Patuloy na Bumabagsak Ang OPEC Crude Oil Supply

opec crude oil supply

Di lang naman ang bumabagsak na OPEC crude oil supply ang problema. Meron pang mas mabigat dito.

OPEC crude oil supply bumagsak na sa pinakamabang lebel

Simula nang pinasimulan ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang pagbabawas ng produksyon ng crude oil, naabot na nito ang pinakamababang lebel matapos ang pag-atake sa dalawang oil processing facilities sa Saudi Arabia kamakailan.

RELATED: Ano ang Epekto ng Saudia Arabia Attack sa Bansa?

Three-fourths ng kabuuang produksyon ng OPEC ay galing sa Saudi Arabia, Kuwait, Iran, Iraq, at United Arab Emirates (UAE) at nasa 14.81M bariles ang kanilang naipadala sa iba’t ibang bansa kada araw noong Setyembre. Ngunit, mas mababa ito ng 736,000 bariles kada araw kumpara noong Agosto.

Kahit na sinabi ng Saudi ARAMCO na hindi sila nagkulang sa shipments sa kanilang mga customers dahil sa pag-atake, naobserbahang bumagsak nang 394,000 bariles kada araw ang crude oil na galing sa kanilang mga terminal. Mas mababa ito ng 6% kumpara noong Agosto.

Posibleng galing ang karagdagang supply ng langis sa mga imbentaryo nito sa Egypt at Japan kung saan sila nag-iimbak ng langis. Kapansin-pansin na bumagsak nang 500,000 bariles kada araw ang shipment ng Saudi Arabia sa Egypt kung saan meron itong storage tanks.

Ang Kuwait lamang ang nagtala ng mas maraming shipment noong Setyembre. Matapos ang pag-atake sa Saudi oil facilities noong September 14, nagpadala ng karagdagang supply ang Kuwait Petroleum Corp. sa higit sa dalawang refiners sa Asia.

Bumagsak din nang 119,000 bariles kada araw ang oil exports ng Iraq matapos mangako ang Oil Minister nitong si Thamir Ghadhban na pipiliting maabot ang pinagkasunduan target. Ngunit, ayon kay Ghadhban, magbabawas muli sila ng produksyon ngayong Oktubre.

Sa Iran, bumagsak nang 171,000 bariles kada araw ang shipments nito noong isang buwan. Posibleng di rin tama ang datos dahil wala pang natatanggap na tracking signals mula sa 46 Iranian tankers nang higit sa isang linggo na. Posibleng ginagamit din ang mga tankers para pag-imbakan ng supply. Naobserbahang sa Syria at China dinadala ng bansa ang kanilang crude oil.

Bumagsak din ang oil exports mula sa UAE . Posibleng magbago pa rin naman ang lahat ng datos dahil may 37M bariles ng langis pa ang walang final destination.

Dapat bang mabahala ang tao sa pagbagsak ng imbentaryo ng langis?

Naibalik na ng Saudi ARAMCO ang lebel ng kanilang oil production sa mga plantang naging sentro ng drone attack kamakailan. Ngunit, di pa rin nito naaabot ang pinakamataas na production capacity nito bago ang pangyayari. Sinabi rin naman ng kumpanya na sa Nobyembre pa maibabalik ang maximum capacity nito.

Ang pasilidad ng ARAMCO sa Abqaiq ay may produksyong 4.9M  bariles kada araw. Nasa 5.5M bariles ang produksyon nito bago ang atake. Samantala, nasa 1.3M bariles na ang produksyon ng Khurais pero nasa 1.5M bariles ang production capacity nito bago ang pag-atake.

Patuloy ang exports ng ARAMCO at kumukuha ito ng supply mula sa kanilang imbak. Ayon sa datos, bumagsak ng higit sa 20% ang imbak na langis nito mula sa Ras Tanura, Khafji, at Yanbu. Ganun din, kumukuha ang kumpanya ng crude oil mula sa malalapit na bansa gaya ng Kuwait.

Ano ang implikasyon ng mga pangyayari sa oil markets?

Hindi lubhang nababahala ang oil markets sa geopolitical risk o maging sa pagbagsak ng imbentaryo ng langis. Posible kasing alam naman ng merkado na magagawan ng paraan ng Saudi Arabia ang nangyari. Sa mga nakaraang taon, lagi namang natutugunan ng bansa ang anumang kakulangan ng supply sa buong mundo. Ngunit, kakaiba ang sitwasyon ngayon dahil ito ang naapektuhan.

Kung magkakaroon pa ng mga panibagong pag-atake, asahan ang paglala ng sitwasyon. Sa ngayon, hindi pa tumataas masyado ang presyo ng crude oil kahit na mataas ang panganib matapos ang pag-atakeng nangyari sa mga oil facilities sa Saudi.

Ano ang mas dapat katakutan kesa sa bumabagsak na OPEC crude oil supply?

Maraming tanong ang lumabas matapos ang pag-atake sa Saudi ARAMCO noong Setyembre. Sino ang salarin? Paano ito nangyari? Ano ang ginamit nila para isakatuparan ang pag-atake? Isang tanong lamang ang di pa naitatanong: Bakit di napigilan ng Saudi Arabia ang pag-atake? Masyadong malaking pera ang ginugugol ng bansa sa pagdepensa.

Kunsabagay, kahit sino naman ay di alam kung ano ang dapat gawin sa ganitong klaseng panganib. Hindi lang naman ang Saudi Arabia ang may ganitong banta. May mga base militar ang USA sa Middle East. Ang problema kasi kung saan saan galing ang mga pagbabanta. Kapag marami ang drone at cruise missiles na ginamit gaya ng pag-atake sa oil facilities kamakailan, nalito na ang mga radar, mga human operators, at maging ang mga imprastrakturang pangkomunikasyon. Sa gustuhin man natin o hinde, sa panibagong panahon ng depensa, mas malaking problema ang tao kesa sa pagiging solusyon nito.

Limang taon na ang nakakalipas noong pinag-isipang mabuti ng Department of Defense kung paano maaapektuhan ang mga umiiral na legay defense systems sa pag-usbong ng mga bagong teknolohiya. Ayon sa Pentagon, no match o di kayang pumantay ng mga legacy system sa mabilis na pagbabago sa defense industry.

Hindi kasi nakaengganyo ang mga legacy company ng mga talentadong empleyado na syang makakalaban sa mga bagong industriya. Konti lamang ang kanilang nagawang pagbabago sa kanilang mga sistema. Kulang kasi sa talento ang mga kumpanyang ito.

Ang anumang sistemang nakadepende sa isang human operator at custom-made ang controls ay palaging nasa panganib. Palaging nakaabang ang kalaban na malingat o magkamali ang tao dahil alam nitong posible silang umatake at makapanggulo. Sa ganitong konteksto, lutang na lutang ang kahinaan ng tao. Hindi tayo mabilis mag-isip, kumilos, at magrason kapag dose-dosenang mumurahing smart objects na lumilipad nang sobrang bilis sa maraming targets ang kalaban.

Ang tanong: gusto ba nating isama pa rin ang tao? Syempre naman. Pero, ang susunod na tanong ay “saan?” Kailangang bawasan ang decision-making na nakasalalay sa tao kapag mga bagong defensive technologies ang sangkot. Pwedeng ipaubaya na sa mga computational mechanism ang pagdedesisyon dahil sa mas mabilis itong magproseso at mas tama rin ang aksyon nito.

Kailangan na lamang ang tao ang magdesisyon kung paano makikipaglaban ngunit kailangang suportahan pa rin ito ng computer na syang tutulong na magsabi kung ano ang mas karapatdapat na gawin. Sa maraming air defense systems, laging kasama ang tao.

Sa mga ganitong banta, hindi naman kailangan ang mas mabilis at mas malaking radar para mapigilan ang anumang missile. Hindi rin kailangan ang mas maraming tao. Istruktural ang solusyon: mura at posibleng mapalawak na sensor systems na nagsasama-sama ng mga datos para magkaroon ng tama at hindi pwedeng ma-hack na realidad.

RELATED: Saudi Attack Nagpataas ng Presyo ng Crude Oil

Paradigm shift na kasi ang nangyari sa warfare at defense. Maliwanag ang nangyari sa Saudi Arabia. Hindi nakayanan ng taong pigilan ang drone at missile attacks. Bago ang susunod na atake, dapat mapagtanto na hindi na kailangan ang tao sa lahat ng bagay sa usapin ng defense at warfare.

Higit pa sa bumabagsak na OPEC crude oil supply, kailangang masinsinang pag-isipan at hanapan ng agarang solusyon ang pagpapabilis ng pagresponde ng defense systems sa mga drones at missile na gumagamit ng smart technology.

Sources:

Lee, J. (2019, October 2). OPEC’s Middle East Oil Flows Shrivel in Wake of Attacks on Saudi. Retrieved from Bloomberg: OPEC’s Middle East Oil Flows Shrivel in Wake of Attacks on Saudi

Pence, E. (2019, October 1). The 1 Thing About the Saudi Oil Attacks That Should Terrify You. Retrieved from The National Interest: The 1 Thing About the Saudi Oil Attacks That Should Terrify You

Rapier, R. (2019, October 1). Should Markets Worry About Falling Saudi Oil Inventories? Retrieved from Oil Price: Should Markets Worry About Falling Saudi Oil Inventories?