Inclusive Growth: Di Pa Rin Ramdam Sa Pilipinas

inclusive growth

Masyadong mailap ang inclusive growth para sa ordinaryong Pilipino. Ano ang dapat gawin?

IMF: Kailangang maramdaman na ng mga Pilipino ang inclusive growth

Ayon sa International Monetary Fund (IMF), kailangang maiparamdam na sa mga mahihirap ang paglago dahil sa inulat na naman ng bansa na nagkaroon na ng malakihang pagbabago sa pagpapababa ng bilang ng mga mahihirap. Maiiwasan ang kaguluhan at pagrereklamo ng mga Pilipino kung nararamdaman nila ang epekto ng paglago ng ekonomiya sa mga buhay nila.

RELATED: Philippine Poverty: Bumaba Nga Ba?

Kailangang siguraduhin ng gobyerno na ang anumang programa para sa pagbabawas ng bilang ng mga mahihirap ay tukoy at di lamang sa epekto ng “trickle down,” ayon kay IMF for Asia and Pacific director Changyong Rhee. Para sa 2020, ang forecast ng IMF ay lalago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 6.3% dahil na rin sa mababang interest rates at paglago ng government spending.

Kailangang isaisip ng gobyerno na maiparamdam ang anumang bunga ng mataas na paglago ng ekonomiya sa mas maraming Pilipino. Marami pa rin kasi ang mahirap na mga Pilipino at hindi pa rin pantay pantay ang estado nila. Bumagsak sa 16.6% noong 2018 ang poverty incidence. Noong 2015, nasa 23.3% ito. Ibig sabihin, 166 sa bawat 1,000 Pilipino ay mahirap pa rin. Hindi sapat ang kanilang kinikita para sa kanilang basic needs.

Ang pagkakaroon ng national ID ay makakatulong sa Pilipinas para mapabilis ang pagbaba ng bilang ng mahihirap dahil mas mapapaigting ang pagkolekta ng buwis at pagbibigay ng mga serbisyo sa mga Pilipino. Ang IMF ay nagiging family doctor na sa Asia at hindi na emergency doctor kung may krisis. Importante ang multilateralisim ngayong nauuso ang populism sa US at Europe.

Pagbawi ng paglago

Ang forecast ng IMF ay 6.3% gross domestic product (GDP) para sa taong ito samantalang nasa 6.5% – 7.5% naman ang forecast ng economic managers ni Duterte. Mas mataas ang projection ng IMF sa GDP ng Pilipinas kumpara sa projections ng Asian Development Bank (ADB), S&P, ASEAN+3 Macro Research Office at Fitch Solutions. Ayon kay Rhee, maganda ang economic performance ng bansa kahit na mayroong global slowdown. Inaasahan nya ang pagpapatuloy ng reporma para sa patuloy na paglago ng Pilipinas.

Mga manggagawa di pa rin nararamdaman ang paglago ng ekonomiya

Ayon sa Federation of Free Workers vice president Julius C. Cainglet, hindi naman nabenepisyuhan ang mga ordinaryong Pilipino ng sinasabing paglago ng bansa. Noong third quarter ng 2019, tumaas sa 21.5% ang joblessness rate. Ito ay katumbas ng 10M Pilipinong may gulang na walang trabaho. Noong June 2019, nasa 20.7% o 9.8M Pilipino lamang ito.

Hindi naman naibabahagi ng mga naglalakihang negosyante ang kanilang kita sa mga trabahador nila. Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank, ang tunay na sahod ng mga Pilipino sa buong bansa ay hindi naman tumaas sa loob ng 15 taon. Lumalala rin ang di pagkakapantay-pantay ng estado ng pamumuhay at ang paglaganap ng kahirapan maging sa mga may trabaho.

Nasa 5.8% ang average GDP growth ng bansa sa unang tatlong quarters ng 2019. Nasa 6.2% pa nga ang GDP noong third quarter.

Ayon naman sa Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines, kapag hindi maganda ang mga polisiya, hindi ito nakakagawa ng mga trabaho kaya tumataas lamang ang joblessness rate sa bansa. Hindi natutugunan ang problema sa mataas na singil sa kuryente, masyadong masikip na daloy ng trapiko, red tape, hindi maganda at lumang transportasyon at logistics ang mga dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng walang trabaho.

Ganun din, ang planong pagbabago sa corporate income taxes at incentives ay posibleng maging balakid sa pag-engganyo ng mga investors sa bansa. Ayon sa Department of Finance (DOF), inaasahan nila ang pagkakaroon ng bagong 1.5M na trabaho kapag naipatupad na ang mga reporma sa pagbubuwis ngunit ayon naman sa Joint Foreign Chambers (JFC), 700,000 trabahador ang mawawalan ng trabaho kapag ipinatupad ng gobyerno ito.

Sa ngayon pa lang, nagbabawas na ang mga kumpanya ng mga empleyado at inaasahan nilang magsasarado na lamang sila ng mga pabrika nila at ililipat na lamang ang mga ito sa ibang bansa kapag ipinatupad ng gobyerno ang planong Corporate Income Tax and Incentive Rationalization Act (CITIRA).

Sa datos noong Setyembre, sa 10M Pilipinong walang trabaho, 4.4M doon ang boluntaryong umalis sa kanilang kumpanya samantalang 3.9M naman ang natanggal. 1.6M lamang ang mga walang trabaho para sa mga first time job seekers. Ngunit ayon sa SWS, 53% ng mga Pilipino ang positibo pa rin sa posibilidad ng pagkakaroon ng maraming oportunidad para makapagtrabaho sa susunod na 12 buwan. 13% lamang ang pesimistiko.

Mga haligi para mas magkaroon ng inclusive growth

Sa artikulo ni Joey Concepcion sa Philippine Star, binanggit nya ang tatlong haliging dapat pagtuunan ng pansin kung ibig ng gobyerno na maramdaman ng mas maraming Pilipino ang paglago ng ekonomiya.

  • Turismo

Ang mga imprastraktura ng gobyerno sa ilalim ng Build, Build, Build ay nakagawa ng mga airport, pantalan, daan, at tulay na syang nakakapag-ugnay ng mga probinsya. Dahil dito, mas nagkaroon ng access ang mga micro at small businesses sa mga pamilihan. Mas madali nilang nadadala ang kanilang mga produkto at serbisyo sa iba’t ibang lugar. Ang ganitong inisyatibo ay nakakaapekto rin sa turismo dahil sa mas maraming isla at tourist spots ang pwedeng mabisita ng mga local at foreign tourist.

Mas maraming Pilipino ang nagtatayo ng mga negosyo gaya ng mga restaurants, souvenir shops, hotels, at resorts dahil sa lumalaki rin naman ang demand para rito. Kaya nga kung magiging mas sustainable ang tourism industry, posibleng higit pa sa 7.1M turista na naiulat noong 2018 ang bibisita sa bansa. Maganda ang mga natural resources ng Pilipinas at pwede nating kumpetensyahin ang Thailand na dinarayo ng 38M turista taun taon.

  • Agri-business

May mga farm models ang Go Negosyo na inilunsad sa Mindanao para turuan ang mga magsasaka ng tamang techniques at iba’t ibang teknolohiya para mas dumami ang kanilang ani. Ganun din, maraming mga malalaking kumpanya ang tumutulong sa mga magsasaka sa pamamagitan ng inclusive business models. Sa tulong ng Department of Agriculture (DA), nagbibigay din ang Go Negosyo ng mentorship programs.

Ang pagpapatupad ng Rice Tariffication law ang syang nagpapasok ng imported rice sa bansa, ngunit mayroon namang safety nets ang mga magsasaka ng bigas sa bansa. Ang buwis na nakokolekta ay gagamitin para suportahan sila at maturuan para mas maging competitive sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga binhi, farming tools, at iba pang teknolohiya.

  • Digitalization

Ang digitalization ang syang sinasabing pinakamalakas na driver ng economic growth. Dahil nasa fourth Industrial Revolution na ang bansa, kailangang matuto na rin ang mga entrepreneur sa pagmamaniobra sa digital world. Iba’t ibang digital platforms na ang nailunsad para magkaroon sila ng access sa merkado, kapital, at mentorship. Mas maraming Pilipino ang kumikita dahil sa mga platforms gaya ng Shopee, Lazada, Angkas, at Grab at nagbukas ng panibagong market para sa mga entrepreneur. Kailangang maging bukas ang mas maraming Pilipino sa posibilidad at oportunidad na dulot ng digitalization.

RELATED: Gross Domestic Product: Kulang na Sukatan

Makakamit ng mas maraming Pilipino ang kasaganaan kung binibigyan ng pansin ang pagkaka-ugnay ugnay ng tatlong haliging ito. Mas maraming infrastructure projects sa mga probinsya at pagpapabuti ng mga telco companies ng kanilang serbisyo para mas malawak ang online connectivity ang syang makakatulong sa mas maraming Pilipino.

Hindi ganun kadali ang inclusive growth na ninanais ng mga ordinaryong Pilipino. Nangangailangan ito ng pagtaya ng gobyerno, ng mga negosyante, at mamamayan para pagtulung-tulungang maabot ng kasaganaan ang mas maraming tao.

Sources:

Concepcion, J. (2019, April 4). Pillars for greater inclusive growth. Retrieved from The Philippine Star: Pillars for greater inclusive growth

Cortez, G. M. (2019, November 25). Labor sector criticizes non-inclusive growth. Retrieved from Business World: Labor sector criticizes non-inclusive growth

Yang, C. (2020, January 17). Manila’s ‘significant’ gains vs poverty must translate to inclusive growth: IMF. Retrieved from ABS-CBN News: Manila’s ‘significant’ gains vs poverty must translate to inclusive growth: IMF