Magsasakang Pilipino, Nasaan Nga Ba Sila?

magsasakang pilipino

Matapos pahirapan ang mga magsasakang Pilipino, pinag-aaralan naman ng NEDA kung saan sila napunta.

NEDA: Pinag-aralan ang pagbagsak ng bilang ng mga magsasakang Pilipino

Maliit lamang ang kinikita ng mga magsasaka. Sa isang tubuhan, posibleng kumita lamang ng 10,000 piso sa isang buong anihan. Kadalasan, matatanda na lamang ang natitira sa agrikultura dahil nga sa liit ng kita. Ganun din, natitigil din sila kapag sila’y nagkasakit kung kaya konti na lamang ang mga natitirang magsasaka.

RELATED: MAISASALBA PA BA ANG SEKTOR NG AGRIKULTURA SA PILIPINAS?

Ang lubhang kahirapan ang nagtutulak para sa mga anak ng mga magsasaka na lisanin ang lupang sinasaka at makipagsapalaran sa ibang industriya. Dumarayo sila sa mga syudad para maghanap ng kanilang ikabubuhay.

Pagkalugi ng sektor ng agrikultura

Mula 2010 hanggang 2017, 15 sa 17 rehiyon sa bansa ang nakaranas ng pagkawala ng mga magsasakang Pilipino. Noong 2010, nasa 12.25M ang bilang nila ngunit noong 2017, nasa 9.07M na lamang sila. 25% ang nagpasiyang hindi na magsaka ng lupa.

Malaki ang ibinagsak sa bilang ng mga magsasaka sa mga sumusunod na rehiyon:

  • Ilocos – 6%
  • Central Luzon – 5.8%
  • CALABARZON – 5.59%

Tanging ang Eastern Visayas lamang ang nakaranas ng pagdami ng mga magsasaka. Umakyat ang bilang nila nang 4.73% samantalang ang ibang rehiyon ay nakaranas ng pagkonti nila mula 1.3% hanggang 6%. Ang mga kabataang nakapag-aral ay naghanap na ng ibang trabaho sa ibang industriya gaya ng construction, IT, at BPO. Ung iba ay naging drayber, food attendant, at salesperson ng mga retail at food establishments. Ung iba naman ay naging kasambahay.

Ayon sa NEDA, hindi naman nakakatanggap ng mas malaking sahod ang ilang mga lumipat sa ibang industriya pero mas stable kasi ang kita nila sa ngayon. Nakakatanggap din sila ng ilang benepisyo at mas maganda rin ang working conditions. Nasa 280.37 piso lamang ang kita ng isang magsasaka. Kalahati lamang ito ng minimum wage sa ilang industriya. Kaya, hindi rin naman mapigilan ang paglisan ng mga magsasaka sa kanilang mga lupain.

Weakest link ang sektor ng agrikultura sa paglago

Matatandaang sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na weakest link sa paglago ng ekonomiya ang sektor ng agrikultura dahil 1.1% lamang ang inilago nito noong nakaraang 10 taon. Sa unang anim na buwan ng taon ay lumago lamang ito ng 0.75% samantalang bumagsak naman ang halaga nito nang 3.35% noong isang taon.

Ayon sa report ng NEDA, environmental factors ang dahilan kung bakit nagkakaganito ang industriya ng agrikultura. Posibleng mawala lahat ang kita dahil sa El Niño at La Niña. Ayon na rin kay dating Agriculture Secretary Manny Piñol noong isang taon, 36B pisong halaga ng produkto ang nawala dahil sa isang super typhoon at 12 tropical storms na tumama sa bansa.

Pero, higit pa sa mga environmental factors, may ilang importanteng internal push factors ang nagiging dahilan sa pagbaba ng productivity na syang nagpapahirap sa mga magsasakang Pilipino at mga food producers.

Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Pagtaas ng production input costs
  • Mababang farm-gate prices
  • Limitadong access sa pautang at output markets
  • Hindi magandang pamamahala ng mga sistema ng irigasyon
  • Malawakang conversion sa commercial use ng mga sinasakang lupa

Walang direksyon ang polisya ng gobyerno para sa magsasakang Pilipino

Ayon sa mga lider ng mga magsasaka mula sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, Samahang Industriya ng Agrikultura, at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, kulang ang direksyon ng mga polisiya ng gobyerno kaya hindi ito nagiging insentibo para manatili sa pagsasaka. Maraming mga proyekto ang pinapabayaan na lamang. Iniiwang nakatiwangwang at nabubulok ang mga farm equipment sa mga warehouse. Nasasayang ang mga binhi dahiil di pala ito pwedeng itinanim sa lupa.

Inamin naman ito ng NEDA. Kailangan ang mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno para mapataas ang farm productivity. Pinag-aaralan din ng NEDA ang pagkakaroon ng high-value byproducts sa mga tradisyunal na produkto, pagpapataas ng investment sa storage at logistics, pagsasama ng agrikultura sa kurikulum sa iskwela para maengganyo ang mga kabataan na magsaka, at paglilinang ng mga investment instruments gaya ng pautang ng bangko, stocks, at bonds.

RELATED: Magtitiis na Naman ang Philippine Rice Farmers

Ayon din kay Bruce Tolentino na dating direktor ng International Rice Research Institute (IRRI), kailangang humanap ang gobyerno ng paraan para mapataas ang sweldo ng mga manggagawa sa agrikultura para pumantay sa pasahod sa ibang sektor para maengganyo silang manatili sa pagsasaka.

Walang iisang solusyon sa mga problema ng mga magsasakang Pilipino. Kailangan ng mahabang panahon para makita ang mga resulta ng mga isinusulong na pagbabago. Kelan bibigyan ng gobyerno ng kaukulang pansin ang agrikultura?

Source:

Ocampo, K. R. (2019, November 17). Where have PH farmers gone? Neda tracks 7-yr dip in agri labor. Retrieved from Philippine Daily Inquirer: Where have PH farmers gone? Neda tracks 7-yr dip in agri labor