PAANONG PINABAGAL NG MGA KAALYADONG MAMBABATAS NI DUTERTE ANG PAGLAGO NG EKONOMIYA?

Bago bumoto, alamin muna kung bakit kasalanan ng mga mambabatas ang nangyari sa ekonomiya.

Mga Kaalyadong Mambabatas ni Duterte Dapat Sisihin sa Mabagal na Paglago ng Ekonomiya

Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang ekonomiya ng bansa ay lumago lamang ng 5.6% noong 1st quarter ng 2019. Ito na ang pinakamabagal na paglago sa loob ng apat na taon. Mas mabagal ito sa itinakdang target ng rehimeng Duterte na 6% – 7%.

Pero, di naman nangangahulugan na bagsak ang ekonomiya. Lumalago pa rin ito pero mabagal nga lang.

Ngunit, election year ngayon at sinasabing tuwing eleksyon ay mabilis ang paglago ng ekonomiya. Kung di kaya eleksyon, mas mabagal pa kaya ang paglago ng bansa?

Mas nakakabagabag ang isyu na ang mga mambabatas natin ay may direktang responsibilidad sa mga pangyayari sa usapin ng ekonomiya.

Anyare sa Build, Build, Build?

Pinakaapektado ang government spending. Sa loob ng unang quarter ng 2019, halos kalahati lamang ang inilago ng government spending kumpara noong isang taon.

Ganun din, bumagal din ang paglago ng industriya. Nagtala ito ng pinakamababang paglago sa loob ng higit sa pitong taon.

Nakapaloob sa industry sector ang construction industry na lubhang mabagal ang paglago. Nag-shrink o di pa nga ito lumago sa kauna-unahang pagkatoon simula noong 1st quarter ng 2015.

Ibig sabihin, di naging matagumpay ang Build, Build, Build ng rehimeng Duterte.

Di rin maganda ang paglago ng kalakalan o trade. Hindi lumalago ang exports sa loob ng apat na buwan. Maging ang electronics export na syang pangunahing produkto ng bansa ay di rin lumago dahil sa mababa ang demand sa international market.

Palpak na Budget

Bumagal ang paggastos ng gobyerno dahil na rin sa pag-aaway away ng mga kaalyado ni Duterte sa Kongreso.

Mabilis ang pagsisi ng mga economists ng gobyerno sa pagkaantala ng 2019 budget na napirmahan lamang ni Duterte noong April 15.

Ang pagkaantala sa budget ay kauna-unahang nangyari simula noong 2010. Ibig sabihin, walang pera ang gobyerno para tustusan ang mga importanteng proyekto sa pagbubukas ng taon. Kailangang dumepende ito sa reenacted budget ng 2018.

Dahil dito, di rin naibigay ang taas sahod ng maraming kawani ng gobyerno. Di rin napondohan kaagad ang mga bagong Build, Build, Build infrastructure projects.

Tatlong Bagay Bakit Naantala ang 2019 Budget

Pagpipilit sa Cash-Based Budgeting

Matatandaang ipinagpilitan ni dating Budget Secretary Ben Diokno ang pagbabago ng sistema ng budgeting. Ibig niyang ipatupad ang cash-based budgeting system na naglalaan ng  pera sa mga proyektong siguradong matatapos sa loob ng isang taon.

Kung may mga proyekto na taon ang bibilangin bago matapos, kailangang humihingi ng special authority ang mga ahensya ng gobyerno.

Maganda naman ang hangarin ni Diokno. Ibig nyang mabawasan ang underspending sa gobyerno. Ganun din, ibig din nyang mapabilis ang implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build. Ngunit, kahit na naipasa ito ng House of Representatives, dali-dali itong binawi.

Ayon sa mga kongresista, makakaranas ng malaking pagbaba sa budget ang ilang ahensya ng gobyerno. Natatakot naman ang ibang kongresista na maapektuhan ang mga proyekto sa lokal bago ang eleksyon. Ung ibang mambabatas, sadyang naguguluhan sa proseso.

Naipasa ng Kongreso ang 3.757T pesos na budget noong February 8, 2019. Pero, inayawan nila ang panukalang cash-based budgeting system ni Diokno.

Alegasyon ng Korapsyon

Di naglaon, inatake ng Kongreso si Diokno.

Naglunsad ng pagsusuri si House Majority Leader Rolando Andaya Jr. laban kay Diokno. Ayon kay Andaya, nagsingit si Diokno ng 75 billion pesos sa budget ng DPWH.

Ganun din, pinaratangan si Diokno na inimpluwensyahan ang ilang proyekto sa Sorsogon para paboran ang mother-in-law ng kanyang anak na sya namang vice governor ng probinsya. Syempre, itinanggi ni Diokno ang mga paratang.

Noong Pebrero, inakusahan ni Andaya si Diokno sa tangkang pagsuhol sa mga mambabatas ng 40B pesos para payagan nila ang pagsisingin ng 75B pesos sa budget. Itinanggi naman ni Diokno ang akusasyon.

Sa sobrang pag-uusig ni Andaya, ilang mambabatas ang nagpetisyon na tanggalin na si Diokno bilang Budget Secretary. Marami rin naman ang naghinalang interesado si Andaya sa pwesto ni Diokno dahil lubhang makapangyarihan ang DBM.

Noong Marso, inilipat ni Duterte si Diokno bilang bagong governor ng Bangko Sentral. Hanggang ngayon, wala pang nahihirang na bagong DBM Secretary.

Pagbabalik ng Pork Barrel

Sa pangunguna ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, nagkaroon ng pagkakataon na ibalik ang pork barrel.

Ibinunyag ni Senator Ping Lacson ang diumano’y pagsisingit ni Arroyo ng 2.4B pesos na budget para sa mga proyekto sa 2nd district ng Pampanga na sya nyang distrito.

Marami pang singit sa budget ang ginawa ng mga mambabatas sa House of Representatives kahit naratipikahan na ito ng bicameral conference.

Sinasabing nasa 75B pesos ang singit sa 2019 budget. Dahil dito, may “strong reservations” ang Senado nang ipinadala nila ang 2019 budget kay Duterte para pirmahan.

Dahil na rin siguro sa frustration, nagbanta si Duterte na i-veto ang buong budget. Ngunit, napirmahan nya rin naman ito nang may mga na-veto na ilang parte at ang iba naman ay “conditional implementation.”

Na-Highjack na Proseso ng Budget

Nabigo ang Kongreso na ipasa ang 2019 Budget sa takdang oras dahil sa dami ng pag-aaway away at pagsisingit sa budget. Dahil dito, bumagal ang paglago ng ekonomiya.

Posibleng nakita ng mga mambabatas na ito na ang pagkakataon para magantimpalaan sila dahil sa naipasa nila ang mga gustong batas ni Duterte. Pinayagan naman ito ng House Speaker.

Pero, di ito naging madali para sa kanila dahil hinadlangan ito ni Diokno. Kaya, sobrang atake ang ginawa ng mga mambabatas sa dating Kalihim.

Pinayagan din naman ito ni Duterte. Pero, napagtanto nyang ang kasakiman ng kanyang mga kaalyado ang syang sasabotahe sa kanyang mga programa, gaya ng Build, Build, Build.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, ang di magandang paglago ng ekonomiya ay isang rason kung bakit kailangang ihalal ang mas maraming mambabatas na susuporta kay Duterte.

Pero, makikita naman ng sambayanan na ang mga kaalyado ni Duterte simula noong 2016 ang syang nang-highjack ng proseso ng budgeting. Sila rin naman ang may kasalanan sa di magandang paglago ng ekonomiya. Sila rin ang may kasalanan kung bakit naantala ang mga proyekto ng gobyerno. So, bakit boboto pa ng mas maraming kaalyado ng Pangulo?

Pag-isipang mabuti ang ihahalal na mga bagong mambabatas.

 

Source:

Punungbayan, J. (2019, May 12). [ANALYSIS] How pro-Duterte lawmakers hurt economic growth. Retrieved from Rappler: [ANALYSIS] How pro-Duterte lawmakers hurt economic growth