EDSA Traffic: Paano nga ba Sosolusyunan?

edsa traffic

Nagiging mas magulo ang EDSA traffic dahil sa di wastong pagpaplano at implementasyon.

MAS PINALALA ANG EDSA TRAFFIC

Kamakailan, ginulantang ng isang bangungot ang mga pasahero. Marami ang nagalit dahil sa pagkaantala ng kanilang byahe ng ilang oras. Ang iba naman ay nanatiling nasa kalye dahil walang masakyan.

Wala silang mahanap na mga bus na syang magdadala sa kanila sa kanilang pupuntahan dahil sa maraming bus ang natengga at naipit sa yellow lanes ng EDSA. Samantala, maluwag na maluwag naman ang lanes para sa mga pribadong sasakyan.

Mas humaba ang pila sa MRT dahil sa nagtyaga ang mga pasahero na maghintay ng kanilang pagkakataong makasakay sa tren.

Ganyan naman palagi sa EDSA, ayon sa iba. Ngunit, ang nangyari noong isang linggo ay dahil sa pagkalito sa sistemang ipinatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ang pagpapatuloy ng provincial bus ban kahit na may utos ang korte, at ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Ang tunay na salarin ng kaguluhan ay ang pagpipilit ng MMDA na ipatupad ang yellow lane scheme para disiplinahin ang mga drayber ng bus.

Pero, marami sa mga pasahero ang nagsabing anti-poor ang ginawa ng ahensya.

Kung tutuusin, tama naman sila. Dalawang lanes lamang ang ibinigay para sa mga bus sa kahabaan ng EDSA samantalang tatlong lanes ang ibinigay sa mga pribadong sasakyan.

Maraming pasahero ang nagalit dahil ilang oras din silang naipit sa yellow lane na ito samantalang nagmistulang express lanes naman ang ilang lanes para sa mga pribadong sasakyan.

Dahil barado ang anumang pasukan at labasan sa kahabaan ng EDSA, maraming side streets din ang di madaanan dahil sa nagkabuhol-buhol na rin ang daloy ng trapiko.

Kung ikukumpara mo naman ang isang kotse at ang isang bus, di hamak na mas maraming pwedeng isakay sa huli. Kaya nga, mas inisip ng marami na dapat mas maraming tao ang mabenepisyuhan ng anumang proyekto ng MMDA pero di naman un ang nangyari.

Totoo rin naman na marami sa mga drayber ng bus ang walang disiplina kaya nagkakabuhol-buhol ang daloy ng trapiko sa EDSA. Ngunit, iba naman ang isyung ‘to sa isyu ng transportasyon ng mas maraming Pilipino.

Maraming mamamayan ang may pribadong sasakyan ang nagdiwang sa ginawa ng MMDA pero mas maraming ordinaryong empleyado ang naging biktima dahil marami sa kanila ang napilitang mahuli o di kaya ay lumiban na lamang sa kanilang mga trabaho.

Si Pasig City Mayor Vico Sotto lamang ang nakakita ng big picture. Ayon sa kanyang post, mas lalala pa ang daloy ng trapiko sa Pasig at Metro Manila kahit na ano pa ang maisipang polisiya ng gobyerno maliban na lamang kung bawasan ang mga kotse. Kailangang magkaroon ng mas maraming klase ng transportasyon para sa public transport.

Siguro, kailangan ding magkaroon ng pagtitipon ang mga urban planners, transport experts, at mga progresibong politiko para ayusin ang problema.

Ayon sa Japan International Cooperation Agency, kung di maaayos ang daloy ng trapiko sa Metro Manila, mawawalan ng higit sa 5.4B piso ang ekonomiya araw araw.

Ayon kay Alt Mobility PH cofounder at transport economist Jedd Ugay, kailangang suriin ng gobyerno ang bus franchise system at ayusin ang public transport para magkaroon ng magandang karanasan ang mga pasahero.

Ganun din, kailangang mahimok ang mga may-ari ng sarili nilang sasakyan na iwan na lamang ang mga ito sa kanilang tahanan gaya ng nangyayari sa Singapore. Ngunit, posible lamang ito kung magkakaroon ng mabisang sistema ng public transport.

Ayon kay Ugay, mas maeengganyo lamang ang mga Pilipino na dalhin ang kanilang mga sasakyan kung ipipilit ng MMDA ang ginawa nila kamakailan. Pero, maraming mga Pilipino, lalo na ung mga minimum wage earners, ang wala namang mga sasakyan kaya patuloy silang magdurusa.

Panelo: Habaan ang pasensya ng mga pasahero

Hiniling ng Malacañang sa mga pasahero na mas habaan pa ang pasensya dahil ginagawa naman ng gobyerno ang lahat ng makakaya para masolusyunan ang problema sa EDSA traffic.

Galit na galit ang mga pasahero sa ipinatupad na yellow lane policy ng MMDA kamakailan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nakikisimpatiya sya sa mga pasahero dahil maging sya ay nahuli ng dalawang oras dahil sa traffic.

Ayon kanya, rainy season na rin naman kaya nakaambag pa ito sa problema sa trapiko. Maiibsan din ang kalbaryo ng mga pasahero kapag natapos na ang mga elevated expressways.

May ilang proyekto ang rehimeng Duterte sa ilalim ng Build Build Build infrastructure program para maibsan ang problema sa EDSA traffic sa mga darating na panahon.

Matatandaang ipinangako ni Duterte na limang minuto na lamang ang byahe mula Cubao hanggang Makati bago matapos ang taon.

REALTED: MARK VILLAR: KAYA NG 5 MINUTES ANG CUBAO HANGGANG MAKATI

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), posibleng maisakatuparan ang pangako ng Pangulo.

Ayon kay Center for Labor Justice director Dr. Rene E. Ofreneo, nakakatakot ang epekto ng trapiko dahil maraming oras ang nauubos ng mga mamamayan para makarating sa kanilang pupuntahan.

Imbes na nagtatrabaho, nagpapahinga, o nakikipag-bonding na ang isang empleyado, ginugugol nya ang mahabang oras sa bus dahil sa sobrang sikip ng daloy ng trapiko.

Kailangang paghusayin ang public transport

Ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) Chairperson Elmer Labog, ang tanging paraan para masolusyunan ang problema sa trapiko sa EDSA ay ang pagkakaroon ng ligtas, mabisa, at abot kayang serbisyo para sa mass transport.

Kailangang ito ang pagtuunan ng pansin ng gobyerno at hindi ang pagbabawal sa mga provincial buses na pumasok ng Metro Manila.

Kailangan ding magkaroon ng konsultasyon sa mga pasahero, drayber, at maliliit na bus operators para magkaroon ng solusyon sa trapiko.

Dagdag kalbaryo sa mga pasahero ang bus ban dahil kailangan pa nilang lumipat ng bus sa mga itinalagang terminal na syang magdudulot ng mas mahabang oras sa daan at mas mahal na pamasahe.

Ipapatupad din ng gobyerno ang bagong point-to-point (P2P) buses sa EDSA na syang papalit sa mga ipinagbawal na bus kaya wala ring silbi ang vehicle reduction plan.

Hindi naman ang mga provincial buses talaga ang problema. Maging ang MMDA ay aminado rin naman dito.

Ayon na rin sa pag-aaral ng MMDA, 12,283 bus lamang ang dumadaan sa EDSA araw araw samantalang 247,527 naman ang pampribadong sasakyan.

113,694 ang kabuuang bilang ng bus, truck, taxi, motorsiklo, at utility vehicles naman ang dumadaan sa EDSA. Halos kalahati lamang ito ng bilang ng pampribadong sasakyan.

Ayon pa kay Labog, mga malalaking negosyo na may ka-tie up na foreign investors ang ibig magpatupad ng P2P buses na syang inaasahang magmomonopolyo ng public transport sa EDSA.

Tanong ni Labog, interesado ba talaga ang gobyerno na solusyunan ang EDSA traffic o isang paraan lamang ito para mabilis na mapapasok ang mga naglalakihang foreign at local corporations sa public transport system sa Metro Manila?

Alam na natin ang sagot.

Mga solusyon sa EDSA traffic

Ilan sa mga mungkahi ng mambabatas ay ang pagtatayo ng intermodal transport terminals at elevated walkways sa Metro Manila.

Sa hearing na ipinatawag ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Senator Grace Poe na pagkakataon na para maliwanagan ang lahat sa problema ng trapiko.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, kapag ipinatupad ang provincial bus ban, mababawasan ang mga bus sa yellow lane.

Sa 380,000 sasakyan na dumadaan sa EDSA, 5% o 6,500 nito ay mga bus. Kalahati nito ay provincial buses.

Ayon din sa kanya, ibig ng Department of Transportation (DOTr) na magkaroon ng hanggang limang integrated bus terminals. Sa ngayon, higit sa 40 ang bus terminals sa EDSA.

Pero, taon ang bibilangin bago maisakatuparan ito kaya naghanap ng ibang paraan ang gobyerno para magkaroon ng mga pansamantalang terminal sa Valenzuela City at sa Santa Rosa, Laguna.

Sa isang panayam naman ni Poe sa mga reporter, sinabi nyang walang naganap na konsultasyon sa iba’t ibang sektor. Kailangan talaga maraming terminal na magkakaugnay.

RELATED: Chel Diokno: Unahin ang Kapakanan ng mga Gumagamit ng Public Transport

Kung malayo ang mga terminal, magiging magulo lamang ang pagpapatupad ng provincial bus ban. Imbes na ipatupad ang agarang ban, dapat magkaroon muna ng intermodal terminals sa EDSA.

Ganun din, kailangang magkaroon ng elevated walkways sa buong Metro Manila. Ayon sa DOTr, mabilis naman itong maipapatupad.

Iminungkahi rin ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang pagkakaroon ng elevated walkways at bike lanes sa EDSA.

Matagal nang nagbigyan ng budget ang elevated walkway project at kasama na ito sa General Appropriations Act ngunit di pa rin ito ipinapatupad.

Wala namang tututol sa proyekto dahil gobyerno ang may-ari ng lupa. Kailangan lamang kausapin ang mga public utility company.

Hiniling ni Senator Poe na magroon ng simulation ng traffic decongestion proposal, at short at long-term transport master plan.

Lumalabas na talagang ipinipilit lamang ang provincial bus ban para mabilis na mapapasok ang P2P buses na sinasabing papabor sa mga malalaking negosyante. Sapilitang ipinapalunok sa mga pasahero ang isang bagay na dehado sila.

 

Sources:

Chavez, C. (2019, August 14). Public transportation should be enhanced instead of banning provincial buses – KMU. Retrieved from Manila Bulletin: Public transportation should be enhanced instead of banning provincial buses – KMU

Inquirer Editorial. (2019, August 11). Edsa made worse. Retrieved from Inquirer: Edsa made worse

Lopez, V. (2019, August 8). Palace tells commuters braving daily traffic on EDSA: Be patient. Retrieved from GMA News: Palace tells commuters braving daily traffic on EDSA: Be patient

Ramos, C. (2019, August 14). Intermodal terminals, elevated walkways seen to unclog Edsa. Retrieved from Inquirer: Intermodal terminals, elevated walkways seen to unclog Edsa