Duterte Rant sa Maynilad, Manila Water: Ano ang Epekto?

maynilad manila water

Patuloy ang pagputak ni Duterte sa Maynilad at Manila Water. May epekto ito sa ekonomiya, promise.

Time of reckoning para sa Maynilad, Manila Water

Matapos atakihin ni Duterte ang Maynilad at Manila Water dahil sa mga probisyon sa kanilang kontrata na lubhang nakakapagbenepisyo sa dalawang kumpanya, sinabi ng Pangulo na pwede naman nilang tanggapin ang mga bagong kontrata o di kaya ay isailalim na lamang ang mga ito sa government takeover.

RELATED: May Win-Win Solution ba sa Water Concession?

Ang mga bagong kontrata ay ginagawa ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General ngunit wala pa ring garantiya na hindi sila makakasuhan dahil sa ayon sa gobyerno, colossal rip-off ang mga dating kasunduan. Kung hindi nila tatanggapin ang mga bagong kasunduan, posibleng ikansela ang kanilang mga existing contracts at kasuhan ang lahat ng mga taong sangkot sa drafting ng mga concessionaire agreements.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, wala namang deadline sa pagdedesisyon ng Maynilad at Manila Water. Tinanggal lamang lahat ang onerous provisions sa mga bagong kontrata at ibang iba ang terms nito. Ayon kay Panelo, mayroong time for reckoning at dumating na ang panahon na ito.

Matatadaang inamin naman ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na hindi pa kayang mag-takeover ng gobyerno sa mga operations tungkol sa water service. Sa isang ambush interview sa Pangulo noong Martes, sinabi nitong wala nang puwang para sa negosasyon sa Maynilad at Manila Water. Draft pa lamang ang mga bagong kasunduan, ngunit inulit muli nya na isasailalim sa government takeover ang mga kumpanya kapag di sila pumayag dito.

Bakit magkakaroon ng bagong kontrata para sa Maynilad at Manila Water?

Nagsimula ang Duterte rant noong nagkaroon ng water shortage noong March 2019 at iniutos nya ang rebyu ng mga kontrata ng dalawang kumpanya sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System. Nadiskubre ng DOJ ang maraming onerous provisions, ngunit ayon sa mga gumawa ng mga kontrata noong 1997, ang mga probisyon ay kailangan para maging insentibo sa mga pribadong kumpanya na mag-invest sa mahal at mapanganib na water distribution and treatment.

Muli namang inatake ni Duterte ang dalawang kumpanya matapos manalo ang Manila Water laban sa gobyerno sa Permanent Court of Arbitration sa Singapore. Iniutos ng korte na bayaran ng gobyerno ang kumpanya ng 7.39B piso para sa mga lugi nito simula pa noong 2015. Ito ay dagdag sa 3B piso na iniutos ding bayaran sa Maynilad dahil naman sa huling pagpapatupad ng water rate hikes simula pa noong 2017.

Ang problema sa inaasal ng gobyerno:

  • Pagbabanta ng government takeover
  • Walang masyadong puwang para sa negosasyon sa mga bagong kontrata
  • Nagdudulot ng pangamba at pagkatakot sa ibang negosyo at investors na gustong pumasok sa mga kontrata sa gobyerno

Ayon sa mga eksperto, importante na irespeto ng gobyerno ang validity ng mga kontrata na pinapasok nito para magkaroon ng investor confidence. Hindi naman na sisingilin ng Maynilad at Manila Water ang kanilang mga claim sa gobyerno, ngunit hindi pa rin naman napawi ang galit ni Duterte.

Water rant ni Duterte banta sa mga investors

Noong maging Pangulo si Duterte noong 2016, inutusan nya ang mga opisyal ng gobyerno na iwasan ang pagbabago at pagbaluktot sa mga panuntunan hinggil sa government contracts ngunit sa kalahatian ng kanyang termino, iba ang kanyang sinasabi. Wala na ang commitment na kanyang binitawan noong maupo sya sa pwesto.

Noong Disyembre, iniutos ni Duterte ang pagkakaroon ng panibagong negosasyon sa mga kontrata ng Maynilad at Manila Water na syang taga-supply ng tubig sa mga household hanggang 2037. Sinabi rin nyang hindi magbabayad ang gobyerno ng bilyon bilyong piso sa Manila Water at pinagbantaan pa nya na ipapakulong ang mga may-ari ng dalawang kumpanya.

Ayon sa Fitch Solutions, ang biglaang review sa mga kontrata ay nakapagpataas ng regulatory risk ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Nagdudulot ito ng takot sa mga investors na posibleng pasimulan na rin ang rebyu sa iba pang kontrata na para kay Duterte ay disadvantageous sa gobyerno. Isa itong banta sa financial viability ng anumang kumpanya na posibleng masangkot.

Masalimuot ang water issue at ito ang pinakahuling contractual disputes na nakapagpalayas sa mga kumpanya tulad ng Fraport AG at Suez SA. Ganun din, nakikipagkumpetensya ang Pilipinas sa mga karatig-bansa nito sa Southeast Asia sa paghimok sa mga kumpanya na mag-invest sa bansa. Ibig ng mga foreign investors ang isang bansang may reputasyon sa pagrespeto sa mga kontrata. Mas malaki ang panganib na kanilang nakikita dahil sa pagkakaroon ng mga panibagong kasunduan dahil sa perception na onerous deals ang mga ito.

Mabilis naman ang mga economic managers ni Duterte sa pagtatangging nagkakaroon ng pangamba ang mga investors. Ayon kay Economic Planning Secretary Ernesto Pernia, isolated incident lamang ang water dispute at hindi ito makakaapekto sa iba pang sektor. Ngunit noong December 30, sa speech ni Duterte, tinuligsa nyang muli ang mga water company at idinagdag pa ang isang television network na inaakusahan nyang biased kaya di na ire-renew ang franchise nito. Hinimok nya ang may-ari ng istasyon na ibenta na lamang ang TV network bago mag-expire ang franchise sa Marso.

Ayon naman kay Panelo, ang anumang kontrata na taliwas sa law at public interest ay kailangang irebyu at ipawalangbisa. Kailangang maging maingat ang mga investors kapag nag-invest sila at siguruhing tama ang contract terms at di makakasira sa iba pang negosyo.

Ang ilang probisyon sa water contracts ay mga balakid sa pakikialam ng gobyerno sa water rates at nagbibigay ito ng maraming performance guarantees sa mga kumpanya. Ang mga kontrata ay pinirmahan noong 1997 at na-renew noong 2009. May mga ilang lider na rin naman noon sa Pilipinas ang kumuwestyon sa mga kasunduang ito.

Ayon naman kay Guevarra na syang nagrerebyu ng mga kontrata, importante ang public interest. Wala naman daw masyadong epekto ang nangyayari sa business confidence sapagkat wala namang pakialam ang mga profit-oriented foreign investments. Ibig ng gobyerno na ang mga foreign investments ay mayroong corporate social responsibility.

Dahil sa water rant ni Duterte, nagkaroon na ng  net sales o pagbebenta ang mga foreign investors na nagkakahalaga ng $173B ng Philippine stocks. Mas malaki ito ng sampung beses kumpara noong isang taon. Ang Manila Water at Maynilad naman ay nawalan na ng $1.8B market value simula noong Disyembre. Hindi  pa naman maliwanag ang epekto ng mga pangyayari sa foreign direct investment, ngunit ipinapakita ng mga datos na bumagsak ito nang sunod sunod na pitong buwan hanggang September na syang pinakahuling available figures.

Ang pag-atake ni Duterte sa mga water companies ay nagpapakinang ng kanyang populist image at sa pangako nitong habulin ang mga oligarko. Higit sa 80% ng mga Pilipino ay nagtitiwala pa rin sa kanya, ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia. Walang sinumang Pangulo ang nagtangkang ayusin ang mga profit-oriented policies at monopolies.

Hindi pa naman nararamdaman ng ekonomiya ang anumang epekto ng pag-atake ni Duterte. Ayon sa Moody’s Investors Service, hindi naman makakaapekto sa overall credit rating ng Pilipinas ang anumang regulatory risk dahil sa water dispute. Sa ngayon, nasa Baa2 pa rin ang rating ng bansa at ito ang pangalawa sa pinakamababang investment grade.

Ayon kay Moody’s senior vice president Christian de Guzman, binabantayan nila ang sitwasyon, ngunit may mas importanteng kaganapan na binibigyang pansin na syang makakaapekto sa credit profile ng Pilipinas gaya ng pagpasa ng 2020 national budget at ng mga nakabinbing panukalang batas hinggil sa tax reform.

RELATED: Paano Naging Iresponsable Ang Gobyerno sa Krisis sa Tubig?

Wala namang nagsasabing di dapat ayusin ang mga kontratang disadvantageous sa mga Pilipino ngunit ang patuloy na pagputak ni Duterte sa Maynilad at Manila Water ay nagdudulot ng pangamba sa mga investors. Pwede namang matahimik ang pakikipagnegosasyon di ba?

Sources:

Jiao, C., & Calonzo, A. (2020, January 6). Duterte’s Water Rants Threaten Philippine Pitch to Investors. Retrieved from Bloomberg: Duterte’s Water Rants Threaten Philippine Pitch to Investors

Tomacruz, S. (2020, January 7). ‘Time of reckoning’: Duterte offers new deals to Maynilad, Manila Water. Retrieved from Rappler: ‘Time of reckoning’: Duterte offers new deals to Maynilad, Manila Water