Paano Naapektuhan ang Pilipinas ng US-Iran Tension?

us iran tension

Nabalot ng malaking takot ang buong mundo sa nangyayaring US-Iran tension. Paano naapektuhan nito ang Pilipinas?

Pilipinas ramdam ang epekto ng US-Iran tension

Mas nangibabaw ang matinding takot ilang araw na ang nakakaraan dahil sa mga mabilis na mga pangyayari matapos ang assassination ni Qasem Soleimani na itinuturing na pinakamataas na heneral sa Iran. Nangako ang bansa na ipaghihiganti ang kamatayan ng kanilang maimpluwensyang lider. Noong Miyerkules, nagpadala ito ng missiles  sa dalawang US military bases sa Iraq.

Ngunit, tila baga wala na ang takot dahil sinabi ng foreign minister ng Iran na ayaw nilang lumala pa ang sitwasyon at magkagyera. Sa kabilang banda, sinabi naman ni US President Donald Trump na magkakaroon ng panibagong sanctions sa Iran. Dahil dito, marami ang nagsasabing hindi na rin gaganti pa ang US.

Paano kaya naapektuhan ng mga pangyayari ang Pilipinas?

  • Epekto sa Financial Markets

Natakot ang mga investors sa posibleng pagkakaroon ng gyera at kitang kita ito sa financial markets ng Pilipinas. Matapos gumanti ang Iran, bumagsak ng 1.33% ang Philippine Stock Exchange Index (PSEi). Mas pinili nilang ibenta ang mga shares of stock nila at i-invest ito sa gold na syang itinuturing na mas ligtas na investment sa panahon ng gyera. Ganito rin ang nangyari sa ibang bansa.

Hindi naman bumagsak ang halaga ng piso dahil na rin sa pagdagsa ng remittance. Ngunit, hindi rin naman gumanda ang palitan ng piso kontra dolyar. Pero, noong Huwebes, nakarekober naman ang stock market at forex sa Pilipinas dahil bumuti na ang sitwasyon sa pagitan ng US at Iran.

  • Epekto sa Ekonomiya

Ang sigalot sa pagitan ng US at Iran ang syang nakapagpataas ng world oil price at nakapagdulot ng pangamba sa mga net oil importers gaya ng Pilipinas. Noong Miyerkules, biglang tumaas ang presyo ng langis matapos gumanti ang Iran sa pagkamatay ng kanilang heneral. Higit sa 4.5% o $65.54 kada bariles ang itinaas ng benchmark West Texas Intermediate pero bumaba rin ito ng bahagya kapagdaka.

RELATED: Oil Price Rollback: Bakit Kakarampot Lang?

Ayon naman kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno, hindi naman masyadong mapipinsala ang ekonomiya sa pag-aaway ng US at Iran dahil handa naman ang gobyerno na bantayan ang inflation. Ganun din, maraming OFWs ang nasa Saudi Arabia at konti lamang ang nasa Iraq o Iran.

Ngunit ayon kay Security Bank economist Robert Dan Roces, ang pag-igting ng US-Iran tension ay hindi magdudulot ng kabutihan sa Pilipinas dahil maaapektuhan ang remittances ng mga OFWs kapag inalis sila sa rehiyon. Ang Middle East ang pangalawa sa may pinakamaraming OFWs. Ganun din, naapektuhan ang bansa kapag tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Mga remittance sa unang 10 buwan ng 2019:

  • Saudi Arabia – $1.78B
  • Iran – $409,000
  • Iraq – $259,000
  • Epekto sa labor migration

Dahil sa pangyayari sa Middle East, nagpadala ang gobyerno ng dalawang batalyong sundalo, at mga eroplano at barko para tumulong sa pagbabalik ng mga OFWs galing Iraq at Iran. Nasa Alert Level 4 naman ang Philippine Embassy sa Iraq. Ibig sabihin, sapilitang pauuwin ang mga OFWs doon.

Nakikipag-usap  naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga bansang Russia, Germany, China, Canada, at Japan para sa posibleng pagpapadala ng mas maraming OFWs doon. May mga inihahandang livelihood program din ang ahensya para sa mga OFWs na ayaw nang umalis ng bansa. Nasa 1,600 dokumentadong Pilipino ang nasa Iraq at 1,000 naman ang nasa Iran.

Mandatory repatriation para sa mga OFWs sa Iraq

Sa dami ng ipinalabas na statements ng gobyerno tungkol sa OFW repatriation, ang huling balita ay ang mga Pilipino na lamang sa Iraq ang papauwiin kahit na mukhang tahimik na ang magkabilang panig. Ayon sa Malacañang, good news ang di na pagsusulong ni Trump ng military action laban sa Iran matapos sabihin rin naman ng huli na hindi na sila gaganti pa matapos ang missile attacks nito sa dalawang military facilities ng US sa Iraq.

Ang pag-atake sa mga US military facilities ay ganti ng Iran sa pagpatay kay Maj. Gen. Qasem Soleimani na napatay ng US drone strikes sa Iraq. Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mabuting hindi na lalala pa ang sigalot sa pagitan ng dalawang bansa dahil na rin sa apektado ang ating mga OFWs doon. Sina DOLE Secretary Silvestre Bello III at Special Envoy to the Middle East Roy Cimatu ang itinalagang mamahala sa evacuation and repatriation ng mga OFWs.

RELATED: OFW Department: 19B Pondo ang Posibleng Mawala

Ayon sa pahayag ng DOLE, ang mga OFWs lamang sa Iraq ang sapilitang pauuwiin dahil sa bumaba na rin naman ang alert level sa Lebanon at Iran. Ayon kay Bello, nasa Alert Level 2 na lamang ang Lebanon kahit di pa ito  opisyal. Wala na rin namang alert level sa Iran. Ngunit, hindi na muna magpapadala ng mga OFW sa dalawang bansa.

Hindi maganda ang gyera. Maraming nadadamay na inosente at apektado ang ekonomiya ng buong mundo. Mabuti nama’t humupa na kahit papaano ang US-Iran tension.

 

Sources:

Cigaral, I. (2020, January 9). How the Philippines felt the impact of US-Iran tension. Retrieved from The Philippine Star: How the Philippines felt the impact of US-Iran tension

Mendez, C. (2020, January 10). Mandatory repatriation remains only in Iraq. Retrieved from The Philippine Star: Mandatory repatriation remains only in Iraq