ang mga mamimili at magsasaka sa 35% rice tariff na ipinapataw ng gobyerno sa mga inangkat na bigas. Mataas pa rin naman ang presyo nito sa mga pamilihan at patuloy din ang pagdausdos pababa ng halaga ng palay.

RELATED: Rice Tariff: Ginawang Katawa-Tawa ang Kongreso

Pasisimulan ng House of Representatives ang imbestigasyon matapos nilang maipasa ang 4.1T pisong 2020 national budget. Sa pagbaha ng imported rice sa mga pamilihan, pinapatay nito ang ating mga magsasaka. Kinokontrol ng kartel ang pagbebenta ng imported rice para panatiling mataas ang presyo nito samantalang mababa lang nila binibili ang mga aning palay ng mga magsasaka.

Nagbanta na si Duterte sa mga rice cartel noong ikatlong SONA nya. Tapos na ang ikaapat na SONA, anyare sa pagbabanta? Sagana sa ngawa, kulang sa gawa.

 

Sources:

Diaz, J. (2019, September 20). House probes rice cartels, smuggling. Retrieved from Philippine Star: House probes rice cartels, smuggling

Inquirer Editorial. (2019, September 16). Break the rice cartel. Retrieved from Inquirer: Break the rice cartel