Imported Pork may African Swine Fever

imported pork

Nakakapasok ang African Swine Fever dahil sa imported pork na di naman sumusunod sa quarantine procedures.

SINAG balak kasuhan ang gobyerno dahil sa imported pork

Nagbanta ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na kakasuhan ang mga ahensya ng gobyerno dahil sa di pagsusuri ng mga imported pork at mga processed meat na posibleng may African Swine Fever (ASF). Nagpadala na ang grupo ng mga sulat sa Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), at Bureau of Customs (BOC).

RELATED:Ano ang Epekto ng African Swine Fever sa Tao?

Ayon kay SINAG Chairman Resendo So, hindi sila mag-aatubiling magsampa ng kaso sa Ombudsman at sa mga korte laban sa mga opisyal ng gobyerno na nagkulang sa pagpapatupad ng Quarantine First Policy. Hindi sinuri ang mga mga inangkat na produktong may baboy sa port of entry.

Pinadalhan din ng grupo ang mga ahensya ng kopya ng clinical laboratory report mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) na nagpapakitang ang ilang kinakain sa agahan ay positibo sa ASF. Hindi naman binanggit sa ulat ang mga brand ng hotdog, longganisa, at tocino na positibo sa ASF. Di pa nagkokomento ang DA tungkol sa report ng sarili nitong ahensya.

Noong isang linggo, inutusan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na wag magpatupad ng ban sa mga processed meat products dahil ligtas ang mga ito kung dumaan sa pagsusuri ng National Meat Inspection Service (NMIS) at DA. Umapila rin si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez sa mga mayor at governor na payagang makapasok ang mga produktong may baboy sa kanilang mga lugar.

Ngunit, wala namang balak sundin ng ilang opisyal ang utos ng DILG dahil ayon kay Cebu Governor Gwen Garcia, hindi nya pwedeng ikumpromiso ang kalusugan ng kanyang nasasakupan. Kumpirmado ang pagkakaroon ng ASF sa Quezon City, Bulacan, Rizal, at Pangasinan.

May import ban din sa mga produktong may baboy na mula sa mga bansang may reported cases ng ASF gaya ng mga sumusunod:

  • Russia
  • Czech Republic
  • Ukraine
  • Moldova
  • Zambia
  • South Africa
  • Hungary
  • Belgium
  • Bulgaria
  • Latvia
  • Romania
  • Poland
  • China (kasama na ang Hong Kong at Macau)
  • Cambodia
  • Vietnam
  • Mongolia

Mga baboy lamang ang may ASF, ngunit pwedeng carrier ng virus ang mga tao at maging dahilan ng mas paglaganap pa nito. Mabilis kumalat ang ASF na magdudulot ng kamatayan sa baboy sa loob ng tatlo hanggang limang araw na syang malaking banta sa supply ng pagkain.

PAMPI nababahala sa ASF test report

Hiniling ng Philippine Association of Meat Processors Inc. (PAMPI) na pangalanan na ng BAI ang manufacturer ng hotdog, longganisa, at tocino na naging positibo sa ASF virus dahil milyong milyong Pilipino ang kumakain nito araw araw. Ayon kay PAMPI Vice President Jerome Ong, para hindi na pagdudahan pa ang buong industriya, kailangang ilabas na ng gobyerno ang brand.

Ayon sa Organization of Animal Health, hindi naman health risk ang ASF sa mga tao pero posible silang maging carrier ng virus kapag nakakain sila ng baboy na maysakit. Ayon kay DA Spokesperson Noel Reyes, kailangan pang beripikahin ang report kaya hindi pa sila makapaglabas ng pahayag. Ayaw din namang magkomento ng ibang opisyal ng BAI. Batay sa international standards, kailangang lutuin ang canned meat products sa 116 degrees Celsius nang higit sa isang oras samantalang ang mga proceed meat product naman gaya ng hamon at hotdog ay kailangang lutuin sa higit na 72 degrees at higit sa isang oras.

Ang ASF ay kumakalat sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Paglapit sa baboy na maysakit
  • Pagkain ng mga produktong maysakit na baboy
  • Paglapit sa anumang bagay na kontaminado ng virus gaya ng damit, sasakyan, at mga kagamitan
  • Kagat ng mga insektong kontaminado ng virus

Mekeni itinangging nagproseso sila ng baboy na may ASF

Itinanggi ni Mekeni Food President Prudencio Garcia na sila ang kumpanyang tinutukoy sa report ng BAI na may mga produktong kontaminado ng ASF. Kinumpirma kasi ni DA Spokesperson Reyes na may mga nasabat na hotdog, tocino, at longganisa sa Mindoro port na positibo sa ASF. Hindi naman nya sinabi kung anong brand ang mga ito ngunit may source na nagsasabing galing ang mga ito sa nasabing kumpanya na may planta sa Pampanga na isa sa mga probinsyang tinamaan ng ASF.

Ayon kay Reyes, posibleng kumpiskahin ng NMIS ang mga produkto ng kumpanyang sangkot sa isyu. Ang Pampanga ang isa sa mga lugar na pinakaraming apektong baboy. 20,000 na ang napaulat na namamatay doon dahil sa virus. Ginagantiyahan naman ni Garcia na ligtas ang kanilang mga produkto dahil may mga certificate at permit itong galing sa gobyerno. Ayon din sa kanya, base sa NMIS report, posibleng nahalo ang mga produkto ng kumpanya sa ibang produktong papuntang Mindoro.

Ayon kay Reyes, tanging ang NMIS at Food and Drug Administration (FDA) lamang ang pwedeng magbigay ng detalye tungkol sa mga nasabat na produkto. Ganun din, gawa ng local company ang mga produkto at hindi imported. Posibleng homemade pa nga ang mga ito. Itinatago kasi ng mga backyard hog raisers ang kanilang maysakit na baboy dahil ayaw nilang patayin ang mga ito. Ibinebenta pa rin nila ang mga ito sa mga trader at pinoproseso.

RELATED: MAISASALBA PA BA ANG SEKTOR NG AGRIKULTURA SA PILIPINAS?

Aminado rin naman ang PAMPI na hindi rin naman dumadaan sa ASF testing ang mga ginagamit nilang raw materials. Dumadaan lamang ang mga ito sa visual inspection ng NMIS. Ipinapaubaya naman nito sa mga myembro kung ipapa-test nila para sa ASF ang mga pork materials. Hindi myembro ng PAMPI ang Mekeni.

Importante na maging transparent ang gobyerno hinggil sa mga produktong may ASF. Di man ito masama sa kalusugan ng tao, nagiging carrier din naman ang ito para lumaganap ang virus. Ganun din, ipatupad nang maayos ang quarantine sa imported pork.

 

Source:

Miraflor, M. (2019, October 24). Mekeni Food not processing ASF-contaminated raw pork, says President. Retrieved from Manila Bulletin: Mekeni Food not processing ASF-contaminated raw pork, says President

Ocampo, K. R. (2019, October 24). Meat processors’ group airs concern over African swine fever test report. Retrieved from Inquirer: Meat processors’ group airs concern over African swine fever test report

Santos, E. (2019, October 24). Group threatens to sue gov’t as report shows pork products tested positive for African Swine Fever. Retrieved from CNN Philippines: Group threatens to sue gov’t as report shows pork products tested positive for African Swine Fever