MAAPEKTUHAN BA ANG PILIPINAS SA BADYANG RECESSION SA ASIA?

Posibleng oo. Posibleng hinde. Depende sa kumporme. Hehehe

May Pangambang Recession sa Asia Dahil sa Di Paglago ng Manufacturing

Dahil di lumago ang mga pabrika sa maraming bansa sa Asya noong isang buwan at dahil sa umiigting rin ang trade war ng US at China, nagkakaroon tuloy ng pangambang magkaroon ng pagbagsak ng ekonomiya sa buong mundo. Mayroon ding pressure para sa mga gumagawa ng polisya sa rehiyon na magbigay ng mas maraming tulong.

Inaasahang mas lalala pa ang sitwasyon sa manufacturing sa darating na mga buwan dahil sa mas mataas na buwis sa mga produkto. Ganun din, mababa rin ang kumpyansa ng mga negosyo at mamimili na posibleng humantong sa pagkawala ng mga trabaho at pagkaantala ng mga desisyon hinggil sa pamumuhunan.

Inaasahan ng ilang ekonomista na magkakaroon ng recession sa buong mundo at magkukumahog ang mga bansa na ibagsak ang interest rates kapag di natapos ang girian ng US at China.

Inaasahang magkakaroon ng pagpupulong sina Donald Trump at Xi Jinping ngayong Hunyo sa G20 Summit sa Japan.

Lumago nang kaunti ang manufacturing sa China, ayon sa Caixin/Markit Manufacturing Purchasing Managers’ Index. Medyo nakahinga nang maluwag ang ilang investors.

Ngunit, di optimistic ang outlook dahil sa di lumago ang produksyon, nanatiling di gumagalaw ang mga presyo sa pabrika, at di rin maganda ang sentimyento ng mga negosyo.

Di lumago ang produksyon sa Japan, Malaysia, South Korea, at Taiwan. Di rin naman kagandahan ang performance ng Vietnam. Nagtala naman nang kaunting paglago ang manufacturing sa Pilipinas.

Inaasahang bababa ang demand ng mga produkto sa Europe, China, at US kaya apektado ang buong Asia sa pangkalahatan.

Ang mga central banks sa Australia at India ay inaasahang magbababa ng interest rates ngayong linggo. Inaasahan namang susunod ang iba pa.

Paglilihis ng Kalakalan

Sa India, lumago ang manufacturing sector dahil nakadepende ito sa domestic demand o pangangailangan ng mga mamimili roon. Pinalakas pa ito ng pagkapanalo ni Prime Minister Narendra Modi sa halalan.

Pero, importante ang pagpapatupad ng mga reporma para sa ekonomiya dahil sa ang pinakamababang paglago nito ay naitala sa loob ng apat na taon.

Ganun din naman sa Pilipinas, malakas ang demand ng mga produkto sa lokal na merkado. Samantala, makikita ang epekto ng mataas na buwis sa produkto sa Vietnam.

Ayon sa pagsusuri ng Societe Generale, nakinabang ang mga bansang Germany, South Korea, Mexico, at Taiwan sa pagpapatupad ng buwis sa mga produktong galing China sa US.

Malaki rin ang benepisyo na natanggap ng Vietnam dahil sa lumilipat ang mga pabrika dito mula sa China. Paborito din ng mga pabrikang umaalis ng China ang Thailand.

Lumala ang awayan ng China at US noong isang buwan dahil sa pagdedesisyon ni Trump na itaas sa 25% ang buwis sa mga Chinese imports.

May bagong taripa rin ang US laban sa Mexico na posibleng makadagdag sa takot sa recession ng buong mundo.

Inaasahan ang pagganti ng China sa mga ginagawa ng US lalo na sa usapin ng pakikialam ng huli sa security disputes ng una sa Taiwan at sa South China Sea.

Bumagsak ang Produksyon sa Pilipinas noong Abril

Ayon sa Philippine Statistics Authority, umurong ng 14% ang produksyon sa Pilipinas. Ito na ang pinakamalaking pagbagsak sa loob ng 10 taon.

Ayon sa datos ng PSA, nagtala ng pagbagsak nang 14% ang Volume of Production Index (VoPI) o produksyon ng mga pabrika. Ito ay may mataas sa 9.5% na pagbagsak noong Marso at mas mababa sa 21% na paglago na naitala noong April 2018.

Mga di lumagong industriya noong April 2019:

  • Tobacco products (-29.2%)
  • Leather products (-25.5%)
  • Petroleum products (-24.3%)
  • Food manufacturing (-20.6%)
  • Furniture and fixtures (-19.6%)
  • Basic metals (-16.2%)
  • Transport equipment (-11.8%)

Ano ang Manufacturing Purchasing Managers’ Index?

Ngunit, nagtala naman ng 50.9 ang Nikkei Philippines Manufacturing Purchasing Managers’ Index noong Abril. Ito ay mas mababa sa naitalang 51.5 noong Marso.

Kapag mas mataas ang Purchasing Managers’ Index (PMI) sa 50, ibig sabihin ay bumubuti ang kondisyon sa pagnenegosyo kumpara sa nakaraang buwan. Kapag bumagsak sa 50 ang PMI, ibig sabihin ay nag-deteriorate o lumala ang kondisyon ng pagnenegosyo.

Nakabawi ang Produksyon ng Pabrika Noong Mayo

Nakabawi naman kahit papaano ang manufacturing sa Pilipinas noong Mayo. Nagtala ng 51.2 Nikkei Philippines Manufacturing Purchasing Managers’ Index noong Mayo. Ito ay badya ng maliit ngunit malakas na pagbuti ng kalagayan ng sektor ng manufacturing.

Mas marami ang bagong order sa mga produktong Pilipino. Tumaas kasi ang demand sa ating mga produkto sa ibang bansa.

Ano-ano ang Kasama sa PMI?

  • 30% new orders
  • 25% output
  • 20% employment
  • 15% suppliers’ delivery times
  • 10% stocks of purchases

Malaki ang Pag-asa ng Magandang Takbo ng Manufacturing

Ayon kay Security Bank Chief Economist Robert Dan J. Roces, ang pagbuti ng PMI ay posibleng unang hakbang para maging positibo ang pananaw tungkol sa paglago ng ekonomiya. Ganun din, posibleng mas maraming investments ang ilagak ng mga namumuhunan dahil dito.

Dahil sa pagbaba ng interest rate at inflation, pagbuti ng business sentiment, mas posible ang malakas na paglago ng ekonomiya sa mga susunod na buwan.

Kung hindi lalala ang trade war ng China at US, posibleng mas bumuti ang kondisyon ng manufacturing para isulong ang paglago ng ekonomiya.

Ayon naman kay ING Bank N.V. Manila Senior Economist Nicholas Antonio T. Mapa, ang pagdami ng new orders ay isang magandang senyales na makabawi ang produksyon ng agrikultura. 33% kasi ng kabuuang produksyon ng sektor ng manufacturing ay galing sa food manufacturers.

Posibleng makabawi ang Pilipinas sa malamyang paglago ng ekonomiya na naitala noong unang tatlong buwan ng 2019. Posible rin ang pagbuti ng performance ng mga sektor ng agrikultura at industriya para masuportahan ang paglago ng sektor ng serbisyo para mas maging balanse ang paglago ng ekonomiya.

 

Sources:

Business World. (2019, June 4). Factory output declines for the fifth straight month in April, worst in almost a decade. Retrieved from Business World: Factory output declines for the fifth straight month in April, worst in almost a decade

Ignacio, R. N. (2019, June 4). Factory activity growth recovers in May. Retrieved from Business World: Factory activity growth recovers in May

Reuters. (2019, June 4). Recession fears grow as manufacturing shrinks in Asia. Retrieved from Business World: Recession fears grow as manufacturing shrinks in Asia