Naka-Louis Vuitton ang mga Kawatan sa Agrikultura

kawatan sa agrikultura

Sa panahon ngayon, branded ang damit ng mga kawatan sa agrikultura.

Magaganda ang damit ng mga kawatan sa agrikultura

Alam naman natin kung ano ang cartel at kung paano sila kumikilos. Sila ung mga grupo ng indibidwal na may kakayahang mabago ang presyo ng mga bilihin dahil sa pagmamanipula ng supply and demand sa merkado para lamang kumita nang mas malaki.

RELATED:MAISASALBA PA BA ANG SEKTOR NG AGRIKULTURA SA PILIPINAS?

Sa modernong kasaysayan, ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na itinatag noong 1960 ang syang pinakakilala at pinakamatagumpay sa pagkontrol ng presyo ng higit sa 40% na supply ng langis sa buong mundo. Ang kartel na ito ang sinasabing nakapagkamkam ng sobra sobrang kayamanan at nakapagtayo ng mga economic empire.

Sa ngayon ang cartel ay nasa sektor na rin ng agrikultura. Mapapansing laging nasa balita ang sektor na ito dahil na rin sa mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno na nagpapalawig ng usapin kapag tumaas masyado ang presyo ng pagkain.

Pagtaas ng presyo ng gulay

Noong Setyember 2018, sobrang tumaas ang halaga ng siling labuyo. Umabot pa nga ito sa 1,250 piso kada kilo samantalang kadalasang mabibili lamag ito sa 50 piso kada kilo sa palengke. Matatandaang sinabi ni dating Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol na magtanim na lamang sa bakuran ng sili. Sa kanyang Facebook video, sinabi nyang, : “Kailangan lang kaunting sipag para hindi reklamo nang reklamo.”

Hindi tama ang kanyang tinuran, lalong lalo na sya ay myembro ng Gabinete ni Duterte. Mabuti na lamang natabunan ng isa pang krisis ang kanyang mga tinuran kaya di na ito napansin. Higit sa doble ang itinaas ng halaga ng bigas kada kilo dahil sa kakulangan ng supply. Bago ang krisis sa bigas, may mga ilang produkto na rin ang masyadong nagtaas ang presyo, gaya ng broccoli, carrots, at sibuyas. Noong August 2018, nagtala ng 19.2% na pagtaas ang presyo ng gulay kumpara noong August 2017.

Bumalik naman sa normal ang presyo ng gulay matapos mabahala at kumilos ang mga sangay ng gobyerno. Sinasabing ang mga bagyo at pagbaha ang dahilan kung bakit masyadong nagtaas ng presyo ng gulay. Wala namang sinabi kung may naparusahang mga indibidwal na nagsamantala sa krisis sa supply ng bigas. Kadalasan namang pinapabayaan na lamang ang mga nagsasamantala.

Kahinahinalaang kilos ng mga kawatan sa agrikultura

Hindi naman ito ang unang pagkakataon ng masyadong pagtaas ng halaga ng gulay. Noong 2017, pumalo sa 200 pesos kada kilo ang halaga ng bawang samantalang nasa 17 piso kada kilo lamang ang landed cost ng pag-angkat nito. Nakadepende ang bansa sa pag-angkat ng bawang kaya nga palaging binibigyan ng mga import clearance ito para di maapektuhan ang supply. May mga importers na nagmanipula ng presyo ng bawang sa pamamagitan ng pag-antala ng pagdating ng kanilang imported garlic.

Inakusahan ng DA ang 43 kumpanya na nabigyan ng import clearances para sa bawang. Cartel ang sabi ng gobyerno. Ayon sa DA, withdrawal ng import permits ang pinakamabisang paraan para parusahan ang mga ito.

Liberalisasyon sa pag-angkat ng bigas

Pahamak ang mga polisiya ng gobyerno higgil sa agrikultura. Noong February 14, nilagdaan ni Duterte ang Rice Liberalization Law bilang tugon sa masyadong pagtaas ng presyo ng bigas matapos din nyang ipatupad ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law noong 2018. Binigyang katwiran at iniligaw ang publiko sa tunay na epekto ng rice liberalization. Kinuyog pa nga ng troll armies ng gobyerno ang mga kritiko.

Matatandaang sinabi ni DA Secretary William Dar na nakakabuti ang rice tariffication sa mga Pilipinong magsasaka. Salungat ito sa datos na mula sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na nagsasabing nalugi na ng 61.77B piso ang mga magsasaka dahil sa batas na ito. Kahit naman ipatupad pa ng DA ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), makikitang lugi pa rin ang mga magsasaka ng 50B piso. 2.5M magsasaka ng bigas ang apektado at nagsarado na rin ang higit sa 4,000 rice mills.

Pag-angkat ng galunggong magpaparami lalo ng kawatan sa agrikultura

Hindi lang naman bigas ang apektado. Maging ang galunggong na sinasabing isda ng mga mahihirap ay may isyu na rin sa supply. Kabalintunaan nga dahil napapaligiran tayo ng tubig pero umaasa tayo sa pag-angkat ng isda. Nagpapadala tayo ng pinakamagandang tuna at ilang lamang-dagat sa ibang bansa, ngunit nag-aangkat tayo ng galunggong na sinasabing may formalin. Sobrang incompetent ng rehimeng Duterte para iasa nya sa import ang ating pangangailangan sa pagkain.

Problema sa African Swine Fever

Kitang kita ang incompetence ng gobyerno sa isyu ng African Swine Fever (ASF) dahil sa naging maluwag ito sa pagpapasok ng mga produktong baboy na may ASF. Libo libong baboy na ang pinatay dahil dito at posibleng mas dumami pa.

Paghihintay sa aksyon ng Philippine Competitive Commission

Naipasa ang Fair Competitive Act noong 2015 at naitatag ang Philippine Competitive Commission (PCC) ngunit wala pa itong ngipin para ihabla ang mga kawatan sa agrikultura ng unfair trade practices. May two-year transition period na nakasaad sa charter nito na nagtapos lamang noong August 8, 2017. Sa panahong ito, tapos na ang nangyaring masyadong pagtaas sa presyo ng bawang.

Sa panahon ngayon, mas may kapangyarihan na ang PCC na habulin ang mga mayayamang kawatan sa agrikultura na binibiktima ang mga mamimili sa pamamagitan ng price fixing na sangkot ang ibang kumpanya para kontrolin ang merkado. Ang pagpasa ng PCA noong 2015 at ang pagtatatag ng PCC ay magiging daan para mahabol ng gobyerno ang mga cartel na syang pumipigil sa fair competition sa merkado at maparusahan ang mga ito.

Dadaan sa pagsusulit ang PCA at PCC sa mga darating na buwan habang sinusuri nito ang operasyon ng mga wholesaler, trader, at stakeholder sa industriya ng bigas na sinasabing pinakanotoryus na cartel sa sektor ng agrikultura. Patuloy pa rin naman ang pamamayagpag ng mataas na presyo ng bigas kahit na dumagsa na sa bansa ang mga murang imported rice.

RELATED: Magsasakang Pilipino, Nasaan Nga Ba Sila?

Ang Pilipinas ang huling bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na nagpatupad ng anti-competition law. Inaasahang makikita na natin ang mga reporma sa regulasyon sa sektor ng agrikultura na syang hihimok at magpapalaganap ng tunay na fair trade practices.

Bigo ang rehimeng Duterte na tugunan ang problema sa agrikultura. Samu’t sari ang isyu tungkol sa pagkain simula pa noong 2017 sa pagtataas ng presyo ng bawang. Hanggang kailan papayagang mamayagpag ang mga mayayamang kawatan sa agrikultura?

 

Sources:

Fuentes, Jr., L. Y. (2019, December 14). 2019 Deadly year for Filipino farmers and Philippine agriculture. Retrieved from Davao Today: 2019 Deadly year for Filipino farmers and Philippine agriculture

Gamboa, R. (2019, December 5). Well-dressed thieves in Philippines agriculture. Retrieved from The Philippine Star: Well-dressed thieves in Philippines agriculture