IMF Loan: Salamat Pero Di Bale Na Lang

imf loan

Wala sa plano ni BSP Governor Ben Diokno na kunin ang IMF loan na iniaalok ng International Monetary Fund (IMF) sa mga myembrong bansa para tulungan silang makabangon sa pandemya.

Ben Diokno Di Planong Kunin ang IMF Loan

Sa isang pahayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno, sinabi nyang wala pang pangangailangan para kunin ang iniaalok na Short-term Liquidity Line ng IMF. Ayon sa kanya, natulungan ang Pilipinas ng mga ipinatupad na structural reforms at matatag na economic management kaya pumasok ang bansa sa COVID-19 crisis nang matatag ang posisyon.

RELATED: Ano Ang Panganib Sa Pagkatalaga Ni Ben Diokno Bilang BSP Governor?

Ang emergency liquidity loan ng IMF ay binuo para tulungan ang mga myembrong bansa sa kanilang paglaban sa pandemya ng coronavirus. Ito ay ayuda na ibinibigay sa mga bansang may matatag na policy frameworks at fundamentals na nahaharap sa isang short-term liquidity dahil sa capital flight ng mga takot na investors na syang nagdudulot ng pagbaba ng halaga ng local currency at mas nagpapataas ng inflation.

·       Nagtala ng Pinakamataas na Net Dollar Inflows ang Bansa Noong December 2019

May US$7.84B net dollar inflows ang Pilipinas sa pagtatapos ng December 2019. Ito na ang pinakamataas na naitalang net dollar inflow sa loob ng pitong taon. Ngunit kahit na may mga banta ang pandemya, inaasahan pa rin ng BSP governor na magtatala ang bansa ng US$3.7B net dollar inflows sa pagtatapos ng 2020.

·       Stable ang Philippine Peso

Ganun din, stable ang piso. Simula sa pagsisimula ng taon hanggang May 15, mas maganda ang naging performance ng ating piso kumpara sa mga kalapit na bansa. Ang ating piso ay pangalawa lamang sa New Taiwan Dollar na tumaas ang halaga kontra US dollar ngayong taon.

·       Mataas ang Dollar Reserves ng Bansa

Ayon  kay Diokno, nagtala ng US$89B dollar reserves ang Pilipinas sa pagtatapos ng March 2020. Ito ay 5.3 beses na mas malaki sa short-term debt base sa original maturity at 3.8 beses na mas malaki base sa residual maturity.

Sapat ang dollar reserves ng bansa para mabayaran ang 7.9 months na imports ng mga produkto at serbisyo. Inaasahan din ng BSP na magtatala ng US$93B gross dollars ang Pilipinas sa pagtatapos ng taon.

·       Kayang Pamahalaan ang Debt-to-GDP Ratio

Ayon kay Diokno, manageable pa ang debt-to-GDP ratio na naitala na mas mababa pa sa 40% sa pagtatapos ng 2019. Ibig sabihin, posible pang umutang ang gobyerno para sa malaking gastos ng bansa para makapagsimula muli ang ekonomiya matapos ang pandemya.

Mga Kritisismo sa International Monetary Fund at sa IMF Loan

Sa pagdaan ng panahon, iba’t ibang kritisismo na rin naman ang ibinato sa IMF at karamihan dito ay sumesentro sa mga kondisyon sa mga ipinapautang nito. Ganun din, kulang sa accountability at nagpapautang ito sa mga bansang maraming naitalang human rights abuses.

·       Mga Kondisyon sa IMF Loan

Mga kadalasang kondisyon para makakuha ng IMF loan ang isang myembrong bansa:

  • Pagbabawas ng pag-utang na nangangahulugan ng pagkakaroon ng mas mataas na buwis sa mamamayan at paghihigpit ng sinturon
  • Pagpapatupad ng mas mataas na interest rate para maging stable ang national currency
  • Pabayaang maging bankrupt ang mga kumpanya
  • Pagkakaroon ng pagbabago sa gobyerno gaya ng structural adjustment, deregulation, privatization, at pagbabawas ng korapsyon at bureaucracy

Ang problema sa mga ganitong polisiya ay kadalasang mas pinapalala pa nito ang sitwasyong pang-ekonomiya.

Halimbawa, noong 1997 Asian crisis, maraming bansa gaya ng Indonesia, Thailand, at Malaysia ay kailangang magpatupad ng mas mataas na interest rate at mahigpit na fiscal policy para mabawasan ang budget deficit at mapatatag ang halaga ng kani-kanilang pera ngunit, ang mga polisiyang ito ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng malalang recession at napakataas na bilang ng walang trabaho.

Noong 2001, ganito rin ang nangyari sa Argentina at ito ang nagdulot ng pagbagsak ng investment sa public services na syang nakasira sa ekonomiya nito.

·       Mga Reporma sa Exchange Rate

Noong pumasok ang IMF sa Kenya noong 1990s, itinulak nito ang central bank na tanggalin ang anumang kontrol sa capital overflows. Ang desisyong ito ang naging dahilan para naging mas madali sa mga korap na politiko na ilabas ng bansa ang mga pera nila. Ito ay isang ehemplo kung paano naging bigo ang IMF sa pag-intindi sa mga dinamikang umiiral sa isang bansa.

Tinuligsa na ang pamamaraang ito ni Joseph Stiglitz na isang ekonomista. Ayon sa kanya, ang pagkabigo sa pagkakaroon ng pinakamabuting polisiya para paunlarin ang kapakanan ng developing countries. Isang pagpapatunay ito na isinusulong ng IMF ang interes at ideolohiya ng Western financial community.

·       Devaluations

Sa pasimula, pinuna na ang IMF sa pagpapahintulot ng inflationary devaluations.

·       Kritisismong Neo-Liberal

Pinupuna rin ang mga neo-liberal policies gaya ng privatization dahil di ito kadalasang angkop sa sitwasyon ng isang bansa. Halimbawa, ang privatization ay nagiging daan para sa pagbuo ng mga pribadong monopolyo na syang nagsasamantala sa mga mamimili.

·       Kritisismo sa Pagpapatupad ng Free-market Reforms

Maliban sa pagpuna sa pagpapatupad ng free-market reforms, pinupuna rin ang IMF dahil sa masyado itong nagiging pakialamero. Ang mga naniniwala sa free market ay naninindigang mas makakabuting pabayaan ang capital markets na mag-operate nang walang ipinapatupad na interventions. Ayon sa kanila, ang anumang pagtatangkang impluwensyahan ang exchange rates ay mas nakakapagpalala lamang ng sitwasyon.

Ganun din, nagkakaroon ng moral hazard ang pagsasalba sa mga bansang may malaking utang dahil mas hinihimok pa nitong umutang ang mga ito matapos silang maisalba.

·       Kakulangan sa Transparency at Involvement

Pinupuna rin ang IMF sa pagpapatupad ng mga polisiyang walang konsultasyon sa mga apektadong bansa. Halimbawa, ipinilit ng IMF sa Korea na dapat agarang iendorso ng lahat ng presidential candidates ang kasunduang wala naman silang kinalaman at hindi pa nila lubos na naiintindihan.

·       Pagsuporta sa Diktadurya

Tinutuligsa rin ang IMF sa pagsuporta sa diktadurya sa Brazil at Argentina. Halimbawa, noong 1960s, natanggap ng IMF funds si Castello Branco samantalang maraming bansang tinanggihan ang organisasyon.

Mga Tugon sa Kritisismo sa IMF Loan

·       May Hamon Talaga ang Anumang Krisis

Dahil sa economic crisis ang kailangang solusyunan ng IMF, anumang polisiyang kanilang maiisipan ay may kaakibat na paghihirap. Imposible ang pagsasaayos ng balance of payments nang walang malakihang pagbabago.

·       May mga Tagumpay Din Naman ang IMF

Hindi masyadong nalalathala ang mga tagumpay ng IMF. Ganun din, ang mga kritisismo ay nakatuon lamang sa mga pansamantalang problema at naiisantabi ang pangmatagalang epekto ng kanilang solusyon. Natulungan ng IMF loan ang maraming bansa gaya ng Mexico noong 1982 at ng Cyprus at Greece kamakailan.

·       Kumpyansa ng mga Investors

Ang katotohanang mayroong nagpapautang gaya ng IMF ay isang importanteng bagay na syang nagpapalawig ng kumpyansa ng investors sa panahon ng krisis.

RELATED: CITIRA Bill: May Matitira Kayang Investors Pagkatapos?

·       Hindi Naman Inoobliga ang mga Bansa na Kunin ang IMF Loan

Ang mga bansa ang lumalapit sa IMF para umutang. Marami ang umuutang kaya may benepisyo rin naman ang IMF mula rito.

·       Madaling Target ang IMF

Minsan, kailangan din naman ng mga bansa ang magkaroon ng marahas na pansamantalang pagbabago pero kulang naman sila ng political will. Ang pakikialam ng IMF ang syang dahilan kung bakit nakakakuha ng IMF loan ang mga gobyerno pagkatapos ang sisi ay bumabagsak sa IMF kapag mayroon nang mga balakid sa pagpapatupad ng mga polisiya.

·       Mas Mabuti ang IMF Loan kesa sa Ibang Alternatibo

Ayon kay John Maynard Keynes na syang tumulong sa pagbabalangkas ng mga prinsipyo ng IMF, kabaligtaran ng Gold Standard ang IMF. Ito ay pagtatangkang mas mapabuti ang sistema ng international currency.

RELATED: Suportado ng IMF ang Pagbabawas ng Corporate Taxes

Sa kabilang banda, tama rin naman si Ben Diokno na huwag kuhanin ang IMF loan dahil matagal nang binabatikos ang International Monetary Fund sa masyadong pakikialam nito sa ekonomiya ng mga bansang may pagkakautang sa kanila. Hindi rin naman nangangahulugan na kung inayawan ni Diokno ang panibagong utang ay hindi na uutang ang Pilipinas sa ibang lenders para makalampas sa krisis na dulot ng pandemya ng coronavirus.

 

Sources:

Economics Help. (n.d.). Criticisms of IMF. Retrieved May 21, 2020, from Economics Help: Criticisms of IMF

Lucas, D. L. (2020, May 19). BSP chief on IMF emergency loan: ‘Thanks, but no thanks’. Retrieved from Inquirer: BSP chief on IMF emergency loan: ‘Thanks, but no thanks’