February 2020 OFW Remittances: Bagsak Pa Rin

february 2020 ofw remittances

Nagtala ng pinakamababang rekord ang February 2020 OFW remittances sa loob ng walong buwan. Di na inaasahang mababawi pa ngayong taon.

February 2020 OFW Remittances: Patuloy ang Pagbagsak

Ayon sa pinakahuling datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, bumagsak nang 10.9% ang personal remittances ng mga Pilipino sa US$2.62B noong Pebrero mula sa US$2.94 noong Enero 2020. Ito na ang pinakamababang remittances na naitala simula nang magtala ng $2.55B noong Hunyo 2019. Ngunit, tumaas naman nang 2.6% ang bilang year-on-year mula sa US$2.56B noong 2019.

Sa unang dalawang buwan ng 2020, tumaas nang 5% ang personal remittances sa US$5.56B mula sa US$5.3B year-on-year.

Ayon kay ING Bank Manila Economist Nicholas T. Mapa, ang pagbagsak ng remittances noong Pebrero ay hindi pa nagpapakita ng buong epekto ng pandemya. Nagkaroon ng lockdown sa Europe at US noong Marso dahil sa COVID-19. Inaasahang mas bababa pa ito dahil sa marami ang tumigil sa pagtatrabaho at nagkaroon ng lockdowns na syang nakaapekto sa kabuhayan ng mga overseas Filipino workers. Ayon sa datos, higit sa 230,000 OFWs ang apektado ng pandemya at humihingi na sila ng ayuda.

RELATED: Global Economy: Paano Naapektuhan ng Coronavirus?

Ayon naman pag-aaral ng Ateneo Center for Economic Research and Development (ACERD) at ng Institute for Migration and Development Issues (IMDI), nasa pagitan ng 300,000 hanggang 400,000 OFWs ang nawalan ng trabaho o nabawasan ang kita dahil sa pandemya.

Ang mga mauunlad na bansa ay posibleng magkaroon ng recession at di lumago kaya hindi rin naman maganda ang job prospects para sa mga OFWs. Kalahati sa mga bansang ito ay mga oil exporters at nagtala na rin ng pinakamababang presyo ang langis ngayon kaya posibleng mas tumagal pa bago makarekober ang lahat.

Ayon sa BSP, ang mga bansang may pinakamataas na overall remittances ay ang mga sumusunod:

  • USA
  • Singapore
  • Japan
  • Saudi Arabia
  • United Kingdom
  • United Arab Emirates
  • Qatar
  • Canada
  • Hong Kong
  • Korea

Ngunit, inaasahan pa ring patuloy ang pagsusumikap ng mga OFWs na makapagpadala ng pera para sa kanilang mga pamilya, ngunit sadyang mahirap itong gawin dahil sa pandemya ng COVID-19. Inaasahang liliit ang OFW remittances nang 2.5% – 6.7% ngayong 2020.

Ayon naman kay dating Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia, inaasahan nyang liliit nang 20% – 30% ang remittances dahil sa pandemya. Inaasahan naman ni RCBC Chief Economist Michael L. Ricafort na gagamitin ng mga OFWs ang kanilang ipon para makapagpadala ng pera sa Pilipinas habang nasa lockdown at hanggang magpasimula na ang pag-ikot muli ng ekonomiya ng iba’t ibang bansa.

Mga Senyales na Nakakabawi na ang mga Bansa

Ayon kay UnionBank Chief Economist Ruben Carlo O. Asuncion, posibleng makabawi ang OFW remittances kapag natapos na ang lockdown sa iba’t ibang bansa ngunit magiging mabagal ang recovery hanggat di pa rin nasasawata ang pagkalat ng coronavirus.

RELATED: Overseas Filipino Workers: Apektado ng Covid-19

Posible ang paglago ng remittances sa 2021 kung mas dadami ang magkakaroon ng trabaho na mga Pilipino sa ibang bansa. Inaasahan ni Asuncion na magkakaroon lamang ng recovery sa loob ng isa hanggang dalawang taon kung hindi na dumarami ang positibo sa COVID-19.

Source:

Piad, T. C. (2020, May 18). Remittances to sink deeper, analysts fret. Retrieved from Business Mirror: Remittances to sink deeper, analysts fret