Global Financial Markets: Patuloy sa Pagbagsak

global financial markets

Nagpapatuloy ang pagbagsak ng global financial markets dahil sa COVID-19 at OPEC negotiation breakdown.

Bakit Patuloy ang Pagbagsak ng Global Financial Markets?

Isa isang bumabagsak ang mga financial market sa mundo ngayong araw ng Lunes dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa.

Bigo ang OPEC (Organization of Petroleum Exporting Countries) na makabuo ng kasunduan para magbawas ng produksyon ng langis matapos ang kanilang pagtitipon sa Vienna noong Biyernes. Nagbaba ng presyo ang Saudi Arabia para sa Abril at sinasabing mas pararamihin pa ang kanilang produksyon.

RELATED: Patuloy na Bumabagsak Ang OPEC Crude Oil Supply

Ang desisyon ng Saudi Arabia ay resulta ng hindi pagpayag ng Russia sa rekomendasyon ng OPEC na magbawas ng 1.5M bariles kada araw mula Abril hanggang sa katapusan ng taon para masuportahan ang presyo ng enerhiya dahil na rin sa pagbagsak ng demand para sa langis. Sinasabing bumaba ang demand dahil na rin sa COVID-19 outbreak.

Ang di pagpayag ng Russia sa mungkahing pagbabawas ng supply ng langis ay magkakaroon din ng epekto sa US shale oil producers. Ayon kay Thorn Payne, hepe ng Westwood Global Energy Group for offshore, rigs, and well, hindi nakikita ng Russia na isang pangmatagalang istratehiya ang pagbabawas ng produksyon ng langis. Kailangang magkaroon ng structural shift sa supply para magsolusyunan na rin ang palagiang pagbabawas ng produksyon kapag bumabagsak ang presyo ng langis sa world market.

Nakikita rin kasi ng Russia ang oportunidad dahil sa malamya ang US shale sector na sinasabing magbabawas rin ng hanggang 2M bariles kada araw na produksyon.

Perfect Storm ang Nananalasa sa Oil Market

Dahil sa di pagkakasundo ng OPEC at Russia, inaasahang magkaakaroon ng all-out price war kaya bumagsak ng higit sa 25% ang presyo ng langis noong Linggo ng gabi. Samantala, ayon sa pinakahuling ulat ng World Health Organization (WHO), nasa 109,343 katao na ang kaso ng may COVID-19 sa buong mundo at 3,809 na ang namatay.

Sa Italy, mula 233 ay pumalo na sa 366 ang namatay dahil sa virus noong weekend. Tumaas ito nang 57% samantalang tumaas ng 25% ang confirmed cases. Tumaas din ang mga kumpirmadong kaso sa UK at France.

Dahil sa paglaganap ng COVID-19, bumagsak ng higit sa 5% ang Topix at Nikkei 224 ng Japan at 4.23% naman ang ibinagsak ng Hang Seng index ng Hong Kong. Samantala, higit sa 3% naman ang ibinagsak ng mainland Chinese stocks at 7.33% ang ibinagsak ng S&P/ASX 200 ng Australia.

Sa pagbubukas ng trading sa Europe, bumagsak ng 6% ang Stoxx 600 kaya pumasok na ito sa bear market territory. Bumagsak din ng 9.5% ang FTSE MIB ng Italy na syang lider sa pagkalugi sa rehiyon. 6% naman ang ibinagsak ng FTSE 100 ng UK, DAX ng Germany, at CAC 40 ng France.

Wala sa Timing ang Pananalasa ng COVID-19

Bumaba ng higit sa 1,200 puntos ang Dow Jones Industrial average na isang indikasyon sa posibleng mangyari sa Wall Street sa pagsisimula ng trading. Ang mga takot na investors ay mas piniling mag-withdraw ng kanilang investments sa stock markets at ilagak muna sa mga sinasabing safe haven assets gaya ng bonds.

Recession at Hindi Depression

Ayon kay Capital Economics chief economist Neil Shearing, ikinukumpara ang nangyayari sa ngayon sa nangyari sa 2008 financial crisis. Tinawag ng mga economist na “balance sheet” recession ang nangyari noong 2008, ngunit ang nangyayari ngayong economic shock dahil sa corona virus ay nakakaapekto sa supply at demand ng ekonomiya.

Ayon kay Shearing, nagkakaroon ng supply shock dahil sa pagsasarado ng mga pabrika, pagkakaroon ng travel bans, pagkagambala ng supply chain, at pagsasarado ng mga paaralan. Bumaba ang kakayahan ng ekonomiya na mag-produce ng mga produkto at serbisyo.

Demand shock naman ang pagkakaroon ng mga mamimili ng mas konting pagbisita sa mga restaurants, tindahan, at sinehan. Ang pagbagsak ng stock market ay nagiging dahilan din sa paghina ng demand dahil sa pagbabawas ng kayamanan ng mga household.

Hindi Magkakaroon ng Global Financial Crisis

Ayon kay Shearing, iba ang nangyayari ngayon kumpara noong 2008 kung saan ang pagbagsak ng asset price ay mas lumaki pa dahil sa mataas na lebel ng kahinaan ng global financial system. May mga panganib sa corporate sector at sa energy sector dahil sa malaking pagbagsak ng presyo ng langis kamakailan ngunit hindi ito sapat para magkaroon ng pandaigdigang krisis.

Sa ngayon, ang worst case scenario na nakikita ay ang pagkakaroon ng maiksing panahon ng recession at hindi outright depression.

RELATED: Ano ang Epekto ng Hong Kong Recession sa mga Pilipino?

Ang pagbagsak ng global financial markets ay isang senyales ng pagpasok sa recession ng buong mundo, ngunit kung magtatagal pa ang paghahanap ng solusyon sa COVID-19, posible ang economic depression.

 

Source:

Smith, E. (2020, March 9). Here’s why financial markets are tanking around the world. Retrieved from CNBC: Here’s why financial markets are tanking around the world