Gross Domestic Product: Kulang na Sukatan

gross domestic product

Patuloy namang lumalago ang ekonomiya at nakikita ito sa gross domestic product pero di naman ito ang nag-iisang sukatan.

Gross domestic product di naman sinusukat ang kapakanan ng bayan

Iniangat ng paglago ng ekonomiya ang pamantayan ng pamumuhay sa buong mundo. Ngunit, nawala na sa pokus ang mga modernong ekonomiya na ang ginagamit na sukatan ng paglago, ang gross domestic product (GDP), ay sinusukat lamang ang laki ng ekonomiya at hindi ang kapakanan ng mamamayan nito.

RELATED: Poverty Reduction Apektado sa Mababang GDP Rate

Pero, kung mapapansin nyo, ang mga ekonomista at mga policymaker ay lagi na lang binabanggit ang GDP na tila baga ito na ang tanging sukatan ng paglago ng ekonomiya at maging ng kapakanan ng bayan. Dahil dito, ang anumang resulta ng mga polisiya na syang nakakapagpalago ng ekonomiya ay ipinapalagay na nakakabuti sa lipunan.

Hindi naman ganyan kasimple ang pagsipat sa mga bagay bagay. Ang pagtutuon ng pansin sa GDP at sa anumang pakinabang sa ekonomiya bilang sukatan ng paglago ay di pumapansin sa anumang negatibong epekto nito sa lipunan, gaya ng di pagkakapantay-pantay ng kita ng mga mamamayan at climate change. Kaya nga, panahon nang kilalanin ang limitasyon ng GDP at palawigin ang pagsukat ng paglago na nagsasaalang-alang din ng kalidad ng buhay ng lipunan.

Kung ang sukatang ginagamit sa paglago ay nakatuon palagi sa mas mataas na produksyon, ang mga polisya ay hindi nakatuon sa tunay na kahalagahan ng mga mamamayan at sa lipunan na kailangang pagsilbihan.

Saan nagsimula ang GDP?

Ang modernong konsepto ng gross domestic product ay produkto ng gyera. Kadalasan, sinasabing si Simon Kuznets ang nag-imbento nito pero ang modernong depinisyon ng GDP ay galing kay John Maynard Keynes noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Isang taon matapos ang pagsisimula ng gyera sa Germany, nagtrabaho si Keynes sa UK Treasury at naglathala sya ng isang sanaysay kung saan nagrereklamo sya sa kakulangan ng datos sa ekonomiya na magkakalkula ng ekonomiya ng Britain. Ayon sa kanya, mahirap tantyahin ang kapasidad ng bansa para sa mobilisasyon at salungatan.

Ganun din, ang pagtantya ng kita ng isang bansa ay dapat pagsama-samahin ang pagkonsumo ng mga pribadong mamamayan, paggastos ng gobyerno, at pamumuhunan. Tinutulan nya ang bersyon ni Kuznets na kasama ang kita ng gobyerno, ngunit hindi ang paggastos nito. Napagtanto ni Keynes na babagsak ang gross domestic product kahit na may aktwal na paglago sa ekonomiya. Ang kanyang depinisyon ang syang ginagamit ng mga policymaker at ekonomista hanggang ngayon.

Paano nagkulang ang gross domestic product?

Hindi na angkop ang sukatang ginamit noong panahon ng gyera sa makabagong panahon.

·       Hindi kasali ang epekto ng pag-unlad sa kapaligiran

Unang una, kasama sa depinisyon ang halaga ng mga produkto at serbisyo na nagawa ng isang ekonomiya sa isang partikular na period. Hindi kasama ang positibo o negatibong epektong bunsod ng proseso ng produksyon at pag-unlad.

Halimbawa, positibo ang epekto ng paggawa ng mga sasakyan sa GDP, pero di naman isinasali ang negatibong epekto gaya ng emissions. Kasama rin ang halaga ng pagbebenta ng mga inuming may asukal, ngunit di naman isinasaalang-alang ang problema ng sobrang asukal sa katawan. Kasama sa pagkalkula ng GDP ang pagtatayo ng mga bagong syudad, pero di naman kasama ang epekto ng pagkawala ng mga kagubatan dahil dito.

Sa isang talumpati ni Robert Kennedy noong 1968, sinabi nyang, “it [GDP] measures everything in short, except that which makes life worthwhile.”

Ang pagkasira ng kapaligiran ay isang importanteng sukatan na di isinasaalang-alang ng GDP. Mas binibigyan ng pansin ang pagdami ng nagagawang produkto kahit na nakakasira ito sa kalikasan. Kaya nga, base sa GDP, maraming bansa ang umuunlad kahit na sobra na ang pollution. Kailangan ng mga modernong ekonomiya ang mas magandang sukatan ng kapakanan ng bayan. Dapat mas lumalawak ang mga isinasaalang sa pagkalkula ng GDP.

·       Hindi kasali ang di pagkakapantay-pantay ng kita ng mamamayan

Hindi rin kasama sa GDP ang pagkakabahagi-bahagi ng kita sa lipunan. Mapapansing lumalawak ang di pagkakapantay-pantay ng estado ng pamumuhay. Hindi kaya ng GDP na makita ang pagkakaiba ng di pagkakapantay-pantay at pagkakapantay-pantay ng oportunidad sa lipunan. Dahil sa lumalawak ang income inequality, nagkakaroon tuloy ng kawalang-kasiyahan at pagkakahati-hati ang lipunan. Kailangang isaalang-alang ng mga policymaker ang mga isyung ito sa kanilang pagsipat ng pag-unlad ng bansa.

  • Hindi kasali ang di pagkakapantay-pantay sa produksyon

Masyadong nakatuon ang pansin ng mga modernong ekonomiya sa paglago ng service economy. Kapansin-pansin ang paglaganap ng paggamit ng teknolohiya sa online shopping at maging pag-book ng masasakyan sa Grab. Mas binibigyang pansin ang kalidad ng karanasan kesa sa pagpapatuloy ng produksyon. Nawawala na rin ang konsepto ng GDP. Hindi nasusukat ang kahalagan ng social media sa pagbabahagi ng impormasyon at aliwan. Kailangan din namang maisama sa sukatan ng paglago ang pag-angkop sa mga pagbabago para mas tama ang pagsipat sa modernong ekonomiya.

Paano babaguhin ang sukatan ng pag-unlad?

Sa Bhutan, mayroon silang Gross National Happiness kung saan isinasaalang-alang ang pagkakapantay-pantay ng paglago at ng mabuting pamamahala. Sa United Nations Development Program, mayroong Human Development Index (HDI) na syang sumusukat sa kalusugan at kaalaman maliban sa kasaganaan ng ekonomiya. Sa India, mayroon silang Ease of Living Index (ELI) kung saan sinusukat ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan, kasama na ang abilidad at pagpapanatili ng ekonomiya.

RELATED: Philippines GDP: Bakit Bumabagal ang Ekonomiya?

Ang layunin ay magkaroon ng mas makatarungan at mas pantay na lipunan na sama-samang umuunlad para sa mas makabuluhang kalidad ng buhay. Kailangang magbago ang paggawa ng mga polisiya na syang magsasapuso ng kapanan ng lahat ng mamamayan. Ang paglago ng ekonomiya ay isa lamang panuntunan sa direksyong pinili ng lipunan.

Di na dapat pokus ang pagpapaunlad ng gross domestic product. Bagkus, dapat pagtuunan ng pansin ang mga kaaya-aya at tunay na panuntunan ng paglago ng kapakanan ng mamamayan.

 

Source:

Kapoor, A., & Debroy, B. (2019, October 4). GDP Is Not a Measure of Human Well-Being. Retrieved from Harvard Business Review: GDP Is Not a Measure of Human Well-Being