May Win-Win Solution ba sa Water Concession?

water concession

Inatake ni Duterte ang Manila Water at Maynilad, may nakikita bang solusyon sa water concession?

Ano ba ang problema sa water concession?

Nagsimulang atakihin ni Duterte ang Maynilad at Manila Water noong mawalan ng tubig ang Metro Manila noong Marso. Ilang beses syang nagbanta na babawiin ang anumang kontrata ng gobyerno tungkol sa tubig. Naghanap sya ng isyung posibleng maging dahilan para makansela ang mga kontrata na umiiral simula nang magkaroon ng privatization noong 1997.

RELATED: Mga Posibleng Solusyon Sa Lumolobong Krisis Sa Tubig Sa Metro Manila

Pero, hindi man lang tiningnan ni Duterte ang konteksto ng water concession deal noon. Magkaibang magkaiba kasi ang kondisyon ng ekonomiya noon at ngayon. Ganun din, hindi naman din pinansin ng Pangulo na hindi rin naman nakahanap ng mga panibagong pagkukunan ng tubig na magagamit ng mga water companies. Iba naman din kasi ang isyu ng panibagong water sources na kanyang isinusulong.

Kamakailan, nagsimula na naman sya sa pag-atake sa dalawang kumpanya ng tubig matapos manalo ang mga ito laban sa gobyerno sa arbitration hinggil sa water rates.

Ang isyu sa rate rebasing

Ang concession agreement ay sa pagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at ng dalawang kompanya ng tubig: Manila Water at Maynilad. Sinisigurado ng kasunduang ito na marerekober ng dalawa ang anumang ginastos para isaayos ang problema sa tubig sa Metro Manila.

Ayon sa kasunduan, ang water rate na itatakda ay masisiguradong marerekober ng Maynilad at Manila Water ang anumang kanilang ginastos sa loob ng 25 taon. Mababago ang singil na ito kada 5 taon, depende sa kondisyon ng ekonomiya, mga umiiral na bagong batas, pangangailangan ng mga residente, umiiral na market conditions, at ang investment plans ng mga kumpanya sa hinaharap.

Magkakaroon din ng regular na pagbabago sa rate kada taon para isaalang-alang ang inflation, foreign exchange rate, at anumang hindi inaasahang pangyayari gaya ng tagtuyot. Isa sa pinakakontrobersyal na probisyon sa kontrata ay ang pagsasama ng applied discount rate (ADR) na syang nagsisigurado na makukuha ng dalawang kompanya ang rate of return sa kanilang mga ginastos.

Subjective ang proseso ng pagkalkula ng water rate. Ngunit, kung pag-aaralan ang problema sa tubig noon, pinakamainam na solusyon na noon ang pumayag sa ganitong pamamaraan kesa naman patuloy na walang tubig ang mga residente. Galit na ang publiko sa kawalan ng tubig kaya mabilisan din naman ang paghahanap ng solusyon noon.

Ang pagbibigay ng kasiguraduhan sa sinumang investor na tataya sa paggastos para lamang mabigyan ng tubig ang bawat tahanan ang syang pinakamabuting solusyon na naisip noon. May risk din naman ang Maynilad at Manila Water dahil hindi naman nila alam kung gaano kalala ang problema sa tubig. Hindi nila alam kung tama ang estimated costs nila para maisaayos ang problema sa tubig noon. Nang maibigay na ang water utilities sa pribadong sektor, nagreklamo rin naman ang mga progresibong grupo dahil sa tumaas ang presyo ng tubig.

Bakit nagkaroon ng arbitration?

Sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) noong 2013, sinabi dito na nagkaroon ng pagtatalo ang Manila Water at MWSS dahil sa pagpapadala ng 30 kahon ng mga dokumento bago pa magsara ang opisina. Ayon sa isang staff ng MWSS Regulatory Office, matagal na nilang hinihiling ang mga dokumentong ito pagkatapos nagpadala ang Manila Water ng sobrang daming kahon.

Noong 2013, ibig ng Maynilad na magtaas ng singil sa 8.58 piso kada cubic meter samantalang 5.83 piso naman ang gusto ng Manila Water. Ngunit, imbes na payagang magtaas ng singil sa tubig, binawasan pa ito ng MWSS. Ayon sa ahensya ng gobyerno, hindi pwedeng ipasa ng water concessionaires ang kanilang income taxes sa mga consumers.

Dumulog ang Manila Water at Maynilad sa Permanent Court of Arbitration sa Singapore. Nanalo ang Maynilad sa kaso nila noong 2018. Kailangang bayaran sila ng gobyerno ng 3.4B piso. Samantala, nitong Nobyembre lamang nanalo sa kaso ang Manila Water.  Kailangan naman silang bayaran ng gobyerno ng 7.4B piso.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, hindi pa dapat magdiwang ang dalawang kumpanya dahil tututulan ng gobyerno ang pagpapatupad ng arbitral ruling. Dahil sa pag-atake ni Duterte sa dalawang kumpanya, may katanungang humihiling ng kasagutan: Kaya bang pamahalaan ng gobyerno ang water services?

Ang water concession sa makabagong panahon

Ang pagkapanalo ng Manila Water at Maynilad sa arbitration ay tila baga nagsasabing matibay ang kanilang legal na posisyon hinggil sa water rates. Ngunit, dapat din namang suriin ng mga opisyal ngayon ang water rate at kontratang napirmahan noon. Suriin ang isyu base sa kontekstong pangkasaysayan.  Malaki ang problema sa tubig noon sa Metro Manila at kailangang himukin ng gobyerno na mag-invest ang pribadong sektor.

Noong 1990’s, mababa ang credit rating ng bansa kaya mas mataas ang interest sa utang na kinukuha ng water concessionaires. Kung ang kontrata ay pinirmahan noon, natural lamang na tutumbasan ng gobyerno ang mataas na borrowing costs para mag-invest ang mga kumpanya. Noong April 2019, itinaas ng Standard and Poor ang credit rating ng Pilipinas sa BBB+ at kalakip ang stable outlook. Ito na ang pinakamataas na antas na naabot ng bansa.

Dahil sa bumaba na ang interest rates, bilyong piso kada taon ang kinita ng mga water concession companies. Ang pagkakaroon ng panibagong negosasyon sa kotrata ay isang isyung legal at negosyo na syang makakapagabago sa mga susunod na public-private partnerships.

Pera ang ugat ng lahat ng problema

Lumobo ang kinikita ng Manila Water at Maynilad sa mga nagdaang taon. 5% ang itinaas ng core net income ng Maynilad noong 2018 at 6% naman ang sa Manila Water. Nasa 20B piso kada taon ang average revenues ng mga kumpanyang ito. Malaki rin naman ang ginagastos nila.

Ang Maynilad ni Manny Pangilinan (MVP) ay gumagastos sa sports activities ng kanilang workers-athletes. Nais ng kumpanya na manalo sa lahat ng laro na kalaban ang ibang kumpanya ni MVP. Sa Manila Water naman, mas marami pa ang managers kesa sa rank-and-file employees sa ilang departamento samantalang ung ibang departamento ay wala ngang rank-and-file employees. Ibig sabihin, malaki ang sweldo ng mga empleyado sa nasabing kumpanya.

Malaki na ang inilago ng Manila Water. Nag-expand na rin naman sila sa labas ng kanilang concession zone at nagkaroon ng iba’t ibang pagkakakitaan. Malapit na rin kasing maabot ang 100% coverage and scale nito sa kanilang concession area kaya naghahanap  na sila ng iba pang dagdag na kita. Meron na rin silang bottled water business.

Lumago ang negosyo ng mga water concession companies. Kinikilala pa nga sila ng ilang international award-giving bodies bilang isa sa mga pinakamahusay na ehemplo ng privatization. Ang katanungan na lamang: hanggang magkano sila papayagang kumita? Sumisingil ang Manila Water ng higit sa 25 piso kada cubic meter bilang average basic charge samantalang higit sa 35 piso naman ang sa Maynilad.

RELATED: Paano Naging Iresponsable Ang Gobyerno sa Krisis sa Tubig?

Hindi naman lapat sa kulturang kapitalista ang pagkakaroon ng limitasyon sa pagkita ng salapi. Hindi rin naman magandang imahe ang nahuhubog sa masyadong pakikialam ng gobyerno sa mga pribadong negosyo. Aminado rin naman ang gobyerno na hindi ito handang mag-take over sa water utilities. Mas may kasanayan ang pribadong sektor sa pagbibigay ng magandang serbisyo.

Ang hamon na lamang sa gobyerno, Manila Water, at Maynilad ay ang paghahanap ng middle ground kung saan mababalanse ang interest ng publiko at ng pribadong negosyo.

Hindi naman kailangang atakihin at takutin ni Duterte ang water concession companies. Mahinahong pag-uusap ang dapat gawin. Walang puwang ang pagiging maton sa isang sibilisadong pamayanan.

Source:

Rivas, R. (2019, December 9). RISKY BUSINESS:Why gov’t made sure Manila Water,Maynilad would earn. Retrieved from Rappler: RISKY BUSINESS:Why gov’t made sure Manila Water,Maynilad would earn