PH Economic Recovery: Mabagal ang Pagbangon

ph economic recovery

Nakaasa sa Department of DOH (DOH) performance ang PH economic recovery.

Mabagal na paggapi sa COVID-19 dahilan ng pagong na pag-usad ng PH economic recovery

Inaasahan ng Oxford Economics, isang think-tank sa United Kiingdom, na mahuhuli ang Pilipinas at Malaysia sa ibang mga bansa sa Asia-Pacific sa panunumbalik ng kanilang ekonomiya matapos ang pandemya ng COVID-19 dahil sa mabagal ang kanilang paglaban dito.

RELATED: COVID19 Impact: Kayang Malampasan ng Pilipinas

Maraming mga bansa sa Asia-Pacific ang nakarekober na at malapit nang bumalik sa normal pero may ilang bansa pa rin ang di pa nagiging matagumpay sa kanilang laban sa virus. Ang Pilipinas at Malaysia, bagama’t may mga pagbabago na ay hindi pa rin ganap na nakakabangon. Inaasahan ng Oxford Economics na mahuhuli ang mga ito kumpara sa iba.

Ayon sa obserbasyon ng UK think tank, halos sabay sabay ang Pilipinas, Malaysia, Vietnam, Australia, at Thailand na tinamaan ng pandemya. Mas huli silang nagkaroon ng outbreak kumpara sa China, Taiwan, Hong Kong, at South Korea. Sa kalahatian ng Marso pa sila nagkaroon ng mga restrictions sa pagkilos at pagsasama-sama ng mga tao ngunit naalis na ng Vietnam, Thailand, at Australia ang ilan sa mga restrictions dahil sa naging maganda ang paglaban nila sa virus.

Nahuhuli ang Malaysia at Pilipinas. Bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 sa Malasia pero mabagal ang kanilang progreso. Patuloy naman ang pagdami ng kaso sa Pilipinas pero hindi na ganun karami ang nagkakaroon ng COVID-19 sa araw araw. Simula pa sa pagtatapos ng Abril ay naging malaki ang epekto ng restrictions at outbreak sa ekonomiya ng dalawang bansang ito.

Hindi man garantisado, inaasahan ng Oxford Economics ang pagkakaroon ng pagbabago sa dalawang bansa sa lalong madaling panahon. Sa mga bansang naging matagumpay ang paglaban sa coronavirus, napansin nito na unti-unti na rin ang pagbabalik ng mga tao sa kanilang mga trabaho. Kapag hindi nagkaroon ng matibay na pagpapasiya ang isang gobyerno, hindi mapapanumbalik ang sigla ng ekonomiya dito.

Pilipinas: pinakamaliit ang fiscal package para sa COVID-19 sa rehiyon

Ayon naman sa Nomura Global Research, isa ang Pilipinas sa may pinakamaliit na fiscal package sa Asia para tugunan ang epekto ng pandemya sa ekonomiya.  Ang Singapore, Australia, Malaysia, at Korea ang may pinakamalaking inilaang pondo samantalang ang Pilipinas, China, at Indonesia naman ang may pinakamaliit.

Nasa 5% lamang ng gross domestic product (GDP) ang inilaang pondo ng Pilipinas para sa paglaban sa pandemya samantalang 19.2% naman ang sa Singapore at 17.7% naman ang sa Malaysia. Ang Indonesia naman ay 4.2% at ang China ay 4.9%.

Ayon sa database ng Asian Development Bank (ADB), nasa $19.823B lamang ang fiscal response ng Pilipinas noong May 18 o 4.53% ng ekonomiya nito. So far, 200B piso ang inilaan ng gobyerno para sa social amelioration program (SAP) para sa 18M pamilyang Pilipino, 51B piso para sa mga empleyado ng mga maliliit na negosyo, at 130B hanggang 160B piso para sa recovery program na susuporta sa mga negosyo.

Ayon sa Nomura, inaasahan nito na magtatala ng fiscal deficit ang bansa na katumbas ng 8% ng GDP. Matatandaang 3.55% lamang ang naitalang fiscal deficit noong 2019. Dagdag pa nito, ang anumang paglobo ng fiscal deficit at pagiging malamya ng recovery ay nangangahulugan ng mas mahabang panahon ang kailangang gugulin para mapanumbalik ang dating posisyon nito.

Hindi rin naman inaasahan ng Nomura Global na makakatulong ang fiscal measures para sa paglago dahil sa hindi pa rin naman naibabalik sa normal ang economic activity ngunit kailangan ang mga ito para hindi magkaroon ng permanenteng pagkasira ang ekonomiya dahil sa pandemya.

Inasaahan din nito na magiging mas proactive ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagkilos sa pamamagitan ng relief measures, aggressive secondary-market bond purchases, at liquidity support ngunit kailangan pa rin ang fiscal action. Kailangan ang monetary policy, ngunit hindi ito sapat kung ito lang ang aasahan.

Salceda: Nakasalalay sa DOH ang pagbawi ng epekto ng COVID-19 sa ekonomiya

Maganda ang pag-asa ng Pilipinas na magtala ng positibong paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng 2020 kung makikipagtulungan ang Department of Health (DOH) sa paglaban sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Ayon kay Albay Representative Joey salceda, posible ang mabilis na pagrekober ng Pilipinas kung gagawin ng gobyerno ang pinakamabuti para mapanumbalik ang business at consumer confidence sa pamamagitan ng pagkumbinse sa mga Pilipino na ligtas nang makipagkalakalan.

Ang pagpapabuti ng DOH performance ang susi para magamit nang husto ang 1.31T pisong economic stimulus. Masasayang lamang ang pera kung patuloy ang pagpapatupad ng lockdown. Ang pagbangon ng bansa ay nakadepende sa kumpyansa sa kalusugan, pangkakakitaan, pagtatatrabaho, at paglago ng ekonomiya.

Ang pagkakaroon ng negatibong paglago ng ekonomiya sa huling anim na buwan ng taon ay makakapagpabagal sa kakayahan ng bansa na matupad ang anumang development goals nito sa pagbabawas ng kahirapan at pagpapaunlad ng mga kanayunan.

Habang kaya pa, kailangang palakasin ang ekonomiya sa pagkakaroon ng mga tamang senyales:

  • May kakayahan ang bansa na lampasan ang problema sa COVID-19
  • May sapat na spending plan ang bansa para suportahan ang ekonomiya
  • May CREATE Act na susuporta sa paglago ng mga negosyo

RELATED: CREATE Bill: Hindi Napapanahong Isulong sa Pandemya

Ang unang pakay dapat ay mass testing at contract tracing. Kailangang magkaroon ng testing capacity ang bansa. Ito naman ang palaging binibigyang diin ni Salceda noong isinulong nya ang pagpapatupad ng lockdown.

Hinimok naman ni Quezon City Representative Precious Hipolito Castelo ang DOH na mag-hire ng higit sa 13,000 na karagadagang healthcare personnel na pinayagan naman na sa 2020 budget. Ayon sa kanya, 72,479 ang permanenteng posisyon sa DOH ngunit 59,427 lamang ang napunuan kaya may balanse pang 13,058.

Na-release naman nang buo ang pondo para sa government salaries, maging para sa mga bakanteng posisyon, kaya may pondo ang DOH para sa hiring ng mga doktor, nars, at komadrona.  Kailangan ang karagdagang healthcare workers sa paglaban sa pandemya ng COVID-19.

Ang anumang plano para sa PH economic recovery ay magiging matagumpay lamang kung gagawin ng DOH ang mandato nito. Kung incompetent ang ahensya, matatagalan pa ang panunumbalik ng sigla ng ekonomiya.

Sources:

De Vera, B. O. (2020, May 12). UK think tank: PH economic recovery to lag behind due to slow COVID-19 containment. Retrieved from Inquirer: UK think tank: PH economic recovery to lag behind due to slow COVID-19 containment

Noble, L. T. (2020, May 31). PHL’s COVID-19 fiscal package among region’s smallest — Nomura. Retrieved from Business World: PHL’s COVID-19 fiscal package among region’s smallest — Nomura

Rosario, B. (2020, May 30). Chance of overturning COVID-19 economic impact depends on DOH — Salceda. Retrieved from Manila Bulletin: Chance of overturning COVID-19 economic impact depends on DOH — Salceda