Hot Money: Patuloy ang Paglabas ng Bansa

hot money

Sa pagpapatuloy ng US-China trade war, patuloy rin ang paglabas ng hot money sa bansa.

Hot money lumisan ng Pilipinas noong Agosto

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, mas maraming foreign investments ang lumabas ng bansa noong Agosto dahil nawalan na sila ng gana sa paglalagak ng kanilang pera sa Pilipinas. Marami sa mga investors ang bigo sa pagbagal ng ekonomiya ng bansa. May pangamba rin sila sa mga nangyayari sa ekonomiya ng buong mundo.

RELATED: Southeast Asia Investments Apektado sa Trade War

76% ng mga investments ay napunta sa stocks sa Philippine Stock Exchange. 24% naman ay sa government-issued peso securities. Ang mga pumasok na investments ay galing sa UK, US, Hong Kong, Singapore, at Malaysia samantalang ang karamihan ng mga withdrawals sa investments ay galing sa mga US investors.

Ano ang hot money?

Ito ay mga foreign portfolio investments. Tinatawag itong hot money dahil sa mabilis itong pumasok at lumabas ng ekonomiya. Noong Agosto, nagtala ng $391.74M net outflow ang Pilipinas. Ito ay mas mababa sa naitalang $225.85M net inflow sa kaparehong period noong isang taon. Mas mababa rin ito sa $15.02M net inflow na naitala noong Hulyo.

Net investments = inflow – outflow

Inflow = investments na pumasok sa bansa

Outflow = investments na lumabas sa bansa

Net inflow = mas maraming investments ang pumasok kesa sa lumabas

Net outflow = mas maraming investments ang lumabas kesa pumasok

$1.605B ang kabuuang foreign portfolio investments na lumabas ng Pilipinas noong Agosto. Ito ay mas mataas nang $895.31M na outflow sa kaparehong period noong isang taon. Mas maliit ito kesa sa naitalang $1.666B gross outflow noong Hulyo.

$1.214B naman ang gross inflow noong isang buwan. Ito ay mas malaki kumpara sa $1.121B na naitala sa kaparehong period noong isang taon. Samantala, mas maliit naman ito sa naitalang $1.68B noong Hulyo.

Bakit mas malaki ang lumabas na foreign portfolio investments sa Pilipinas?

  • Patuloy ang US-China trade war
  • Nagbagsak ng halaga ng kanilang pera (yuan) ang China
  • Nagbago ang kita sa US Treasury bonds na syang senyales ng posibleng recession
  • Patuloy ang protesta sa Hong Kong
  • Mas mabagal na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas

Ayon sa mga economic analysts, ang pagpapatuloy ng US-China trade war at ang tinaguriang “ghost month” na naoobserbahan sa mga merkado sa Southeast Asia ang dahilan kung bakit maraming hot money ang lumisan ng bansa.

Higit sa $1B na ang lumabas na foreign portfolio investments ngayong 2019

Ayon sa datos ng BSP, nasa $1.1B na ang lumalabas na foreign portfolio investments mula Enero hanggang Agosto ng 2019. Kabaligtaran ito sa $602M na naitalang net inflow noong kaparehong period noong 2018. Ganun din, sa unang walong buwan ng 2019, nagtala ng 9.5% na pagtaas sa inflow sa $11.74B ngunit nagtala naman ng 27% na outflow sa $12.84B mula sa $10.11B noong isang taon.

Nakakabahalang pagbagsak ng overall investments

Hindi naman maganda ang mga balita tungkol sa overall investments sa Pilipinas. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 7 1/2 taon, bumagsak ang fixed capital formation ng ekonomiya. Nagtala ng negatibong paglago ito sa (-)8.5%.

Ang fixed capital formation ay ang kabuuang tunay na investments kasama ang mga investments mula sa loob at labas ng bansa, maging pampubliko o pangpribado man. Itong investments na ito ang nakakapagbigay ng trabaho at di ito hot money.

Nakakabala ang naitalang growth rate ng real investments dahil simula noong 2011 ay lumalago ito ng higit sa 10%. Noong second quarter 2018, nagtala ito ng 19.3% samantalang 30.3% naman ang naitala noong second quarter ng 2016.

Bakit negatibo ang paglago ng real investments sa Pilipinas?

Bumagsak ng 39% ang foreign direct investment (FDI) noong unang anim na buwan ng 2019. 54% ang ibinagsak ng FDI noon April-June. $3.57B lamang ang pumasok na FDI sa unang anim na buwan ng 2019.

Hindi naman dapat idahilan na bumagal ang ekonomiya ng buong mundo dahil sa tumaas ang FDI inflows ng Indonesia, Vietnam, at Malaysia.

Maganda ang epekto ng US-China trade war sa ating mga karatig-bansa. Maraming mga kumpanya sa China ang lumipat sa Vietnam para maiwasan ang mataas na buwis na ipinapataw ng US sa mga produktong galing sa China.

Matatandaang ibinandera ng mga economic managers ng rehimeng Duterte na posible nating maengganyo ang mga investors na ito na manatili sa Pilipinas. Ngunit, di naman ito nangyari.

Bumabagsak ang confidence index ng mga lokal na investors. Makikita ang pagbaba nito simula noong 2016 sa Confidence Index ng BSP Business Expectations Survey. Pero, higit pa rito, may kinalaman ang pagpapatakbo ng ekonomiya ng rehimeng Duterte.

Bumagsak ng 8.6% sa unang quarter ang public construction. Sinisisi ang Kongreso dahil sa naantalang pagpasa ng 2019 budget. Pero, kahit na naaprubahan na ang budget, mas bumagsak pa nga ng 27.2% ang public construction noong second quarter. Hindi na dapat isisi ito sa Kongreso. Ang mga ahensya na ng pamahalaan ang salarin. Hindi sila handa sa pagpapatupad ng mga proyekto.

Pwede kayang isalba ng mga pribadong local investors ang sitwasyon? 23.1% ang inilago ng private construction sa second quarter. Mas mainam ito kesa sa 9.1% na inilago sa kaparehong period noong isang taon. Ayon sa mga analyst, POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) ang dahilan kung bakit malaki ang inilago ng private construction.

Ang pagkakaroon ng POGO sa bansa ay nangahulugan ng pagdagsa ng ilegal na Chinese. Ilegal kasi ang pagsusugal sa mainland China kaya pumupunta sila rito para magtrabaho sa mga POGO. Pero, matatandaang hiniling ng China sa Pilipinas na ipatigil na ang POGO.

RELATED: Nasaan ang Pangakong Chinese Investments?

Kaya nga, maliban sa pagplano para sa post-BPO (business process outsourcing) dahil sa paglaganap ng Artificial Intelligence (AI), kailangan ding planuhin ang post-POGO.

Ang patuloy na pagbagsak ng hot money investments, pati na rin ng overall investments, ay isang senyales na may problema ang rehimeng Duterte sa pagpapatakbo ng ekonomiya. Tiyak sasabihin ng mga DDS, ikaw na lang kaya ang magpresidente?

 

Sources:

Agcaoili, L. (2019, September 20). Hot money outflow breaches $1-billion mark. Retrieved from Philippine Star: Hot money outflow breaches $1-billion mark

Habito, C. F. (2019, September 20). A worrisome slide. Retrieved from Inquirer:A worrisome slide

Noble, L. T. (2019, September 20). ‘Hot money’ reverses to net outflow in August. Retrieved from Business World: ‘Hot money’ reverses to net outflow in August