NFA Rice Mas Makakasama sa Magsasaka

nfa rice

Ang planong pagbebenta ng NFA rice ay mas makakasama sa magsasaka. Bakit kaya?

Pagbebenta ng NFA rice mas palalalain ang sitwasyon ng magsasaka

Ayon kay Federation of Free Farmers National Manager Raul Q. Montemayor, maraming murang imported na bigas sa merkado. Ang planong pagbebenta ng NFA ng kanilang imbentaryo ng imported rice ay mas makakasama lamang sa mga magsasaka.

RELATED: Rice Tariff: Ginawang Katawa-Tawa ang Kongreso

Ang problema kasi ay dumagsa ang imported rice sa merkado na mas mura kesa sa bigas na galing sa ating mga magsasaka. Kaya bumababa ang halaga ng farm gate price ng palay ay dahil nga sa sobrang supply ng imported rice.

Ngayon, kung may planong ilabas ng gobyerno ang 3.6M bags ng imported NFA rice para maibaba pa ang halaga ng bigas sa mga pamilihan, mas bababa rin naman ang farm gate price ng palay.

Simula ng naipasa ang Rice Tariffication Act na sinasabing solusyon sa mataas na presyo ng bigas, patuloy ang pagdausdos pababa ng halaga ng palay. Marami sa mga rice traders ang ayaw nang bumili ng palay dahil sa mas mura nga kasi ang imported.

Kaya nga, nagkukumahog ang gobyerno sa paghahanap ng mga paraan para matulungan ang mga magsasaka.

Nakakalungkot na di naman masyadong bumaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan kahit na mas mababa ang halaga ng inangkat na bigas at maging ng palay kaya nga iniutos na ng Department of Agriculture (DA) ang paglalabas ng kanilang imbentaryo ng bigas sa kanilang mga imbakan.

Kapag itinuloy ng DA ang kanilang plano hinggil sa pagbebenta ng NFA rice, mas makakabili ang gobyerno ng mga palay sa mga magsasaka sa presyong mas mataas kesa sa umiiral na halaga. Balak bilhin ng NFA ang palay ng 19 piso kada kilo kumpara sa umiiral na 17 piso kada kilo na bilihan nito. Nasa 22.5B piso ang budget ng NFA para rito.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang average farm gate palay price ay bumagsak ng 4.4% sa ikalimang linggo noong Agosto kumpara noong isang taon. Nasa 16.68 piso kada kilo na lamang ang bilihan nito. May mga ulat ding nasa 7 piso kada kilo na lamang ang palay sa ibang mga probinsya.

Iniulat ni DA Secretary William D. Dar na inaprubahan na ng NFA Council ang paglalabas ng 3.6M bags ng imported rice sa merkado hanggang sa Oktubre para paramihin ang supply at panatiling mababa ang halaga ng bigas.

Inaasahang kakalabanin ng inisyatibang ito ang mga nagmamanipula ng presyo at ang mga hoarder na rin na syang nakakapagpanatili ng mataas na presyo ng bigas sa mga pamilihan kahit na mababa ang halaga ng palay at inangkat na bigas.

Ang imbentaryo ng NFA rice ay ibebenta ng 25 piso kada kilo sa mga wholesalers at 27 kada kilo sa mga pamilihan.

Ngunit, ang planong ito ay sumabay sa anihan ng palay kaya mas pabababain pa nito ang farm gate price dahil sa masyadong maraming supply ng bigas sa mga pamilihan.

Ang mga pribadong traders lamang ang bibili ng palay at di nila ito bibilhin sa mataas na halaga dahil di sila makakakumpetensya sa mga murang imported rice at sa 27 piso kada kilo na NFA rice.

RELATED: Rice Crisis: Nauunawaan ba Talaga ng Gobyerno?

Ang Rice Tariffication Law ang sagot ng gobyerno sa inflation crisis noong 2018. Umasa ang gobyerno na bababa ang halaga ng bigas sa mga pamilihan kapag nagpapasok ito ng maraming imported rice. Ngunit, di na bumili ng palay ang mga rice traders sa mataas na halaga. Bumagsak ang kita ng mga magsasaka kaya nag-iisip na ang gobyerno ng mga paraan para bilhin ang mga palay. Umaasa ang gobyerno na bibilhin ng mga lokal na pamalahaan ang mga palay.

Timing ang problema. Kung pababahain ng NFA rice kasabay ng anihan ng palay, mas bababa nga naman ang presyo ng palay. Hindi ito makakatulong sa mga naghihirap nating mga magsasaka.

Source:

Galang, V. P. (2019, September 16). Farmers complain release of NFA stocks will depress prices. Retrieved from Business World: Farmers complain release of NFA stocks will depress prices