Imported Red Onions: Manggagaling sa China

imported red onions

Nasa 260 pesos na raw ang kilo ng sibuyas kaya nagdesisyon ang gobyerno na papasukin ang imported red onions galing China.

Pilipinas magpapapasok ng imported red onions galing China

Ayon sa Department of Agriculture (DA), pinag-iisipan nitong mag-angkat ng pulang sibuyas mula sa China at iba pang bansa para mapababa ang presyo nito sa mga pamilihan. Sa unang press briefing ni DA Secretary William Dar, pinayagan nya ang pag-angkat ng red onions at distribusyon nito sa mga pamilihan habang di pa panahon ng anihan hanggang kalahatian ng Pebrero. Ibig din naman nyang protektahan ang ikinabubuhay ng mga Philippine onion farmer.

RELATED: Naka-Louis Vuitton ang mga Kawatan sa Agrikultura

Ayon kay Dar, hanggang sa mid-February lamang pinapayagang pumasok ang mga imported red onions para walang kompetisyon ang mga magsasaka kapag dumating na ang panahon ng anihan sa Marso. Base sa price monitoring ng DA noong January 3, ibinebenta ang pulang sibuyas sa halagang 200 pesos kada kilo o 14 pesos isang piraso sa ilang supermarket sa Metro Manila.

Noong isang linggo, ibinenta ang pulang sibuyas mula 180 – 260 pesos kada kilo sa mga sumusunod na palengke:

  • Pasay Public Market
  • Quinta Market
  • Sangandaan Market
  • Blumentritt Market
  • Susano Novaliches Market

Nasa 150 – 200 pesos naman ang red onions sa ilang grocery sa Metro Manila noong December 25.

Problema sa storage facilities ng red onions

Matatandaang ipinasuspinde ni dating DA Secretary Manny Piñol ang importation ng bulb onions noong isang taon habang hinihintay ang imbestigasyon ng Philippine Competition Commission (PCC) at National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa cartel na syang nagmamanipula ng presyo ng lokal na sibuyas. Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Piñol na suspindido ang importation para hindi mabenepisyuhan nang husto ang cartel dahil pilit nilang ibinababa ang presyo ng lokal na sibuyas dahil ipinaparenta at isinasarado nila ang mga storage facilities ng mga magsasaka.

Bumagsak ang halaga ng pulang sibuyas mula 30 piso kada kilo bago ang anihan at bumaba pa ito hanggang 15 piso kada kilo. Maganda ang ani ng sibuyas mula sa Central Luzon, Mindoro, at Iloilo at nagpasimula nang manipulahin ng mga traders ang merkado. Inilalagak kasi ng mga magsasaka ang kanilang sobrang ani sa cold storage facilities at inilalabas lamang kapag hindi na panahon ng anihan.

Pondo ng gobyerno ang ginamit sa pagtatayo ng ilang storage facilities at ito ay ipinamahala sa ilang kooperatiba ng mga magsasaka. Ang ilan ay nakikipagsabwatan sa mga malalaking traders.  May tatlong cold storage facilities na pinondohan ng gobyerno sa Tarlac, Iloilo, at Mindoro ang inaasahang matapos para karagdagang tulong sa mga magsasaka.

Problema sa pagpresyo ng mga traders sa lokal na sibuyas

Ayon kay dating Second District Board Member at farmer leader Joseph Ortiz, laging kinukwestyon ng mga trader ang kalidad ng sibuyas ng mga magsasaka dahil ayaw nila itong bilhin sa tamang halaga. Kapag malaki ang sibuyas, sinasabi nilang oversized ang mga ito. Ayaw naman din nilang tanggapin ang mga maliliit na sibuyas. Frustrated na rin naman ang mga magsasaka at itinatapon na lamang sa kalsada ang kanilang mga ani.

Ayon sa Office of the Provincial Agriculturist, higit as 21,086 farmers ang nagtanim ng sibuyas sa 11,502.84 ektarya sa 22 bayan at siyudad sa Nueva Ecija noong isang taon. Sobrang baba lamang ang pagkabili ng mga traders ng kanilang ani sapagkat kinokontrol ng mga traders na ito ang presyuhan sa merkado para magkaroon ng malaking kita.

Problema sa smuggling ng sibuyas

Nasa alert status ang Bureau of Customs (BOC) simula noong 2018 dahil sa mga dumating na mga shipments na idineklarang agricultural products. May mga nasabat na imported red onions ang BOC noong July 2019. Isa sa apat na shipments ay deklaradong 3,300 kahon ng fresh apples, ngunit nang dumaan sa X-ray at physical inspection, mga pulang sibuyas pala ang mga ito. Tinayang nasa 1.8M piso ang halaga ng mga nasabat na red onions.

RELATED: Magsasakang Pilipino, Nasaan Nga Ba Sila?

Malinaw ang panggigipit ng mga traders sa lokal na magsasaka ng sibuyas para mapapasok ang imported red onions. Pagkagahaman sa mas malaking kita ang syang pumapatay sa industriya. Hanggang kailan papayagan ng gobyerno ang ganito?

Sources:

CNN Philippines Staff. (2020, January 3). PH to import red onions from China. Retrieved from CNN Philippines: PH to import red onions from China

Ignacio, R. N. (2019, July 11). BoC foils attempts to smuggle onions, sugar, rice worth P15.5M. Retrieved from Business World: BoC foils attempts to smuggle onions, sugar, rice worth P15.5M

Ison, L. (2019, March 22). DA suspends onion importation. Retrieved from Philippine News Agency: DA suspends onion importation