CREATE Bill: Hindi Napapanahong Isulong sa Pandemya

create bill

Mawawalan ng 667B pisong kita ang gobyerno dahil sa CREATE bill na isinusulong nito.

Ano ang CREATE Bill?

Ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) ay ang pinakabagong bersyon ng Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA) na naglalayong bawasan ang corporate income tax sa 25% ngayong Hulyo 2020.

RELATED: COVID19 Impact: Kayang Malampasan ng Pilipinas

Ganun din, mas pinahaba ang net operating loss carryover para sa mga SMEs (Small and Medium Enterprises) sa limang taon mula sa kasalukuyang tatlong taon. Ibig sabihin, malaking tulong ito para sa mga negosyante dahil halos 99% ang pwede nilang maging karagdagang deductions mula sa taxable income nila sa 2021 hanggang 2025 para sa lugi nila ngayong taon.

Pahahabain din ang tinaguriang sunset period sa siyam na taon mula sa kasalukuyang apat na taon para mga kasalukuyang nakakatanggap ng insentibo . Mabibigyan din ng kakayahang umangkop ang Fiscal Incentives Review Boardd dahil may kapangyarihan silang magmungkahi sa Pangulo na syang nagbibigay ng mga insentibo at iba pang benepisyo sa mga investments.

DOF: Inaming mawawalan ng 42B pisong kita ang gobyerno

Ayon sa estimates ng Department of Finance (DOF), mawawalan ng 42B pisong kita ang gobyerno sa huling anim na buwan ng 2020 kung maisasabatas ang CREATE bill. Ganun din, higit sa 625B piso ang mawawalang kita sa susunod na limang taon.

S&P: Maaapektuhan ng CREATE Bill ang pagpasok ng FDIs sa bansa

Ayon sa S&P Global Ratings, ang panukalang CREATE Act ay makakasuporta sa ekonomiya ng Pilipiinas sa nalalapit na hinaharap ngunit posibleng maapektuhan ang pagpasok ng foreign direct investments (FDIs) sa bansa.

Samantala, inaasahan din ng S&P na maaapektuhan ng nasabing CREATE bill ang pagpasok ng FDIs sa nalalapit na panahon, kasama na ang walang katiyakang dulot ng pandemya ng coronavirus. Sa simula pa lang ng deliberasyon sa mga nakaraang bersyon ng kasalukuyang panukalang batas ay nakita na ang pagbaba ng pagpasok ng FDIs at magpapatuloy ito hanggang sa maisabatas ang CREATE.

May panganib ding dulot ang pandemya ng COVID-19 sa ekonomiya ng buong mundo pero hindi naman inaasahan ng S&P na magkakaroon ng malaking epekto sa external position ng bansa ang malaking pagbaba ng FDIs.

Ayon sa pinakahuling datos ng net FDI inflows noong Enero 2020, bumaba ito sa $657M ngunit ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), inaasahan nilang papalo ang FDIs sa $8.8B ngayong taon. Noong isang taon, naitala ang net FDI inflow sa $7.64B. Ito na ang pinakamababang naitala sa loob ng apat na taon dahil na rin sa mababa rin naman ang investor sentiment dahil sa mga nangyayari sa buong mundo.

IBON: Ipinamimigay ng rehimeng Duterte ang 667B pisong pwedeng gamitin sa paglaban sa coronavirus

Ayon sa IBON, mga oligarko lamang ang makikinabang sa pagsasabatas ng CREATE bill. Handa ang rehimeng Duterte na mabawasan nang 667B pisong kita ang gobyerno para lamang lumaki ang tubo ng mga malalaking korporasyon.

Kawalanghiyaan ang mabilis at mas malaking kabawasan sa corporate tax sa panahong kailangang kailangan ng gobyerno ang pera para sa paglaban sa pandemyang dulot ng COVID-19. Kulang na kulang ang ayudang naibigay ng rehimeng Duterte sa mga pamilyang Plipino.

Sinasabi rin ng gobyerno na walang pondo para sa mass testing. Ang mga maliliit na mga negosyo at mga manggagawa ang kailangang mag-ingat para hindi madapuan ng sakit. Wala rin namang malakihang karagdagan sa mga pangangailan sa paggamot sa mga pasyenteng may COVID-19.

Ayon din sa IBON, ginagamit ng DOF ang pandemya bilang rason para tumaas ang kita ng mga malalaking korporasyon. Ang CREATE bill ay kapareho lang din ng TRAIN Package 2 na isinusulong ng rehimeng Duterte sa loob ng tatlong taon. Ito ay panibagong pangalan din ng CITIRA bill.

Hindi rin nagsasabi nang totoo ang DOF sa pagsasabi nitong mas maraming Pilipinong manggagawa at maliliit na negosyo ang magkakaroon ng hanapbuhay kapag naisabatas na ang CREATE Bill. Sa Senate hearing noong 2018, sinabi ng DOF na 75% ng corporate income taxes ay galing sa mga naglalakihang korporasyon at 25% lamang ang galing sa maliliit na negosyante. Kaya, maliwanag na ang pinakamalaking mabebenepisyuhan ng pagsasabatas ng CREATE bill ay ang mga malalaking negosyo.

Kung talagang seryoso ang gobyerno sa pagsuporta sa mga maliliit na negosyo at hindi lamang sila ginagamit para mailusot ang CREATE bill, kailangang magsulong sila ng mas progresibong corporate income tax gaya ng ipinatutupad sa Thailand, Cambodia, Malaysia, at Brunei. Posibleng magsulong ng 20% corporate income tax sa mga maliliit na negosyo at 35% sa mga naglalakihang korporasyon.

Hindi rin naman tamang sabihin na makakaengganyo ng mas maraming foreign investors ang panukalang batas. Marami sa mga foreign investment sa bansa ay mga low value-added operations. Kapag ibinaba ang buwis, wala nang konkretong benepisyo ang pagpayag na mamalagi sila dito.

RELATED: Digital Economy Tax: Umaarangkada na sa Kongreso

Ang pagkiling ng rehimeng Duterte sa mga malalaking negosyo ay kitang kita sa pagtugon nito sa COVID-19. Papayagan ang mas maliit na corporate income tax ngunit wala namang sinasabing itataas ang sahod ng mga manggagawa. Mas malaking mga pautang, garantiya sa pautang, at bailouts pa nga ang nakahanda sa mga negosyong ito.

Kailangang mabago ang panukalang batas para maging kapakinabangan ng mga pamilyang Pilipino, mapalakas ang public health system, at masuportahan ang mga maliliit na negosyo.

Sources:

Caraballo, M. U. (2020, June 1). S&P: Create to weigh on FDIs. Retrieved from The Manila Times: S&P: Create to weigh on FDIs

IBON Media and Communications. (2020, May 20). Duterte gov’t giving up Php667-B in potential COVID response funds to boost corporate profits. Retrieved from IBON: Duterte gov’t giving up Php667-B in potential COVID response funds to boost corporate profits