JUNE INFLATION PINAKAMABABA SA LOOB NG 2 TAON

2.7% ang naitalang inflation rate noong June pero mataas pa rin ito kumpara noong bago pa maupo si Duterte bilang Pangulo.

Inflation noong Hunyo pinakamabagal sa loob ng dalawang taon

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nagtala ng 2.7% inflation noong isang buwan. Ito ay mas mababa sa 3.2% na naitala noong Mayo at sa 5.2% na naitala noong June 2018. Ito na ang pinakamabagal na pagtaas ng inflation simula noong August 2017 kung saan nagtala ng 2.6% na inflation rate.

Ang June inflation ay nasa pagitan ng target na 2.2%-3% ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Ito rin ay mas mababa sa 2.9% average inflation na estimates ng 12 ekonomista.

Nasa 3.4% na ang year-to-date inflation at higit na mas mataas sa 2.9% na estimates ng average full-year inflation.

Samantala, nasa 3.3% naman ang naitalang core inflation rate. Ito ay mas mababa sa 3.5% na naitala noong Mayo at sa 4.3% na naitala noong June 2018. Ang core inflation rate ay inflation na di isinasama ang mga presyo ng pagkain at enerhiya dahil pabago-bago ang mga ito.

Bakit bumagal ang inflation noong Hunyo?

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), patuloy na nararamdaman ang epekto ng mga polisiya ng gobyerno na ipinatupad noong isang taon. Ganun din, malaking tulong ang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law dahil napababa nito ang halaga ng bigas dahil sa pagpasok ng sapat na supply mula sa ibang bansa.

RELATED: RICE TARIFFICATION, NAGPASOK NG 5.9B SA KABAN NG BAYAN. DAPAT KA BANG MATUWA

Ayon naman sa mga ekonomista, bumagal ang pagtaas ng presyo ng pagkain at inuming di nakakalasing. Malaki kasi ang porsyento ng pagkain at non-alcoholic beverage index sa inflation. Bumababa rin kasi ang halaga ng langis sa pandaigdigang merkado.

Pananaw tungkol sa inflation

Ayon kay Department of Finance Undersecretary at Chief Economist Gil S. Beltran, hindi lumalampas sa 0.5% ang inflation sa pagkain kung pagbabasehan ang galaw ng presyo kada buwan. Wala ring masyadong epekto ang galaw ng presyo sa ibang bagay.

Inaasahan ng gobyerno na di lalampas sa 4% ang inflation rate kung hindi lalampas sa 0.5% ang pagtaas ng presyo buwan buwan.

Inaasahan ding mas babagal ang inflation dahil sa bumabalik na sa normal ang supply. Bumaba rin ang halaga ng langis sa buong mundo sa malaking parte ng taon, ngunit inaasahang mas mataas pa rin ito kumpara noong isang taon.

Kung makokontrol ang supply, asahan na ang mabagal na pagtaas ng inflation para sa 2019 at 2020.

Pwede nang magdesisyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas na ibaba ang interest rate dahil inaasahan naman ang patuloy na pagbagal ng inflation rate. Posibleng ibaba sa 3.75% ang interest rate hangggang sa unang bahagi ng 2020.

Mas mataas pa rin ang naitalang inflation kumpara noong magsimula ang rehimeng Duterte

Ayon sa IBON, bagama’t bumagal ang June inflation, nananatiling mataas pa rin ang halaga ng pagkain kumpara noong bago umupo si Duterte. Hindi na matustusan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino dahil sa hindi naman tumataas ang sweldo at kinikita nila.

RELATED: Mataas na Presyo, Di Nagbagong Sahod Kahit na Mababa ang Inflation

Patuloy ang pagtaas ng halaga ng pagkain hangga’t napapabayaan ng gobyerno ang agrikultura at patuloy itong nakadepende sa pag-angkat.

Palalalain lamang ng Rice Tariffication Law ang krisis sa agrikultura dahil mas pinili ng gobyerno na mag-angkat ng pagkain. Hindi pa rin nakakasigurado ang mga Pilipino na magiging mura at matatag ang halaga ng bigas bagkus lubhang maapektuhan pa ang kabuhayan at kinikita ng mga rice farmers.

Bumagsak na ang farm gate price ng palay sa 17.91 piso kumpara noong isang taon. Imbes na umasa sa pag-angkat ng bigas, dapat pag-ibayuhin ng gobyerno ang produksyon ng bigas sa bansa. Ito lamang ang tunay na makakapagpababa ng presyo ng pagkain sa bansa.

Magiging mas katanggap-tanggap ang mababang inflation rate kung mas mataas ang kita ng mga Pilipino. Maliban sa pagpapatuloy ng pagbebenta ng NFA rice, mas mabuting itaas din ng gobyerno ang sahod ng mga manggagawa.

Mabuti kung patuloy ang pagbagal ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ngunit ang tunay at pangmatagalang pagbagal ng inflation rate ay masisigurado lamang kung aayusin ng gobyerno ang krisis sa agrikultura.

 

Sources:

Castañeda, C. S. (2019, July 5). Inflation slowest in almost two years in June. Retrieved from Business World: Inflation slowest in almost two years in June

IBON Media. (2019, July 6). Prices still higher now than since start of Duterte admin. Retrieved from IBON Foundation: Prices still higher now than since start of Duterte admin