COVID19 Impact: Kayang Malampasan ng Pilipinas

covid19 impact

Ayon sa economic officials, kayang mapagtagumpayan ng Pilipinas ang COVID19 impact dahil maganda ang itinatakbo ng ekonomiya.

COVID19 Impact: Mapagtatagumpayan ng Pilipinas

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Economic and Development Authority (NEDA), at Department of Finance (DOF), posibleng malampasan ng Pilipinas ang mga problemang dulot ng COVID-19 sa ekonomiya. Ito ang kanilang pahayag matapos baguhin ng Fitch Ratings ang kanilang outlook sa “stable” mula sa “positive.”

RELATED: Mass Unemployment: New Normal Matapos ang COVID-19 Pandemic

Ayon sa Fitch Ratings, ang pagbabago ng outlook ay dahil sa global COVID19 impact at sa pagpapatupad ng lockdown para mapigilan ang paglaganap ng virus. Hindi na tiyak ang 2020 forecast dahil sa malaking banta depende sa kung ano ang magiging epekto ng virus sa bansa at sa buong mundo. Ganun din, may posibilidad na palawigin pa ang lockdown.

BSP: Matatag ang economic management at structural reforms

Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, nagpatupad na ng structural reforms at maganda naman ang pamamahala sa ekonomiya kaya naging maayos ang tugon ng bansa sa pananalasa ng coronavirus. Naprotektahan ang mga buhay at nasuportahan din ang kabuhayan ng mga Pilipino.

Naging mabilis ang pagkilos ng BSP sa pamamagitan ng pagkakaroon ng decisive policy support measures gaya ng 125 basis points na pagbabawas sa policy rate at 200 basis points na bawas sa reserve requirement ratio ngayong taon. Sinigurado ni Diokno sa publiko na handa ang Bangko Sentral na gamitin ang lahat ng policy tools para masiguradong mapagtatagumpayan ng Pilipinas ang anumang epekto ng pandemya sa ekonomiya.

DOF: Maganda ang fiscal position ng Pilipinas

Ayon naman kay Finance Secretary Carlos Dominguez, nasa magandang posisyon ang Pilipinas na malampasan ang hamon ng coronavirus na syang nanalasa sa global economy. May kakayahan ang gobyerno na gastusan ang anumang kailangan para magapi ang COVID-19 dahil matatag ang mga polisiya ni Duterte hinggil sa macroeconomic at fiscal management.

Ang mga polisiya at ang komprehensibong reporma sa pagbubuwis ay nagdulot ng balanseng pamamahala sa utang at mas napabuti ang pinagkukunan ng income kaya nakapagbigay ng malaking suporta ang rehimeng Duterte sa pangkalusugan at pangkabuhayang pangangailangan ng mga Pilipino nang walang pangambang malulubog sa utang. Nakikipagtulungan din ang economic managers sa Kongreso, business community at sa pribadong sektor para makabuo ng mga polisiyang magsusulong ng mga inisyatibo tulad ng karagdagang investment sa liberalisasyon. Ang mga natitirang tax reform packages ang syang makakapagpabilis ng recovery ng bansa at mapapanatili ang mataas na paglago ng ekonomiya.

NEDA: Sapat ang buffers ng Philippine economy para labanan ang COVID19 impact

Ayon naman kay NEDA Secretary Karl Kendrick Chua, habang nagsasagawa ang gobyerno ng malawakang relief at mitigating measures, kailangan din namang magkaroon ng plano para sa pagsisimula muli ng ekonomiya. Ang layunin ay para matulungan ang mga Pilipino, ang mga negosyo, at ang kabuuang ekonomiya na makapagsimula sa oras na malampasan na ang pandemya.

Nagsasagawa na ng pagbalangkas ng COVID-19 recovery plan ang Inter-agency Task Force Technical Working Group for Anticipatory and Forward Planning na pinamumunuan ng NEDA. Iaanunsyo ang mga detalye ng naturang plano sa lalong madaling panahon.

Fitch Ratings: Binago ang rating outlook para sa Pilipinas

Sa pinakahuling ulat ng Fitch Ratings, ibinaba nito ang rating outlook para sa bansa mula “positive” sa “stable” dahil sa COVID19 impact sa ekonomiya at sa enhanced community quarantine. Ganun din, kinumpirma nito ang “BBB rating” na syang sumasalamin sa mga fiscal at external buffers, kasama na ang mababang debt-to-GDP ratio at patuloy na matatag na medium term growth prospects.

Inaasahan ng Fitch Ratings na magtatala ang ekonomiya ng Pilipinas ng 1% na pag-urong o contraction ngayong taon. Ngunit, inaasahan pa rin ng credit rating agency na mapapanumbalik ng Pilipinas ang paglago nito sa mga susunod na taon. Ayon sa baseline scenario nito, lalago ang Philippine economy ng 7% sa 2021.

Moody’s: Pinanatili ang credit rating at outlook ng Pilipinas sa kabila ng COVID19 impact

Hindi naman binago ng Moody’s Investor Service ang credit rating at outlook sa Pilipinas. Ayon dito, posibleng umurong nang 2.5% ang gross domestic product (GDP) ng bansa ngayong 2020. Matatandaang Baa2 at stable ang rating at outlook na ibinigay ng credit rating agency. Ibig sabihin, hindi nito inaasahan ang pagbabagong pababa o pataas ng rating sa nalalapit na panahon.

Kapag nagbigay na ng mas mataas na credit rating, ibig sabihin nito ay mas maraming pagkukuhanan ang Pilipinas ng utang sa mas mababang interes. Itataas lamang ng Moody’s ang rating sa bansa kung mayroong malaking pagbabago sa paglago ng per capita income at ng paglaki ng revenues ng gobyerno. Magkakaroon naman ng downgrade kapag mayroong pagbabaligtad sa mga reporma at nagkaroon ng macroeconomic instability.

Inaasahan din ng ahensya na magiging matatag pa rin ang real GDP growth ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Ganun din, inaasahan ang pagpapatuloy ng pagpapatibay ng fiscal metrics para sa pagpapanatili ng pagpapatupad ng socioeconomic reform agenda.

S&P Global Ratings: Pinanatili ang BBB+ credit rating at stable outlook

Ayon sa S&P Global Ratings, matatag ang estado ng ekonomiya ng Pilipinas at inaasahan nito ang panunumbalik ng paglago simula sa isang taon. Inaasahan din nito ang pagbaba ng fiscal at debt settings dahil sa malaking gastusin para labanan ang COVID-19 impact.

Ibinigay  ng S&P ang BBB+ rating sa Pilipinas noong April 2019. Ayon pa rin sa credit rating agency, stable pa rin ang outlook at hindi nito inaasahang magbabago ito sa pagitan ng susunod na anim na buwan hanggang dalawang taon.

RELATED: COVID19: Dahilan ng Paglobo ng Utang sa 2020

Ngunit, nagbabala rin ang S&P na posibleng magkaroon ng downgrade sa rating kapag mas lumala ang ekonomiya kesa sa inaasahan at kung mas nagtagal ang pagbagal ng paglago. Ibinaba na nito ang GDP projection sa -2% mula sa 6% noong Disyembre ngunit inaasahan nito ang 9% GDP growth sa 2021 na mas mataas pa sa 6.4% forecast nito.

Siguro, wala namang Pilipino ang magnanais na bumagsak nang tuluyan ang ekonomiya ng Pilipinas dahil mas lalong maghihirap ang mga nasa laylayan ng lipunan. Sa pagharap ng bansa sa hamon ng pandemya, mas kailangan ang maayos na pagpaplano sa pagsisimula ng pag-ahon mula sa bangungot na dulot ng coronavirus.

Sources:

ABS-CBN News. (2020, May 12). Moody’s keeps Philippines’ credit rating, outlook as it flags virus risk. Retrieved from ABS-CBN News: Moody’s keeps Philippines’ credit rating, outlook as it flags virus risk

Cordero, T. (2020, May 8). Philippines in strong position to mitigate COVID-19 economic impact —top econ leaders. Retrieved from GMA News Online: Philippines in strong position to mitigate COVID-19 economic impact —top econ leaders

Noble, L. T. (2020, May 30). S&P affirms Philippines’ rating. Retrieved from Business World: S&P affirms Philippines’ rating