POGO Operations: Tuloy-Tuloy Lang ang Ligaya

pogo operations

May takot ang rehimeng Duterte na ipatigil ang POGO operations kaya tuloy tuloy lang ang ligaya.

Salceda: Hinay hinay lang sa pag-iimbestiga sa POGO operations

Ayon sa Chairperson ng House Committee on Ways and Means na si Albay Representative Joey Salceda, ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang “goose that lays golden eggs” para sa ekonomiya ng Pilipinas kaya pinaalalahanan nya ang mga kasama nya sa House of Representatives na maghinay-hinay sa plano nilang magkaroon ng congressional inquiry sa industriya ng POGO.

RELATED: POGO Ban: Ano ang Mangyayari sa Pilipinas?

Nasa 1% ng gross domestic product (GDP) ang ambag ng POGOs sa ekonomiya. Nakakapagbigay din ito ng trabaho sa maraming Pilipino kumpara sa ilang kumpanya sa business process outsourcing (BPO).

Malaki ang naiiaambag ng POGOs sa ekonomiya kaya mas papaboran ito ng gobyerno kesa sa banta ng China na ipatigil na ni Duterte ang operasyon nito.

Ayon kay Salceda, legal ang POGO sa Pilipinas at di pwedeng magdikta ang China. Ibig ni Minority Leader at Manila Representative Bienvenido Abante Jr. na magkaroon ng congressional inquiry hinggil sa POGO operations partikular na ang pagpapasok ng maraming banyagang empleyado.

Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), inaasahan nila ang 75.1B pisong kita sa isang taon, kasama na ang kikitain ng ahensya mula sa industriya ng POGO.

Sa budget hearing kamakailan, sinabi ng mga opisyal ng PAGCOR sa mga myembro ng Kamara na malaki ang kontribusyon ng POGOs na syang ginagamit na pantustos sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno. Kasama na rito ang pagtatayo ng mga evacuation center bilang pansamantalang tirahan ng mga biktima ng kalamidad.

DOLE: Higit 8,000 banyagang empleyado sa mga POGO ay walang permit

Ayon kay Bureau of Local Employment Director Dominique Tutay, 1,693 banyaga ang nag-apply ng alien employment permit samantalang ibinigay naman ng ahensya ang listahan ng 6,678 banyaga na di nag-apply sa Bureau of Immigration (BI).

Nadiskubre ng Department of Labor and Employment (DOLE) na higit sa 8,000 banyaga ang nagtatrabaho sa POGO nang walang kaukulang permit. Ibinunyag ni Tutay ang bilang sa budget hearing ng ahensya sa Senado. Ayon sa kanya, 177 sa 218 kumpaya ng POGO na ang kanilang nabisita.

Ang nasabing bilang na walang work permit ay 20% ng kabuuang 41,742 banyagang nagtatrabaho sa 177 POGOs. 88% o 61,878 katao ay mga galing sa China at ang iba ay galing sa Indonesia, Thailand, Taiwan, at Malaysia.

Sa ilalim ng batas, mabibigyan lamang ng work permit ang mga banyaga kung walang Pilipino ang pwede at handang gumawa ng mga trabahong ina-apply-an ng isang banyaga.

Ipinatawag ng DOLE ang 120 POGO companies para magpaliwanag kung bakit walang permit ang ilan nilang empleyado. 1,693 banyaga mula sa higit 8,000 ang nabigyan na ng alien employment permit.

Samantala, ang listahan ng mga di nag-apply ng permit ay ibinigay na sa BI para hanapin sila para ipa-deport. Nahihirapan naman ang ahensya sa pagtugis sa mga ito pero dapat nasa database naman nila ang mga overstaying aliens.

Walang shutdown ng POGO operations na magaganap

Aligagang-aligaga ang ilang negosyante sa hiling ng China sa gobyerno ng Pilipinas na ipatigil ang online gaming operations sa bansa na nagsisilbi sa mga Chinese citizens. Salamat sa PAGCOR, umunlad ang POGO industry sa loob lamang ng dalawang taon.

Maliban sa 111.9B pisong license fees na kinokolekta ng PAGCOR, maraming may-ari ng commercial buildings kung saan may POGO ang kumikita nang malaki sa upa. Ganito rin ang karanasan na mga nagpapaupa ng mga bahay at condo units sa mga Chinese employees. Maganda rin ang takbo ng pagnenegosyo ng ilang establishments na malapit sa mga opisina ng POGOs.

Nagpaplano ang ilang real estate developers na magtayo ng mga komunidad na para lamang sa mga POGO at empleyado nito. Sa ganitong paraan, makakapagtrabaho, makakapamuhay, at makakapaglibang ang mga Chinese employees kasama ang kapwa nila.

Kung susunod ang rehimeng Duterte sa hiling ng China, maglalaho lang ang lahat nang ito. Apektado rin dito ang mga bangko na nagpautang sa POGO operations. Nagpakitang gilas si Philippine Ambassador to China Jose Santiago Sta. Romana nang sinabi nyang hindi pwedeng utusan ng China ang Pilipinas na isarado ang mga POGO companies dahil may soberanya ang ating bansa.

Kabalintunaan ito dahil mahal na mahal ni Duterte ang China. Posibleng maisipan ng Pangulo na sundin ang China kapag lumamig na ang isyu. Siguro, mas magandang pagtuunan ng pansin kung seryoso nga ang China na ipatigil kay Duterte ang operasyon ng mga POGO dahil mahilig naman sa double-talk ito. Ibig sabihin, iba ang sinasabi, iba rin ang ginagawa.

Kaduda-duda na seryoso ang China para ipatigil ang online gaming dahil may benepisyo rin naman itong natatanggap. Favorite pastime na ng mga Intsik ang pagsusugal. Ilang daang taon na rin naman silang ganyan at di yan kayang pigilan ng gobyerno nila.

Unang una, pinapayagan nila ang pagtatayo ng POGOs sa ibang bansa at pinapatakbo ito ng kanilang mga citizen. Nasusunod ng Chinese government ang pagbabawal ng Communist Party sa sugal samantalang pinapabayaan nilang magsugal pa rin ang kanilang mga mamamayan.

Pangalawa, nakakapagbigay ang POGO ng mga trabaho sa mga Chinese citizen na kulang ang pinag-aralan at di mabigyan ng magandang hanapbuhay sa China. Sa pagdami ng walang trabaho sa mga batang Chinese, mabubuo ang di pagkasiya nila sa kanilang gobyerno. Posibleng maitaboy sa pwesto ang diktadurya ng partido ni Xi Jinping.

Kaya nga, mas makakabuting libo-libong mga batang Chinese ang nagtatrabaho sa Pilipinas. Mas mabuti ang lagay nila dito. Posibleng hindi naman seryoso ang China dahil nga sa kailangang protektahan din naman ng People’s Liberation Army (PLA) ang kanilang posisyon.

Matinong pagkontrol imbes na reklamong kontra Chinese

Maraming bentahe sa Pilipinas ang pagpapatuloy ng POGO operations, ngunit marami rin naman ang nag-aalinlangan dahil sa pagdami ng mga banyagang nagtatrabaho sa online gaming. Hindi rin naman dapat ipagsawalang bahala ng gobyerno ang mga ito.

Kaya nga kailangang magkaroon ng matinong kotrol para masiguradong hindi lumala ang mga problema. Halimbawa, nagpasimula na ang gobyerno na suspindehin ang pagbibigay ng mga POGO licenses samantalang  nag-iimbestiga na rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang Anti-Money Laundering Council (AMLC). Nagkasundo na ang POGO industry at ang Department of Finance (DOF) na pagbayarin ng income tax ang mga empleyado. Ganun din, sinusuportahan ng PAGCOR ang pagkakaroon ng POGO hubs o self-contained communities sa Kawit, Cavite at sa Clark Freeport.

RELATED: MAY KABUTIHANG DULOT BA ANG POGO SA PILIPINAS?

Kailangang magkaroon ng self-control ang real estate industry para hindi sila matuksong magtayo ng mas maraming high-rise condominium buildings dahil sa inaasahan nilang lalago ang POGO operations at mangangailangan ng mas maraming espasyo. Magdesisyon lamang ang China na pigilan ang kanilang Chinese nationals na makilahok sa POGO industry ay posibleng makaapekto nang malaki sa real estate industry. Real estate bubble ang tawag dito, gaya ng nangyari sa Thailand na syang ugat ng pagkakaroon ng Asian financial crisis.

The goose that lays the golden eggs ang POGO operations kaya lip service ang sinasabing pagpapatigil nito. Di na tayo nasanay sa larong Duterte at Xi. Press release lamang lahat yan.

 

Sources:

De Ocampo, R. F. (2019, September 14). Pogo or no go. Retrieved from Inquirer: Pogo or no go

Palabrica, R. J. (2019, September 3). What Pogo shutdown? Retrieved from Inquirer: What Pogo shutdown?

Rosario, B. (2019, September 19). POGO is goose that lays golden eggs for PH, says Salceda. Retrieved from Inquirer: POGO is goose that lays golden eggs for PH, says Salceda

Tomacruz, S. (2019, September 17). Over 8,000 foreign POGO workers lack permits – DOLE. Retrieved from Rappler: Over 8,000 foreign POGO workers lack permits – DOLE