Paano Naging Iresponsable Ang Gobyerno sa Krisis sa Tubig?

Paano Naging Iresponsable Ang Gobyerno sa Krisis sa Tubig?

Hindi lang naman rehimeng Duterte ang salarin.

Krisis sa Tubig Kinumpirma ang Pagkabigo ng Water Privatization

Nagsumite ng position paper ang Water for the People Network (WPN) sa opisina ni Senator Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services para sa hearing sa pag-iimbestiga sa nangyayaring kakulangan sa tubig sa Metro Manila.

Ayon sa WPN, kinukumpirma lamang ng kasalukuyang water crisis ang pagkabigo ng water privatization at ang pangangailangan para magkaroon ng tunay na public control sa isang mahalagang serbisyo tulad ng tubig.

Ano ang Republic Act No. 6234?

Binibigyan ng RA 6234 ng mandato ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na siguraduhin ang pagkakaroon ng walang patid at sapat na supply at distribution ng malinis na tubig sa mga bahay at negosyo. Inaatasan din ng batas ang MWSS na siguraduhin na tama ang pag-operate at pag-maintain ng mga sewerage systems.

Ang kasalukuhang krisis sa tubig ay nagpapakita ng pagkabigo ng MWSS at ng Manila Water na tuparin ang responsibilidad nila sa ilalim ng batas. Importante ang mga hearing sa Senado at House of Representatives para malinaw ang estado ng pagkabigo ng MWSS at Manila Water na tuparin ang responsibilidad na iniatang sa kanila.

Masyadong ibinandera ng rehimeng Ramos ang krisis sa tubig noon para patunayang kailangang isapribado ang mga water utilities noong 1997. Pinangakuan ang mga residente ng Metro Manila ng mura, ligtas, at siguradong serbisyo ng tubig.

Ang Maynilad at Manila Water ay naging mahusay ang pamamalakad para siguraduhing malaki ang kita nila. Ngunit, di naman naging mahusay para siguraduhing mura, ligtas, at sigurado ang serbisyo ng tubig. Hindi katanggap tanggap ang naglalakihang kita ng dalawang water concessionaires sa gitna ng problema sa tubig ng mga residente sa Metro Manila.

Mahal ang Tubig sa Pilipinas

Ang singil sa tubig sa Metro Manila ay pangalawa sa pinakamataas sa buong rehiyon ng Southeast Asia. Mas mababa lamang ito sa singil sa tubig sa Singapore.

Isang monopolyo naman talaga ang water service. Ginagamit ng mga concessionaires ang kanilang kapangyarihan para sumingil nang mas mahal sa mga consumers para magkamal ng sobra sobrang kita.

Simula noong magkaroon ng water privatization noong 1997 hanggang January 2019, tumaas na ng 879% ang singil ng Manila Water at 574% ang singil ng Maynilad. Mas mataas pa ito ng apat hanggang anim na beses sa inflation rate sa parehong period.

Source: IBON

Noong 2013, isyu na ang pagpasan ng mga consumers maging ng income taxes na ibinabayad ng mga concessionaires sa gobyerno. Naipakita kung paano lumobo ang singil sa tubig dahil sa mga di natatapos na proyekto, masyadong mataas na cost of capital, mga charges para sa foreign exchange at environment, adjustments para sa inflation at iba pang extraordinary adjustments, at maging ang arbitration costs.

Ipinagdiinan ng mga water concessionaires ang pagpapalawak ng kanilang serbisyo. Ngunit, ginagawa nila ito hindi para magbigay ng tubig sa mga Pilipino, kundi para mas palakihin ang kanilang kita.

Sa huling 10 taon, tumaas ang income ng Manila Water ng 137% at ng Maynilad ng 444%. Ayon sa BusinessWorld, lumago ang net income ng Manila Water mula 2.4B pesos noong 2007 hanggang 5.7B pesos noong 2017. Ang Maynilad naman ay lumago ang net income mula 1.3B pesos noong 2007 hanggang 6.8B pesos noong 2017.

Sa pinakahuling annual report ng Manila Water, tumaas ang net income nito mula 6.1B pesos noong 2017 hanggang 6.6B pesos noong 2018. Ibig sabihin, mula 2007 hanggang 2018, halos triple (175%) ang inilago ng net income ng Manila Water.

Hindi Sapat ang Imprastraktura

Hindi pa rin malinaw kung paano nagkaroon ng krisis sa tubig ngayon. Pero, sa pangkalahatan, hindi kulang sa tubig ang dahilan kung di ang kakulangan sa imprastraktura para dalhin ang tubig sa mga consumers. Kulang sa pagpaplano o di kaya ay kulang sa pag-aksyon para punan ang kakulangan sa distribusyon ng tubig.

Sinasabi ng MWSS na may mga natukoy na silang pagkukunan ng tubig:

  • Laguna de Bay – 900M liters per day
  • Sumag River – 188M liters per day
  • Tayabasan River – 175M liters per day
  • Wawa River – 500M liters per day

Sinasabi ring may di nagagamit na 1,200M liters per day ang Angat Dam.

Ang tanong: Bakit di binigyang pansin o inaksyunan ang mga ito noon pa man?

Mahina ang Regulasyon

May kapabayaan ang gobyerno sa pagpayag na isapribado ang tubig. Kulang din ang kapangyarihan ng MWSS para i-regulate ang mga bagay bagay tungkol sa tubig. Halimbawa, nakadepende lamang ang MWSS sa mga monitoring reports na ibinibigay ng water concessionaires.

Hadlang sa isang matalinong regulasyon

Ang privatization ay gumawa ng mga artipisyal na hadlang para sa isang matalinong regulasyon ng pampublikong tubig sa pamamagitan ng paghati ng tubig sa ilang mga pribadong kumpanya sa pamamagitan ng quota at allocation. Hadlang ito para umaksyon nang mabilis ang gobyerno para siguraduhing may tubig ang mga mamamayan.

Pinahina ang transparency

Pinahina rin ang transparency sa ilalim ng pagsasapribado ng tubig. Mahirap makakuha ng impormasyon sa MWSS hinggil sa proseso ng rate rebasing at mga negosasyon na may kinalaman sa water concessionaires. Limitado rin ang public consultations at isinasapubliko lamang ang piling impormasyon imbes na tunay na makinig, isaalang-alang, at solusyunan ang mga hinaing ng mga water consumers.

Ang kakulangan sa transparency ang dahilan din kung bakit di tugma ang sinasabi ng MWSS at iba pang ahensya ng pamahalaan at ng Manila Water. Kailangang patuloy ang transparency at hindi dapat nakadepende ang publiko sa mga hearing ng Senado at House of Representatives para malaman ang tunay na estado ng water services.

Kailangang ayusin ang transparency at pananagutan ng water utilities. Karapatan ng publiko ang magkaroon ng murang tubig at magandang serbisyo mula sa mga water concessionaires. Kailangang ibalik sa gobyerno ang pagmamay-ari, pamamahala, at pagkontrol sa water services. Pero, kailangang ayusin din ang pamamahala at pananagutan ng public utility.

Importante ang government control sa water services para maging matalino ang paggamit at pamamahagi ng tubig.

Noong 1990s, maraming mga bansa ang nagsapribado ng water utilities. Pero, sa mga nakaraang taon, ipinakita na masyadong mahal ang halaga ng tubig at mabagal ang aksyon ng mga water concessionaires sa pagpapalawak at pagpapabuti ng serbisyo. Sa buong mundo, ipinapakita na kulang talaga ang transparency kapag isinapribado ang water services.

Higit sa 37 bansa na ang nagbalik ng water services sa gobyerno o sa komunidad sa higit sa 230 siyudad. Posible at karapadat-dapat din namang matamasa ng mga Filipino consumers ang ganito.

 

 

Source:

IBON Foundation. (2019, March 19). WPN Position Paper on the Water Crisis.

Retrieved from IBON: http://ibon.org/2019/03/wpn-position-paper-on-the-water-crisis/